ANG PAGIGING propesyonal ay hindi lamang para sa mga nakatatanda. Ang pagiging propesyonal ay hindi pinaghahandaan pagka-graduate ng kolehiyo. Ang pagiging propesyonal ay hindi sinisimulan kapag mag-a-apply ng trabaho. Ang pagiging propesyonal ay pinag-aaralan, isinasabuhay, isinasagawa ngayon mismo at hindi sa pagtanda mo.
Kailangang maging propesyonal sa ayos, sa tindig, sa pananamit, sa pangangatawan at sa pag-uugali.
Paano nga ba maging propesyonal?
Simulan natin sa pananamit at ayos ng panlabas na kaanyuan. Kinakailangan magsuot ng naaayon na damit sa pupuntahan. Kung sa eskuwelahan, ugaliing magsuot ng kumpletong uniporme, kapag sinabing kumpleto ito ay nangangahulugan na walang labis, walang kulang. Huwag na huwag kalilimutan ang neck tie, ribbon o lambda kung mayroon. Huwag ding tutupiin ang mga manggas ng blouse at polo. Sa mga mag-aaral, magsuot ng puting medyas at wala nang iba pang kulay. Kinakailangan ding suotin palagi ang inyong itim na sapatos pamasok sa eskuwela, hangga’t maaari gawa dapat sa balat.
Sa kababaihan, tutal mag-aaral pa lamang kayo, huwag munang magpataasan ng mga takong, ha? Bawal na bawal din ang mga open shoes gaya ng sandals. At siyempre, higit sa lahat, hindi makukumpleto ang inyong uniporme kung walang I.D.
Sa mga mag-a-apply para sa OJT o kaya haharap sa kanilang mga interviews, sa mga nagde-defend ng thesis o report, siyempre kinakailangan diyan ay nakasuot ng corporate attire. May low scale at high scale corporate attires na tayong tinatawag pero ang ituturo ko sa inyo ay high scale na. Sa kababaihan, magsuot ng palda na hindi maiksi. Paano mo malalaman kung masyadong maiksi ang iyong suot? Ang gawin mo ay kumuha ka ng bond paper, ilapag ng crosswise ang bond paper sa iyong kandungan habang nakaupo. Kung ang bond paper ay mas mahaba pa sa palda mo, palitan mo na ‘yan. Magsuot ng blouse na may kuwelyo at samahan ng blazer. Magsuot din ng sapatos na may at least 1.5 na takong. Hangga’t maaari, gawa sa balat at kulay itim o nude para mas magandang tignan.
Sa kalalakihan naman, pantalon na kulay brown, black at gray ang suotin. Ang belt kailangan ay kakulay ng inyong pantalon. Samahan ng polo na long sleeves. At i-tuck in ito. Maniwala kayo sa akin, may dagdag pogi points kung naka-tuck-in ang polo. Pero trivia lang din, kung ang bagsak ng polo ay pabilog sa laylayan, ibig sabihin ito ay kailangan i-tuck in; kung parisukat naman, okay lang kahit hindi na. Ang undershirt din ay kailangan na hindi lalagpas sa inyong polo. Huwag ding kalilimutang mag-suit. Magsuot ng necktie na palapad at bagay sa kulay ng iyong polo. Itim lang din ang sapatos na gagamitin.
Sa kababaihan sa paaralan, hindi pa kayo dapat naka-make up pagpasok. Sapat na ang pulbo. Itali ang buhok para walang lalaylay sa inyong mukha. Sayang ang magagandang mukha kung tatakpan lang naman ng buhok. Sa mga estudyanteng lalaki naman, siyempre panatilihin ang 2×3 na haircut. Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Para naman sa tatapak sa real world o corporate world na tinatawag, sa kababaihan, dito na kayo mag-make up. Kahit ‘yung light lang parang fresh lang. At huwag ding hahayaan na matatakpan ng inyong buhok ang mga mukha. Sa kalalakihan naman, ang 2×3 haircut.
Ayusin din ang tindig. Sanayin ang sarili na tuwid ang postura ng pangangatawan. Huwag laging nakayuko. Alam n’yo ba ang magandang postura sa katawan ay nakadaragdag ng self-confidence? At siyempre huwag ding kalimutang ngumiti pang-propesyonal. Paano? Mali ang turong say cheese smile sa atin dahil kung mapapansin n’yo ito ang pinakapekeng ngiti sa lahat. Kundi, gawin ang say eight o A smile. ‘Yan ang tunay na ngiti. At syempre ang pinakamahalaga sa lahat, magiging propesyonal ka lamang kung mayroon ka nito, ang propesyonal sa pag-uugali o ang ating GMRC, Good Manners and Right Conduct.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo