SI PO1 Jeru Hernandez ng MPD Station 6 ay maliwanag na halimbawa ng pusakal na madaling nakalusot sa palpak na recruitment process ng PNP at naging ganap ng pulis.
Ang marami pang mga PO1 na katulad ni Hernandez sa ating kapulisan ay dapat magpasalamat sa mga bugok na recruitment and screening personnel ng PNP. Dahil sa mga bugok na ito, ang imahe ng ating Philippine National Police ay nagmimistula ngayong basurahan ng mga kawatan.
Sa lahat ng mga basura rito, si Hernandez ang nabubulok na. Ang hinayupak na ito ay hindi marunong madala. Siya ay unang inireklamo sa T3 dahil sa panghuhulidap sa isang dating miyembro ng Philippine Army na si Apolinario Cababan.
Nang mga panahong iyon – Nobyembre ng nakaraang taon – si Hernandez ay nakadestino sa Station 2 ng Pasay. Siya at ang ilan niyang mga kasamahan ay nag-aabang ng mga motorista na kanilang mabibiktima sa kahabaan ng Roxas Boulevard.
Ang nakamotorsiklong si Apolinario ang natiyempuhan ng grupo. Matapos parahin, inutusan ito ng mga pulis na sumunod sa presinto dahil may impormasyon daw sila na siya’y drug addict.
Pagdating ng presinto, kinuha ni Hernandez ang relo, cellphone at wallet – na naglalaman ng P7,000.00 – ni Apolinario. Hindi pa nakuntento, tinakot ni Hernandez si Apolinario na makukulong maliban na lang kung siya’y makapag-produce ng P10,000.00 pa.
Walang nagawa si Apolinario kundi ang pumayag na maghagilap ng nasabing halaga. Pinakawalan si Apolinario pero ipinaiwan ang kanyang motorsiklo na kanilang pakakawalan din daw kapag bumalik siya na dala na ang pera.
Sa halip na bumalik, dumiretso si Apolinario sa T3. Sa isinagawang surveillance operation ng T3 ng samahan si Apolinario sa presinto, nakunan ng video si Hernandez at ang kanyang grupo habang hinahanap ang P10,000.00 kay Apolinario.
Nang maipakita namin kay NCRPO Chief Gen. Leo Espina ang video, agad na sinibak sa puwesto si Hernandez at ang ilan pa niyang kasamahan. Sinampahan din sila ng kasong kriminal at administratibo.
PERO PAGKALIPAS ng apat na buwan, March 28, muling sumalakay si Hernandez. Ang kanyang bagong biktima ay si Jinky Bustamante, isang balikbayan. Tulad ng dati, may mga kasamahang pulis si Hernandez na pawang mga nakasibilyan din, pero sa pagkakataong ito, sa isang restaurant naman sila nag-abang ng kanilang mabibiktima.
Natiyempuhan ng grupo si Jinky na nakikipag-usap sa isang kapwa niyang balikbayan tungkol sa mga balikbayan box na kanilang ipinararating mula Amerika. Lumapit si Hernandez kay Jinky at tinanong niya ito kung ano ang ibig sabihin ng balikbayan box.
Sinupalpal ni Jinky si Hernandez at sinabihan itong huwag nakikisabat sa usapan. Nang papaalis na si Jinky at ang kanyang kasama, dinakma ng grupo ni Hernandez si Jinky. Kinaladkad ng mga pulis ang balikbayan sa Station 4 ng MPD.
Pagdating ng presinto, idiniretso sa kalaboso si Jinky sa kasong “disobedience to a police officer” – dahil sa hindi raw niya pagsagot sa tinatanong sa kanya ni Hernandez sa restaurant.
Wala nAng paliguy-ligoy pang sinabihan ni Hernandez si Jinky na siya’y mapakakawalan lamang kapalit ng P50,000.00. Pagkatapos magtatatawag ni Jinky, sinabihan niya si Hernandez na hanggang P26,000.00 lamang ang kanyang nakayanang buoin. Hindi na nagreklamo pa ang pulis.
Kinabukasan, nang mai-deliver ng kamag-anak ni Jinky kay Hernandez sa presinto ang pera, saka pa lang pinakawalan ng kalaboso si Jinky.
Pero bago tuluyang pakawalan, pinabaunan ni Hernandez si Jinky ng pagbabanta na kapag ito ay nagsumbong, gagamitin raw niya ang lahat ng kanyang koneksyon para hindi na makababalik ng Amerika si Jinky. Ito ang pangalawang reklamo na nakarating sa T3 laban kay Hernandez.
Ang T3 Reload ay napapanood sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo