KAPAG SINABING taxi driver, ang agad na pumapasok sa isipan ng ilan sa ating mga kababayan ay mga tsuper na namimili ng mga pasahero, nangongontrata at nandaraya sa metro. Pero lingid sa kaalaman nila, napakaraming taxi driver ang napagkakatiwalaan at tapat sa kanilang trabaho.
Noong September 19, 2012, Miyerkules, sampung taxi driver ang binigyan ng medalyang Gawad Katapatan award sa studio ng 92.3 FM Radyo5 sa WANTED SA RADYO. Sila ay binigyan ng pagkilala dahil sa kanilang pagsoli ng mga mahalagang bagay na naiwan sa kanilang taxi ng kanilang pasahero sa Action Center ng WSR.
Ang mga nasabing bagay ay kinabibilangan ng pera, laptop computers, cellphones, golf bag, baril, kilo-kilong Shabu at mahahalagang dokumento. Ang lahat ng bagay na ito ay naibalik ng WSR sa mga may-ari, maliban sa baril at Shabu na aming isinurender sa PNP at PDEA.
ANG SAMPUNG taxi driver na nabigyan ng medalyang Gawad Katapatan ay ang mga sumusunod: Ruperto A. Gonzales ng EFE Taxi, Dominador A. Basilides ng Dhess & Tin Taxi, Winifredo R. Ya-on ng A.A. Galang Taxi, Edgardo C. Ramirez ng Altheerese Taxi, Lazaro T. Tolentino ng Rangen Taxi, Marlon B. Cabudol ng BMM Taxi, Efren M. Piscadero ng JCA Trans., Rommel C. Nedera ng R&E Taxi, Reno S. Dalumibay ng AFJ Taxi, at Lucio A. Casil ng Rojaro Taxi.
Bukod sa medalyang iginawad ng WANTED SA RADYO, binigyan-diin ng pagkilala ng Presidente at CEO ng TV5 Network na si Atty. Rey Espinosa ang mga nabanggit na taxi driver sa pamamagitan ng pagbigay ng P500 sa bawat isa sa kanila.
Ang awarding ceremony na naganap noong September 19 ay ikinober nang live sa 92.3FM at AksyonTV Channel 41, 2:00 – 4:00 pm.
Sa mga nabigyan ng award, congratulations and keep up the good work!
HINDI MADALI ang maging isang taxi driver. Pagod at puyat ang palaging kaakibat ng kanyang trabaho. Kung minsan, may mga nakaamba pang panganib na maaari niyang sapitin tulad ng maging biktima ng holdap at hulidap.
Mas malaki ang porsyento na ang isang taxi driver ay maging biktima ng hulidap mula sa mga tiwaling pulis ng mobile car kaysa sa mga totoong holdaper.
Mas delikado nga lang para sa isang taxi driver ang maging biktima ng mga tunay na holdaper dahil karamihan sa kanila ay mga bangag sa droga at pinapatay pa ang kanilang biktima matapos holdapin.
Pero matinding kalbaryo rin ang maaaring sapitin ng isang taxi driver sa kamay ng mga barumbadong hulidaper. Ilan sa mga hulidaper na ito ang hindi nakukuntento sa simpleng kotong, dinadala nila sa presinto ang kanilang biktima sa gawa-gawang kaso at tinatakot na ikukulong para mapilitang sumuka ng malaking pera.
Ngunit kapag naiwasan niya ang mga ito, ang isang masipag na taxi driver ay kumikita ng sapat na pera para sa araw-araw na maganda at maayos na pamumuhay ng kanyang pamilya.
ANG WANTED SA RADYO ay napakikinggan sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm. Ito ay naka-simulcast sa AksyonTV Channel 41. Ang WSR Action Center ay matatagpuan sa 163E Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle, Quezon City. Ito’y bukas mula 9:00am hanggang 5:00pm, Lunes hanggang Biyernes.
Kung nais ninyong magparating ng inyong mga sumbong sa WSR sa pamamagitang ng text, maaari ninyo itong ipadala sa 0917-7WANTED o 0908-87TULFO.
Malugod na inaanyayahan ko kayong lahat na panoorin ang T3, Kapatid Sagot Kita sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30 – 6:00pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo