SA PROPOSED National Budget ng Palasyo na P2.268 trillion ay walang nakalaang pondo para itaas ang suweldo ng mga manggagawa sa gobyerno. Ito ang pahayag ni Budget Secretary Florencio Abad. Ipinaliwanag ni Abad na katatapos lamang ng apat na taong proseso ng pagtataas ng suweldo ng mga taga-gobyerno base sa “Salary Standardization Law” (SSL) III.
Dagdag pa ni Abad, sa kasalukuyang budget ay malaking bahagi na nito ang kinain ng pasuweldo sa mga manggagawa ng gobyerno kaya hindi na kakayanin kung magtataas pa muli dahil malaking halaga ang kakailanganin dito.
Ang SSL III ay ang ikatlong bahagi ng “multi-year salary adjustment program”, kung saan ang suweldo ay halos nadoble na. Ang suweldo ni PNoy, halimbawa, na dating P60,000.00 kada buwan ay P120,000.00 na ngayon. Ang sa mga kongresista naman na dating P35,000.00 – P40,000.00 ay aabot na ngayon sa P90,000.00 kung saan labas pa rito ang mga allowance nila. P130,000.00 naman ang take-home pay ng Supreme Court Justices.
ANG TANONG ngayon ay kung ang mga ordinaryong manggagawa ba ay nadoble rin ang suweldo?
Ang SSL III ay unang binanggit ni PNoy sa kanyang pangalawang SONA noong 2011.Ang layunin nito ay ga-wing competitive ang suweldo ng mga kawani ng gob-yerno upang maakit ang mga magagaling na Pilipino na sa pamahalaan magtrabaho. Ngunit may mga batayang obhetibo ang pagtaas ng suweldo.
Dapat ay may mataas na grado ang antas ng pagiging produktibo ng isang manggagawa ng gobyerno. Kung bagsak ang grado, mananatiling mababa ang basic pay nito. Nakasalalay sa tinatawag na “meritocracy” ang basehan ng pagtataas ng suweldo ng mga ordinaryong empleyado.
Paano naman kaya ang sistemang ginamit sa Presidente, mga Senador at Kongresista? Malaki ba ang nagawa nila sa bayan para madoble halos ang suweldo ng mga ito? Hindi yata patas ang labanan, Secretary Abad. Sa dinami-rami ng mga Kongresista ay iilang batas lang ang naipapasa at karamihan pa rito ay mga pagpapalit lang ng pangalan.
May mga Senador ding nagpapalaki lang ng tiyan sa puwesto. Mukhang may ilan ngang halos walang nagawang matinong batas. Dapat ay bawasan pa nga ang suweldo nitong mga tamad na mambabatas na ito.
KUNG TOTOO mang lumaki ng mahigit 50% ang suweldo ng mga taga-gobyerno, sana naman ay dagdagan nila ng sipag ang kanilang trabaho. Hindi iyong basta papasok lang dahil iyon ang schedule. Puwede sanang magpahuli nang konti sa lunch time at uwian kung kinakailangan. Madalas kasi ay basta sumampa sa alas dose ng tanghali o minsan ay menos kinse lang bago mag-alas dose ay nagla-lunch break na ang mga taga-city hall kahit mahaba pa ang pila ng mga tao. Maaga pa sa alas-kuwatro kung umuwi naman ang mga ito.
Dagdagan din sana ang ngiti at pasensya sa mga tao, lalo na iyong mga walang pinag-aralan o salat sa edukasyon. Kahit ganoon sila ay mga bossing n’yo sila dahil sila ay mga tax payer din na pinagkukunan ng pasuweldo sa inyong mga taga-gobyerno.
MR. PRESIDENT, lumabas sa pag-aaral na sa P2.68 trillion proposed budget ay halos umabot sa P1 trillion ang walang alokasyon na pondo o generic. Kung ganoon ay “discretionary” fund itong maituturing, sa ibang salita ay puwede itong tawaging PDAF o pork barrel ng Pangulo.
Baka puwedeng dagdagan pa ng konti ang pondo sa pasuweldo at edukasyon dahil mahirap talaga ang buhay kahit tuwid ang daan!
Shooting Range
Raffy Tulfo