NAMAMAYAGPAG NGAYON ang mga salisi gang sa Manila International Container Port (MICP). Pero hindi tulad sa mga salisi gang na tumitira ng barya-barya sa mga customer ng mga internet shop at restaurant, ang grupo ng salisi gang sa MICP ay tumitira ng milyun-milyon sa gobyerno.
Ang grupong ito ay mas kilala sa tawag na smuggler sa loob ng Bureau of Customs (BoC). Ang pagpupuslit ng mga ipinagbabawal na kargamento at pagsisinungaling sa manifesto ang talamak na modus operandi ng grupo. Sa customs lingo, misdeclaration ang tawag dito.
Noong Biyernes, March 1, isang text message ang aking natanggap sa aming Wanted Sa Radyo text hotline. Isiniwalat ng texter ang naganap na malaking katiwalian sa loob ng MICP noong Huwebes ng gabi, February 28.
Nang tawagan ko at makausap ang nasabing texter, nagpakilala siya bilang isa sa mga operatiba ng customs police. Ayon sa kanya, hapon pa lang ng Huwebes, nakatanggap ang departamento nila ng isang tip na may 32 containers na naglalaman ng mga bigas ang ipupuslit palabas ng MICP.
Ang nakasulat daw sa manifesto para sa mga kargamentong ito ay farm equipments. At dahil walang permit ang mga bigas – para mailabas ng MICP, imi-misdeclare ito bilang mga kagamitang pambukid.
Pagkatapos daw isa-isang matukoy ang mga container number na naglalaman ng mga bigas, nag-isyu ng alert order ang customs police para sa nasabing mga kargamento. Nang magdilim, at pagkatapos mailatag ang kanilang plano para sa pagsakote sa mga kontrabandong ito, laking gulat nila nang harangin sila umano ng mga taga Office of the Commissioner (OCom) at pakiusapan na huwag magsagawa ng anumang klaseng operasyon para lamang sa gabing iyon.
Pinagsabihan din daw sila ng OCom na walang mapipirmahang alert order sa araw na iyon para makadagdag sa koleksyon ng bureau. Dahil dito, walang nagawa ang mga operatiba kundi ang sumunod at makisama.
Pagkatapos kong makausap ang nasabing texter, kina-panayam ko si Customs Commissioner Ruffy Biazon sa aking programang Wanted Sa Radyo. Sinabi ni Biazon na hindi raw nakarating sa kanya ang impormasyon tungkol sa nabanggit na katiwalian. Pero, gayunpaman, nangako siyang paiim-bestigahan ito.
Ipinasa ko kay Biazon ang pangalan ng consignee pati na ang ilang mga container number na naglalaman ng mga bigas na naipuslit palabas ng MICP noong Huwebes ng gabi. yon pa sa texter, isang alyas “Joel” daw ang nagmamay-ari ng nasabing mga kargamento at lider ng pinakamalaking grupo ng salisi gang sa MICP.
Pero hindi lamang daw bigas ang tinatrabaho ng grupo ni Joel kundi maging mga mamahaling alak at sigarilyo. Ang mga kargamento raw nilang alak ay idinedeklarang mga orange juice o fruit drinks. Samantalang ang mga sigarilyo naman ay idinedeklarang assorted grocery items.
Kada linggo, dagdag pa ng texter, pumapalo mula 30 hanggang 50 na mga container na naglalaman ng mga misdeclared items ang tinatrabaho ng grupo ni Joel.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3FM, Radyo5 – Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay nakasimulcast sa Aksyon TV Channel 41.
Ang inyong lingkod ay napanood din sa programang T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00pm. Alamin ang mga kaganapan sa ating bansa sa buong linggo at panoorin ang Aksyon Weekend news tuwing Sabado, 6:30pm. Ito ay naka-simulcast sa Aksyon TV channel 41 at Radyo5.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87TULFO, 0917-7WANTED, 0918-983T3T3 o 0949-4616064.
Shooting Range
Raffy Tulfo