MASASABING versatile ang young actress na si Ella Cruz dahil hindi lang siya sa drama napapansin ng mga kritiko, kundi maging sa comedy.
Sa kuwadra ng Viva Films nagsimula si Ella bilang isang child star at ngayon nga’y isa nang Best Supporting Actress awardee ng prestigious na Cinemalaya Philippine Independent Film Festival noong 2019 para sa pelikulang “Edward”.
Because of her loyalty sa kanyang mother studio, hindi pinabayaan ng mga Viva bosses na sina Boss Vic Del Rosario at ang Viva Artists Agency president na si Veronique Del Rosario-Corpuz, si Ella – dahil sa pag-aalaga sa movie career nito.
Just last Holy Week, ipinalabas sa Vivamax streaming platform ang “Biyernes Santo” ni Direk Pedring Lopez, at isa sa cast si Ella.
Here comes “Gluta”, isang bagong comedy-drama flick na siya ang bida – from the twisted mind of writer-director na si Darryl Yap na patuloy ang pag-arangkada sa paggawa ng pelikula sa Viva.
For the record, isang blockbuster hit ang “Jowable” ni Direk Darryl which made Kim Molina a major movie star at isa sa magagaling na comediannes sa bansa.
Just for 2021, tinangkilik rin ng maraming movie buffs ang mga hit Vivamax original movies ni Direk Darryl: “Paglaki Ko, Gusto Kong Maging Pornstar”, “Tilliling”, at “Ang Babaeng Walang Pakiramdam”.
Ang “Gluta” ay tungkol sa isang katutubong Aeta na nangangarap maging isang beauty title holder.
Simula noong bata pa lang siya, nilalait na siya ng mga tao dahil sa angkin niyang kulay, ngunit sinabi niya sa sarili na kahit ganoon ang kulay niya, maganda siya at papatunayan niya sa mundo na mananalo siya sa isang beauty contest.
Bilang isang aeta na nangarap maging isang beauty queen ang role niya sa ‘’Gluta”, natanong ng press si Ella ng isang pang-beauty queen na tanong — “As an artist, ano sa palagay mo ang contribution mo sa society ngayong pandemic, with this movie?”
Sagot ni Ella: ‘‘Thank you so much for that wonderful question. My contribution as an artist… Siguro po, kasi siguro, dahil marami kaming followers, is to influence good things to the people…
“Kaya siguro tinawag na influencers ‘yung may maraming followers sa social media, is to influence good things to the people. Sana, always good things.
“Through this film, gusto ko ring ipaabot sa mga tao ‘yung message po ng pelikula na mahalin ang sarili nila, ‘wag tayong mam-bully, mahalin natin ang mga tao sa paligid natin.
“At kahit na sino ka man, kahit na hindi ka accepted ng society, as long as accepted mo ang sarili mo, eh kaya mong abutin ang pangarap mo.
“Para sa akin, ‘yun po ang ginagawa ko eh. Naalala ko noong high school, and up to now, ina-apply ko pa rin sa sarili ko ‘yung motto na nagawa ko na, ‘Become an inspiration to every generation.’
“Alam ko, marami akong batang audience, alam kong maraming sumusuporta sa akin, ginagawa akong role model.
‘’So, ‘yun ang iniisip ko. Sana, ma-inspire ko sila na i-hold lang nila ang mga pangarap nila. Na maging mabuting tao sila. Na makinig sila palagi sa mga magulang nila… na kaya nila, kahit na sino sila.
“So, ‘yun ang naging vehicle ko, me as an artist to influence good to the people who look up to you.”
Tampok rin sa “Gluta” si Marco Gallo, dating Pinoy Big Brother housemate, na isa na ngayon sa mga heartthrobs ng Viva.
Kasama rin sa cast sina Juliana Parizcova Segovia (bilang closet gay uncle ni Ella), Rose Van Ginkel, at mahalaga rin ang papel ni Cristina Gonzales.
Ano ang leksiyon o mensahe ng “Gluta” at bakit ito dapat panoorin?
“Ang natutunan ko habang ginagawa ko ang pelikula is accept all your flaws, accept who you are.
