SA SOBRANG TALAMAK na sumbong na natatanggap ng WANTED SA RADYO laban sa mga pulis na nang-aabuso, araw-araw, tila isang normal na lang na gawain sa kanila ang may inaagrabyado dahil kapag wala sa kanila ang gumawa nito sa loob ng isang araw magmi-mistulang abnormal na ang PNP.
Siyempre kaakibat nito, kapag inumpisahan nang pag-aralan nang mabuti ng mga piskal ang kahilingan ng mga abusadong pulis na basta na lang magpakulong ng mga suspek at kapag hindi na sila nagpapadalus-dalos, at palaging present na rin ang mga taga-Public Attorney’s Office (PAO) sa bawat inquest proceeding, dapat matakot na tayong lahat baka masamang senyales na ito ng pagkakagunaw ng mundo.
Kaya ang kaso na tatalakayin ng espasyong ito ngayong araw ay huwag ikabahala dahil ito ay isang normal lang na pangyayari sa buhay nating mga Pilipino at malayo pa sa pagkakagunaw ng mundo.
Noong September 4 ng gabi, habang binabagtas ni Roderick Ringor, isang security guard, ang kahabaan ng Eastwood sakay ng kanyang motor at kaangkas ang isa niyang kaibigan, bigla na lang siyang pinara ng isang mobile patrol car lulan ang tatlong pulis. Not wearing a helmet daw ang violation ni Roderick.
Walang kaabug-abog, sinabi ng isa sa mga pulis na nakilalang si PO1 Garry Neil Cruz kay Roderick na 500 pesos ang halaga ng violation. Nang sabihin ni Roderick na wala siyang ganoong halaga, inagaw ni Cruz ang motor, sumampa siya rito at sinabihan niya si Roderick na sumunod sa presinto dose sabay maneho sa motor. Humingi ng saklolo si Roderick sa presinto otso ang pinakamalapit na police station. Hinatid ng mga pulis ng presinto otso si Roderick sa presinto dose.
Agad na hinanap ni Roderick si Cruz at itinanong kung nasaan ang kanyang motor ngunit kaliwa’t kanang mura ang inabot niya rito. Pinagpasa-pasahan din siya ni Cruz. Nang makita ni Roderick na pinoposasan ng mga pulis ang kanyang kaibigan, at humihingi ito ng saklolo sa kanya, nilapitan niya ito para mag-usyoso. Pero nabaling ang galit ng mga pulis sa kanya. Pinagtulung-tulungan siyang posasan. Pagkatapos noon, tinadtad siya ng batok, suntok at tadyak sabay na idiniretso siya sa kalaboso.
Kinabukasan, ihinarap si Roderick sa piskalya. Nagsampa ng kaso ang mga pulis ng disobedience laban kay Roderick – pumapalag daw kasi ito habang pinoposasan. Kasong direct assault din ang isinampa laban kay Roderick – nang maiposas na raw si Roderick, sinugod daw kasi nito ang mga armadong pulis sa station 12 para makipagsuntukan sa kanila.
Simbilis naman ng kidlat na pinaniwalaan ng piskal ang bersyon ng mga pulis at agad na ibinalik sa kalaboso si Roderick. Nakalaya lamang siya pagkalipas ng isang linggo at pagkatapos na makapagpiyansa.
Sa inquest proceeding, wala ni isang kaluluwa na PAO lawyer ang umalalay kay Roderick. Kaya nang walang binitiwan ni isang tanong ang piskal kay Roderick para ipabatid sa kanya kung ano ang kasong hinaharap niya, inakala ni Roderick na iyon ay isang normal lamang na proseso na tanging ang pulis lang ang kinakausap ng piskal habang siya ay nakaposas at nakaabang sa labas ng kuwarto ng piskalya.
Ang WSR ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0908-87-TULFO o 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo