NGAYONG ITINALAGA na ng Malacañang si NBI Officer-In-Charge Atty. Nonnatus Ceasar Rojas bilang permanenteng direktor ng nasabing bureau, matitigil na ang mga haka-haka at gapangan ng mga padrino ng iba’t ibang mga personalidad para makuha ang puwesto ng pinakamataas na posisyon sa premier investigative agency ng bansa – ang National Bureau of Investigation.
Makapagtatrabaho na rin nang maayos si Rojas nang wala nang pag-alinlangan at pangamba, ‘di tulad dati na anumang oras ay iniisip niyang baka biglang mapuputol ang kanyang pagiging OIC at may ipapalit na sa kanyang permanenteng NBI director.
Makapagtatrabaho na rin nang matiwasay ang mga kawani ng nasabing bureau nang wala nang pag-alinlangan tungkol sa kanilang loyalty sa liderato ng taong nakaupo ngayon sa kanilang ahensiya.
Noong OIC pa lamang kasi si Rojas, may ilang mga pa-ngalan ng mga personalidad na pumutok sa NBI na maging kapalit niya kaya hindi nila masyadong sineryoso noon ang kanyang liderato.
AYON SA nakalap kong balita, si Rojas ay naging personal pick ni Sec. Leila De Lima ng DoJ – kung saan siya nangga-ling, dahil tulad ni De Lima, si Rojas ay isang straightforward at no nonsense individual. Siya na marahil ang taong makapagbibigay ng total makeover sa NBI at bigyan ito ng kagalang-galang at prestihiyosong pangalan tulad ng counterpart nito sa Amerika na FBI (Federal Bureau of Investigation).
Kaya ang unang dapat gawin ni Rojas ay ang magsagawa ng malawakang balasahan. Marami sa mga kawani ng NBI, lalo na ‘yung mga nakadestino sa mga probinsiya na malayo sa mata ng media, ang sangkot sa iba’t ibang uri ng hulidap at katiwalian.
Ilan sa mga taong ito ay nagpapadrino ng mga illegal logger, human trafficker at gambling lord. May ilan din ang nagsa-sideline bilang mga consultant/bodyguard ng mga negosyante. Dahil dito, ang mga nasabing negosyante ay nakaiiwas na masita ng ibang mga ahensiya ng gobyerno tulad na lang ng BIR.
Dito naman sa Metro Manila, may ilang mga kawani ng bureau ang napapabalita na pumapadrino sa mga smuggler sa mga pier.
PERO PAANO magiging prestihiyoso at kagalang-galang ang NBI at ang mga miyembro nito kung ang budget ng ahensiyang ito ay pipitsugin lang?
Karamihan sa mga miyembro ng NBI ay mga abogado pero ang suweldo na tinatanggap nila ay dinadaig pa ng isang pangkaraniwang empleyado sa ibang sangay ng ating gobyerno. Wala ring maayos na mga service vehicle ang NBI, kaya napipilitan ang mga agent nito na gamitin ang kanilang
mga sariling sasakyan sa operation, at ang iba naman na mga wais ay ginagamit ang kanilang mga tsapa at nang-aarbor ng sasakyan mula sa mga iligal na gawain.
Sa mga nakaraang liderato ng NBI, napapabalitang nagso-solicit noon ang NBI ng mga sasakyan sa mga kaibigang pulitiko para magamit ng kanilang mga field operative. Napapabalita rin noon na ang mga miyembro ng business community ay nagdodonate para sa mga fixture at iba pang mga gamit na kailangan para ikaganda ng iba’t ibang tanggapan sa nasabing bureau.
KAYA ANG isa pang importanteng bagay na dapat gawin ni Rojas ay kausapin niya si Pangulong Noynoy at i-push niya na mabigyan ng karespe-respetong budget ang bureau nang sa gayon hindi na ito animo’y nanlilimos para mapunuan lang ang mga pangangailangan nila.
Siyempre kasabay ng paghingi ng maayos na budget, dapat taasan din ang sahod at allowance ng mga kawani nito para mabigyan sila ng dignidad bilang mga topnotch member ng isang premier investigative agency ng Republika ng Pilipinas. Good luck, Director Rojas!
Shooting Range
Raffy Tulfo