“Simula noong ginawa ko ang pelikulang ‘yun, doon ko na-realize na mas mahal ko ang sarili ko. Na tanggapin ko kung sino ako, lahat ng negative characteristics ng katawan ko, kung sino ako, at mas maging mabuting tao. ‘Yun ‘yung na-realize ko habang ginagawa ko ang movie na ito.
‘‘Naa-apply ko ito ngayon. Alam kong simula nu’ng ginawa namin ang pelikulang ito, malaki ang pinagbago ko, kasi, tanggap ko kung sino ako. Mas confident ako.
“Even ‘pag magpe-perform ako. Dati, lagi kong nasa utak ang iisipin ng ibang tao. Ngayon, kinalimutan ko siya! Kasi, ginagawa ko kung ano ang gusto ko. Happy ako sa ginagawa ko.
‘‘And gusto ko lang i-share sa mag tao, gusto kong ma-inspire ang mga tao. So, sana, through this film ay ma-realize nila na, sa dami ng mga hindi magagandang mga nangyayari sa mundo, sana, matutunan nating mahalin natin ang mga sarili natin.
“Kasi, ‘pag mahal natin ang sarili natin, mamahalin rin ang mga tao sa paligid natin. Hindi natin sila ihe-hate, dahil masarap kapag mahal mo ang sarili mo, mahal mo ang tao sa paligid mo, aware kang meron silang emosyon at masasaktan sila kapag nagsabi ka ng hindi maganda sa kanila.
“Sana, through this film ay ma-realize rin at matutunan rin ng mga tao ‘yun and mai-apply nila sa sarili nila.”
Samantala, sa first face-to-face media conference na ‘yun ng Viva Films (na dinaluhan namin, sa Botejyu resto sa Estancia Mall, Pasig), dito ay may inamin si Ella.
Ibinulgar niyang una palang nai-offer sa kanya ang isang role sa ‘’Paglaki Ko, Gusto Ko Maging Pornstar” – but Ella declined, dahil hindi pa aniya niya kayang magpa-sexy sa pelikula.
“Naalala ko, nag-usap kami noon ni Boss Vic (del Rosario). Sabi niya, may ibibigay ako sa ‘yong movie, sana, tanggapin mo. Kay Direk Darryl (Yap) ito.
“Sabi ko talaga, ‘Oh, my God, ano ‘to?!’ Kasi, in-offer niya sa akin ‘yung ‘Paglaki Ko, Gusto Ko Maging Pornstar’… Tumambling siguro ako, mga 800 times!” biro pa niya.
“Kasi, di ba, title pa lang? Hindi ko na binasa ang script. Hindi pa alam ni Direk na in-offer ‘yun sa akin. Pinag-pray ko talaga, sabi ko, ‘God, sana naman, hindi ganoong level, kasi, kung hindi, unang word pa lang, no na ako.
“Pero noong nagkaroon kami ng zoom meeting with Direk Darryl for GLUTA, in-explain niya, kinuwento niya ang buong pelikula, sa isang mabilis na oras lang.
“Pagkakuwento niya, hindi na ako nagdalawang isip pa. Sabi ko talaga, ‘Direk, kelan natin ito ishu-shoot?’ Hindi ko na ito ipagpapaalam, hindi na ako hihingi ng approval ni mommy. Kasi, yes na talaga ako for this film.
“Dahil siguro sa ganda ng message ng pelikula, and iba ito sa mga gawa ni Direk Darryl, doon talaga ako napa-yes sa movie itself.
“And doon pa lang sa zoom meeting, very chill lang ni Direk Darryl, hindi siya ‘yung medyo nag-angas. Actually, wala, hindi siya nagpabida the whole time na kausap ko siya.
“Kaya talagang, noong the whole time na kinuwento niya sa akin ang story, sabi ko, ‘Direk, go ako!’ Hindi na ako talaga nag-dalawang isip pa,” masayang tsika ni Ella Cruz.
“Gluta” streams July 2, 2021 onwards sa Vivamax sa web.vivamax.net. Maaari ring mai-download ang app at mag-subscribe sa Google Play Store at App Store o bumili ng Vivamax vouchers sa Shopee at Lazada.
Mapapanood rin ito sa Vivamax Middle East, para sa ating mga kababayan sa UAE, Saudi Arabia, Kuwait, Oman, Bahrain, at Qatar.