LUMILITAW ANG tunay na karakter ng ilang pulitikong kumakandidato sa tuwing sumasapit ang eleksyon. Nakalulungkot nga lang dahil marami sa mga botante ang hindi napapansin ang samu’t-saring masasamang ugaling ipinamamalas ng mga kandidatong ito para lamang makuha ang kanilang boto.
Ang pinakatalamak na modus operandi ng isang tusong kandidato para lubos na mapansin ay ang manggamit – gagamitin niya ang kasikatan ng isang showbiz celebrity at ito ay kanyang gagawing ka-loveteam para ang fans ni celebrity ay tiyak na kikiligin. Sasakay siya sa labis na popularity ni celebrity.
Kapag nasusulat si celebrity sa mga dyaryo o napag-uusapan sa mga radyo o dili kaya nakikita sa mga palabas sa telebisyon, ‘di maiwasan na maidudugtong ang kanyang pangalan. At dahil dito, ‘di na niya kailangan pang mangampanya. Ang mangangampanya para sa kanya ay ang pangalan ng celebrity na ginamit niya. Sapagkat patok ang pangalan ni celebrity, tiyak na papatok din ang pangalan niya sa survey.
Isa pa sa mga modus operandi na patok sa isang tusong kandidato ay ang manira at gumawa ng iskandalo laban sa kapwa niya pulitiko.
Sasakay siya sa isang mainit na isyu at makikisawsaw sa gulo. Sa paraang ito, hindi maiwasan na mapag-uusapan ang kanyang pangalan habang pinuputakte ng mga usisero ang iskandalo na siyang may pasimuno.
Kahit pa hindi na mainit ang isyu, pero nakatatak na sa isipan ng mga mamamayan ang kanyang pangalan sa tuwing maaalala ang malaking kaguluhan na kanyang sinawsawan. Sila ang mga uri ng kandidato na hindi dapat ibinoboto.
ISA SA mga kandidatong nakakuha ng aking labis na pagrespeto ay si Congressman Jack Enrile – kumakandidato para sa Senado.
Hindi katulad ng isang kapwa niya kandidato na garapalang sinasakyan ang pangalan ng yumaong kamag-anak na napaslang at naging bayani – at trying hard na ginagaya pa ultimo ang pagpustura nito – si Jack Enrile ay may sariling paninindigan at diskarte.
Bagama’t anak siya ni Senate President Juan Ponce Enrile, hindi niya ginagamit ang pangalan ng kanyang ama sa pangangampanya. Patunay rito, sa ilang mga usapin, hindi sumilong sa anino ng kanyang ama si Congressman Jack Enrile.
Sa usaping Reproductive Health (RH) Bill at Sin Tax Bill, nagkaroon siya ng sariling paninindigan at naging magkaiba ang kanilang paniniwala ng kanyang ama. Ibig sabihin, may sarili siyang pag-iisip at naninindigan sa sariling paniniwala.
Nang makausap ko si Congressman Jack Enrile kamakailan, binanggit niya ang kanyang seryoso at puspusang pagsulong sa kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na pagkain sa mesa ng bawat Pilipino.
Marami pa rin kasi sa mga Pilipino ang nagugutom – marami ang nabibilang sa tinatawag na isang kahig, isang tuka samantalang marami rin ang wala talagang makain at namamatay sa gutom. Katandem ng adbokasiya niyang ito ay ang mass job creation – ang pagkakaroon ng maraming trabaho para sa maraming Pilipino.
ISA SA mga katangiang kapansin-pansin kay Congressman Jack Enrile ay ang kanyang pagiging down to earth sa pakikipaghalubilo sa tao. What you see is what you get, ‘ika nga. Walang halong kaplastikan. Madali siyang malapitan. Kapag nakausap mo siya, parang isang dekada na kayong magkakilala at kampante siyang ikuwento ang kanyang buhay at ang kanyang mga nagawa para sa bayan nang walang pag-aalinlangan.
Hindi siya nagbibigay ng distansya sa pagitan ng estado niya at estado ng kanyang kausap. Kapansin-pansin na paborito niyang tawagin ang sinumang kausap niya ng boss o mam. Dito, ipinaparamdam niya sa kanyang mga kausap na siya ay isang public servant na handang magsilbi para sa kanila.
Shooting Range
Raffy Tulfo