NGAYONG MUKHANG papatapos na ang bakbakan sa Zamboanga, magsisimula pa lang ang mas mahirap na laban para sa mga tagarito. Wasak na tahanan, natigil na pag-aaral, naluging kabuhayan at mga taong napasasailalim ng takot at kawalang-pag-asa ang maiiwang sugat ng digmaang ito sa lungsod.
Halos tumulo ang luha ni Zamboanga City Representative Celso Lobregat habang sinasabi nito na mahirap at matatagalan ang gagawing rehabilitation para muling makabangon ang Zamboanga City. Nagpasalamat din ang kongresista sa P3.8 billion na binigay ng gobyerno para pondohan ang rehabilitation.
Saan dapat magsimula ang pagbangon?
Ang DepEd ay nagsimula nang magbigay ng stress debriefing sa mga teacher at school administrator para sa muling pagbubukas ng klase sa Zamboanga. Ngunit sa kabila nito ay hindi pa rin natitiyak ng DepEd kung lahat ng paaralan sa lungsod ay magbubukas na. Base sa kanilang assessment ay 167 ng 205 na mga pampublikong paaralan lamang ang may kakayahang magbukas muli.
Wasak na istraktura ng ilang paaralan, sira-sirang gamit at wala nang halos mapakikinabangan sa mga ito. Ang dating mahirap na estado ng mga public school dito ay mas humirap pa ngayon.
ANG DEPARTMENT of Labor and Employment (DOLE) ay tumututok sa mga programang makapagpapabalik sa mga trabaho at iba pang puwedeng pagkakitaan ng mga tao.
Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldos, may P4 million na pondo ang DOLE sa ilalim ng Budgeting Program para makapagbigay ng emergency employment sa may 1,300 manggagawang nawalan ng pagkukunan ng ikabubuhay dahil sa digmaan. Kai-langan ding ma-prioritize at magkaroon ng fast tracking ang mga livelihood programs para sa Zamboanga.
Ang DSWD naman ay magkakaroon ng merging sa kanilang evacuation centers dahil marami na ring mga biktima ng trahedya ang nakabalik sa kani-kanilang mga tahanan. Sa halos 18,112 na pamilyang lumikas, may 4,352 ang nakabalik na sa mga bahay o nakitira sa kanilang mga kamag-anak. Kaya mula 57 evacuation centers ay bumababa ang bilang nito sa 35.
Ilan lamang ito sa mga maliliit na hakbang para muling makabangon ang Zamboanga. Mahaba pa ang lalakbayin at marami pang dapat gawin para bumalik sa normal ang lahat.
Ang mahirap dito, baka sa pagbangon ng Zamboanga ay mu-ling sisiklab ang digmaan sa lungsod. Tila paulit-ulit lang ang ganitong buhay at problema sa Mindanao. Kailan ba ito matatapos?
KUNG BABALIKAN ang kasaysayan, hindi kailan man nagkaroon ng tunay na kapayapaan sa Mindanao. Ang MNLF na unang itinatag ni Nur Misuari ay naghati-hati pa sa ilang grupo. Ang ibig sabihin ay mas dumami ang arm struggle sa Mindanao.
Ilang mga pangkapayapaang treaty rin ang nilagdaan sa pagitan ng mga rebelde at gobyerno. Sa simula ay magkakaroon ng kasunduaan ngunit dahil nanatiling armado ang mga grupong ito ay madaling magkaroon ng digmaan sa oras na may grupong hindi sumang-ayon sa kasunduan o nakaramdam ng pagkaagrabyado.
Ganitung-ganito ang pinagsimulan ng gulo sa Zamboanga. Sa hinaharap ay hindi lang si Misuari ang maaaring magsimula ng gulo, kundi marami pang lider ng mga armadong rebelde ang puwedeng gumawa ng parehong digmaan.
Sa tingin ko, dapat siguraduhin ng gobyernong Aquino na sa ginagawang Bangsamoro framework ay mawawala ang mga armadong grupo. Dapat matiyak na isusuko ang lahat ng armas sa Mindanao.
Ang Armed Forces of the Philippines lamang dapat ang nag-iisang sandatahan ng Pilipinas. Dahil habang may ibang may hawak ng sandata ay patuloy na magkakaroon ng armadong pakikibaka o arm struggle.
Matitiyak lamang ang tuluyang pagbangon ng Zamboanga kung magkakaroon ng ganitong commitment ang MNLF at gob-yerno.
Shooting Range
Raffy Tulfo