WALANG MINTIS, araw-araw, dinadagsa ang action center ng Wanted Sa Radyo ng mga taong nag-iintrega ng mga mahalagang bagay na napulot nila para maibalik sa mga may-ari nito.
At dahil dito, sa tuwing ikahuling Biyernes ng buwan, inilalaan ng Wanted Sa Radyo ang araw na ito bilang isang espesyal na araw ng pagkilala sa kanila – mga sertipikadong tapat na Pilipino. Sila ang mga bukod tanging klase ng mga mamamayan na hindi nagpapadala sa tukso at hindi nasisilaw sa kinang ng salapi.
Ang bawat isa sa atin ay makahuhugot ng inspirasyon mula sa kanila sa gitna ng kaliwa’t kanang napapabalitang katiwalian na nagaganap sa ating bayan na kinasasangkutan pa man din ng mga namumuno sa ating pamahalaan.
Noong July 26, Biyernes, muling idinaos ang pagbibigay-parangal sa sampung mga sertipikadong tapat na Pilipino sa pamamagitan ng 10th Gawad Katapatan Award ng Wanted Sa Radyo sa studio ng 92.3 FM, Radyo5, sa TV5 Compound sa 762 Quirino Highway, San Bartolome, Novaliches Quezon City.
Ang 10th Gawad Katapatan Award ay binubuo ng sampung taxi driver na pinangungunahan ni (1) Edison P. Delos Santos ng Glowing Stone Taxi. Si Edison ay nagsoli ng laptop bag na naglalaman ng P42,000.00 at mahahalagang dokumento.
Halos maiyak-iyak at magkandautal-utal sa sobrang tuwa ang may-ari ng nasabing bag na si Rizaldo Cubit nang kanyang kunin ito sa Wanted Sa Radyo. Si Rizaldo ay isang seaman na kababalik lamang ng bansa, at ang perang naisoli sa kanya ay ang kabuuang halagang naipon niya sa maraming taong pagbabanat ng buto sa barko at balak niyang gamitin ito sa pagnenegosyo.
Ang iba pang mga binigyan ng parangal sa 10th Gawad Katapatan Award ay sina: (2) Rogelio D. Obiena ng BLL Taxi, nagsoli ng wallet na may lamang P18,680.00. (3) Dante L. Canoy ng Transcity Taxi, nagsoli ng wallet na may lamang P8,100.00. (4) Cyrus A. Gigante ng Nine Stars Trans, nagsoli ng isang bag na may lamang tatlong HP laptop at Nokia E71 cellphone. (5) Norlex R. Medinaceli ng Idago Taxi, nagsoli ng bag na may HP laptop. (6) Luis P. Sabanal ng World Taxi, nagsoli ng bag na may HP laptop. (7) Sonny A. Vivero ng Icab Taxi, nagsoli ng bag na may HP laptop. (8) Rodolfo L. Lucanas ng Momoy Taxi, nagsoli ng Apple iPad Mini. (9) Marlo G. Embelino ng PAFC Taxi, nagsoli ng Apple iPad Mini. (10) Jack Y. Gantuangco ng RMB Taxi, nagsoli ng Samsung Galaxy Tab, dalawang maleta, isang handbag at stroller.
ANG LAHAT ng mga isinoli sa Wanted Sa Radyo ng nabanggit na mga sertipikadong tapat na taxi driver ay naibalik din agad sa mga may-ari nito maliban sa tatlong HP Laptop at Nokia E71 na napulot ni Cyrus A. Gigante at pag-aari ni Fister Josephus Piet, isang Dutch national.
Nang mapag-alaman naming nakaalis na ng bansa si Piet, ibinalik namin ang kanyang mga gamit sa Netherlands Embassy sa Paseo de Roxas sa Makati City sa pamamagitan ni Gloria Nuguid, Secretary to the General Affairs Department.
Nangako si Nuguid na gagawin ng kanilang embahada ang lahat upang matunton si Piet at maibalik sa kanya ang kanyang mga gamit.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan araw-araw, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay kasabay na napanonood sa Aksyon TV Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo