ANG PAGBANSAG sa mga jeepney driver bilang “King of the Road” ay isang misnomer. Ang mga tamang tao na nababagay para sa bansag na itoay ang mga pulis at traffic enforcer.
Paano mo matatawag na hari ng daan ang mga jeepney driver samantalang sila ay kinokotongan at binabatuk-batukan lamang ng mga pulis at traffic enforcer?
Ang mga abusadong miyembro ng dalawang grupong ito ang bagay na mabansagang mga tunay na hari’t kilabot ng daan dahil hindi lamang mga jeepney driver ang paboritong abusuhin ng mga ito kundi maging ang iba pang mga tsuper sa kalye – maliban na lang siyempre sa mga tsuper na ang minamaneho ay mga mamahaling sasakyan tulad ng Ferrari, Mercedes Benz, BMW, Porsche, Jaguar, Land Cruiser, atbp.
ISANG HALIMBAWA ng paboritong abusuhin ng mga pulis ay ang mga nagmamaneho ng motorsiklo tulad ni Raymond Ticman.
Noong May 29, Miyerkules ng hapon, pagdating ni Raymond ng kanyang destinasyon sa Plaza Miranda sa Maynila, tinanggal niya ang kanyang helmet at akma na sana siyang bababa nang sitahin ni PO2 Emmanuel Caballes.
Tinanong muna ni Caballes si Raymond kung siya ba ay isang Muslim. Nang malamang hindi Muslim, agad na hiningi ni Caballes ang lisensya ni Raymond dahil sa violation daw na pagmamaneho na hindi gamit ang helmet.
Sinabi ni Raymond na pababa na siya ng motor kaya natural na tinanggal na niya ang kanyang helmet. Ipinakita pa nito ang kanyang hawak-hawak at kahuhubad lamang na helmet sa pulis bilang patunay na mayroon talaga siyang helmet.
Nagpumilit pa rin si Caballes na kumpiskahin ang lisensya ni Raymond. Napilitan si Raymond na i-surrender ang kanyang lisensya kay Caballes. Napikon si Caballes dahil hindi agad-agad na isinurender ni Raymond ang kanyang driver’s license. At kaya naman hindi agad ibinigay ni Raymond ang kanyang lisensya dahil walang dalang paniket ang pulis.
At nang mahawakan ni Caballes ang lisensya ni Raymond, pinunit niya ito. Dahil wala ngang dalang paniket, pilit niyang pinasunod sa presinto si Raymond. Pagdating ng presinto, mabuti na lamang at kakilala ng tiyahin ni Raymond ang hepe ni Caballes kaya pinakawalan din siya agad at hindi na ginambala pa.
ANG MGA taxi driver na tulad ni Joy Causo ay isa rin sa mga paboritong pagdiskitahan ng mga pulis. Noong May 8 ng umaga, nasagi ang taxing minamaneho ni Joy ng isang Starex van na biglang tumakas.
Hinabol ni Joy ang van. Nang maabutan niya ito, naisumbong niya sa pulis na si SPO1 Rolando Olanda ang pangyayari. Pero sa halip na kumpiskahin ang lisensya at tiketan ang driver ng van, ang lisensya ni Joy ang kinumpiska at sinabihang balikan na lamang ito.
Pero nang balikan ni Joy ang kanyang lisensya, naramdaman niyang pinaiikut-ikot siya at animo’y nagpapahiwatig kung bakit siya pinahihirapan. Ngunit sa halip na bumigay sa ginagawang panghaharas sa kanya, minarapat ni Joy na dumulog na lamang sa Wanted Sa Radyo (WSR).
At hindi nga siya nagkamali dahil mabilis din naming nabawi ang kanyang lisensya nang walang binabayarang ni singkong multa.
Ang WSR ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay kasabay na napanonood sa Aksyon TV Channel 41.
Para sa mga nais magparating ng sumbong sa WSR mangyari lamang na mag-text sa 0908-87-TULFO o 0917-7-WANTED. Maaari ring dumulog nang personal sa WSR action center sa 163-E Mother Ignacia Ave., Brgy. South Triangle Quezon City, Lunes hanggang Biyernes, 8:30 am-5:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo