DAPAT MAGKAROON ANG ating gobyerno ng help desk hotline para sa ating mga OFW – kung wala pa ito – na maaari nilang gawing takbuhan at sandalan sa mga samu’t saring problemang kanilang kinakaharap pagbalik nila ng ating bansa mula sa pagbabanat ng buto sa ibang bayan.
Anong silbi na sila ay tinaguriang mga buhay na bayani, dahil sa kanilang mga sakripisyo at pagtulong sa ating bayan, kung walang ipinapakitang kahit konti man lang na parangal sa kanilang kabayanihan ang ating gobyerno sa pamamagitan ng pagtugon sa kanilang mga hinaing?
Hindi ko na kailangan pang banggitin ang paminsan-minsang problema ng ating mga OFW na nawawalan ng trabaho at kailangan ng pamasahe para makauwi ng bansa o dili kaya’y iyong mga nangangailangan ng tulong ligal dahil sila ay nakakulong sa ibang bayan sa kabila ng kanilang pagiging inosente sa mga ibinibintang sa kanila.
Ang nais kong talakayin ay ang mga problema na kinakaharap ng ating mga OFW pagbalik nila ng Pilipinas, partikular na ang problemang pampamilya.
Ang kadalasan na problemang pampamilya na idinudulog sa WANTED SA RADYO ng isang OFW ay madadatnan niya ang kanyang asawa pagbalik ng Pilipinas na may iba nang kinakasama. Ang mga lumapit na sa WSR ay mula sa magkaparehong panig – mister na OFW na inirereklamo si misis at misis na OFW na inirereklamo si mister.
Ngunit mas maraming insidente na ang isang mister na OFW ang nagrereklamo laban sa kanyang misis dahil ito ay sumama na sa ibang lalaki. At ang masaklap, sa ilang pagkakataon, ang sinasabing kabit ni misis ay pulis pa.
At kapag nagsumbong si mister sa mga otoridad, sa halip na siya ay tulungan sa kanyang reklamo, siya pa ang nakakasuhan ng harrassment dahil sa impluwensiya ng kabit na pulis.
Sa kabilang banda, ilang reklamo na rin ang natanggap ng WSR mula sa misis na OFW na nadatnan niya pagbalik ng Pilipinas ang kanyang mister na may ibang kalaguyo. At nang magsumbong siya sa mga otoridad para makuha ang kanyang mga menor de edad na anak mula sa kanyang napariwarang mister, hindi siya nakakakuha ng tulong sa mga ito bagkus siya pa ang nakakasuhan at nababaligtad na may iba nang kinalolokohang lalaki.
Marami na ring natanggap na sumbong ang WSR tungkol sa mister na winawaldas sa bisyo ang mga remittances sa kanya ni misis o dili kaya’y si misis naman ay winawaldas sa kanyang kinalolokohang lalaki ang mga perang padala ni mister.
Sa ganitong klaseng mga problema, anong ahensiya ng ating pamahalaan ang maaaring makapagbigay ng libreng intervention o counselling?
Ngunit ang pinakamasaklap pang problemang natanggap ng WSR, sakali mang naalpasan ng isang OFW ang klase ng problemang aking nabanggit at nais na niyang maka-move on at bumalik ng ibang bansa, bibiktimahin siya – hindi ng mga illegal recruiter, kundi ng mga hulidaper dahil alam ng mga kawatang ito na handang sumuka ng pera ang isang OFW na papalapit na ang biyahe at siguradong hindi pa ito magsasampa ng kaso.
Anong tanggapan ng ating pamahalaan ang dapat tumulong sa mga ganitong klaseng problema ng mga kawawa nating bayani?
Ang WSR ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo