Ang Mundo… Sa Loob ng Piitan

NAPAGLALABANAN KAYA ni dating Pangulong GMA ang kaibang uri ng kalungkutan araw-araw sa loob ng piitan?

Ito lamang ang kanyang tanging mundo. Walang radyo, TV, cellphone, laptop, pahayagan at iba pang uri ng komunikasyon. Paggising sa umaga, walang gagawin kundi lumakad pabalik-balik sa silid, sala, at kusina kasama lang ng isang nurse at helper.

Paggising sa umaga, nakabibinging katahimikan ang pupungaw sa tenga. Sasaklutin ng pagkabagot at isang uri ng pangamba. Walang makausap. Taliwas sa naging dati niyang buhay ng kapangyarihan at karangyaan.

Sa buong maghapon, kung walang bisita, bubunuin muli niya ang nakabibinging katahimikan. Paminsa-minsa’y makakarinig ng usapan ng mga guwardiya, huni ng ibon at malakas na hampas ng hangin. Pagkatapos, isa na namang nakababaliw na katahimikan.

Sa gabi, ‘pag umalis na ang mga bisita, tutulog sa kama nang nag-iisa. ‘Di agad dadalawin ng antok. Ang isip ay mapupuno ng iba’t ibang imahe, sigaw at alaala. Gigising sa madaling-araw para magbanyo. Subalit ‘di na muling dadalawin ng antok. Gising na hanggang umaga. At hahambalusin muli ng isang naghuhumiyaw na katahimikan.

Ang gulong ng buhay ay paikut-ikot. Kagaya ng gulong ng sorbetes. Sabi nga ng dating Pangulong Erap: “Ako ay handang magpatawad. Subalit sa akin ang huling halakhak.”

SAMUT-SAMOT

 

PAGING MANILA Mayor Alfredo S. Lim. Kelan kaya mabubuksan ang kabilang bahagi ng Paco Market? Simula nang inagurasyon nito nu’ng Abril, nakatengga ito at mukhang inaagiw na. Sa labas nito ay nagsisiksikan ang mga dating stallholders sa makipot na kalsada ng A. Linao na katabi nito. Unti-unti nang nabubura ang bahaging ito ng kalsada at halos maliit pa sa eskinita ang madadaanan ng mga mamimili at mga suppliers.

PAGING DSWD Sec. Dinky Soliman. Mahabag naman sa mga naglipanang streetchildren na nagpapalimos sa Kamaynilaan. Panahon pa ng kopong-kopong ang problemang ito. Labas-masok ang administrasyon na walang solusyon. Sa mga tourist centers at malala-king thoroughfares sa Makati at Ortigas, mga bulag naman ang nagpapalimos at nakikipaghabulan sa mga tumatakbong sasakyan. Mga batang nagtitinda ng kung anu-ano ay minu-minutong pinagmumuntikang masagasaan. May batas laban dito. Ipatupad.

DAPAT KASUHAN na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang tatlong cellphone companies sa pagsuway nito sa kautusang bawasan ng 20 sentimos mula P1.00 ang text charge. Ilang linggo na itong pinag-utos ng NTC pero parang manhid at walang pakialam ang mga kumpanyang ito sa kapakanan ng kanilang subscribers. Konting barya, pinagkakait pa nila. Sangkatutak ang kanilang kita. Mga ganid.

MGA VETERAN actors and actresses ang muling nasusulyapan sa TV screens tulad nina Barbara Perez, Gloria Sevilla, Gloria Romero, Gina Pareño, Eddie Garcia at Eddie Gutierrez. Mga premyadong artista na nabibilang sa dekada ‘50 hanggang ‘80. Mga propesyonal at kakaibang disiplina. ‘Di tulad ng ilang artista ngayon.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleMindoro Gov. Umali at Imus Mayor Maliksi
Next articleWalang Kaso sa ‘Di Pagsipot sa Hearing

No posts to display