Ang Pagyaman… Sa Tamang Panahon

Joel-Serate-FerrerSA POPULAR na kalye-serye na Aldub ay madalas mabanggit ni Alden at Lola Nidora ang isang napakaimportanteng okasyon na magaganap “sa tamang panahon”. Ito ba ang pagpapakasal ni Alden at Yaya? Maaari. Ang sumbat pa nga ni Lola Nidora, na mabuti pa sina AlDub na may pasensyoso at matiyagang pahihintay kumpara sa maraming mga kabataan na tumatalon kaagad sa isang banal at seryosong relasyon na hindi masyadong pinag-iisipan ang mga consequence nito.

Katulad din ng pag-aasawa, ang pagyaman ay meron ding tamang panahon. Hindi ito puwedeng biglain.

Ayon sa mga nakatatanda, ang buhay ng tao ay mahahati sa tatlong bahagi kung saan meron tayong iba’t ibang level ng energy, time, at pera. Ang tamang paggamit ng tatlong resources na ito “sa tamang panahon” ang isa sa mga sikreto ng pagyaman. Sa column na ito ay ilalahad natin ang tinaguriang “3 stages of life” at ang diskarte sa bawat stage para yumanan.

  1. ANG PAGIGING ESTUDYANTE – Kapag ikaw ay isang estudyante, unless ikaw ay anak ng isang mayaman, siguradong konti lang ang pera mo at madalas nakukuha ang pera ito mula sa iyong magulang bilang allowance. Pero kahit konti lang ang financial resources ng isang estudyante, e marami naman silang panahon at energy. Ang panahon at energy na ito ay dapat gamitin ng estudyante sa pag-aaral para maka-develop sila ng mga skills para kumita ng pera para sa kanilang kinabukasan. At kung balak ng isang estudyante na mag-invest, ngayon ang pinakamagandang panahon para kumuha ng investments na medyo risky kasi kung mawala sa kanila ang investment na ito, ay kaya naman nilang kitain ito habang bata pa sila. Maaaring magsimula ang isang estudyante ng isang part-time business, mag-invest sa ilang mga stocks o mutual funds.
  2. ANG PAGIGING PROPESYONAL – Kumpara sa isang estudyante, ang isang propesyonal ay mardaming financial reserves na kadalasang kinikita niya bilang isang empleyado. Kaso, ang oras ng isang empleyado ay hindi kasing flexible kumpara sa isang estudyante. Ito ay hindi lang dahil sa trabaho, kundi dahil na rin sa pamilya na kadalasang sinisimulan sa panahong ito. Dahil dito, ang isang empleyado ay marapat lamang na humanap ng sari-saring mga “investment vehicles” na puwedeng kumita habang inaasikaso niya ang kanyang trabaho at pamilya. Sa panahong ito, bagay sa isang propesyonal ang kumuha ng mga investments na may moderate risks. Sa panahong ito ay mas kaya na niyang mag-invest sa isang small or medium scale business, real estate, o kaya insurance. Ang bawat investment vehicle ay may kanya-kanyang pros and cons. Aralin nang maigi ang mga ito bago mag-invest para makasiguro na mapalalago ang perang pinaghirapan. Dapat ding magbigay ang isang empleyado ng regular sa GSIS (kung siya ay nasa gobyerno), SSS (kung siya ay nasa private sector), PHILHEALTH (para sa kanyang health insuance) at PAGIBIG (para sa kanyang housing needs).
  3. ANG PAGIGING RETIRADO – Kumpara sa estudyante at propesyonal, ang isang retirado, dahil matanda na, ay wala nang sapat na lakas, kaya kung nakapag-aral siya nang mabuti (noong siya ay estudyante) e, malamang magkakaroon siya ng isang magandang career o negosyo (noong siya ay propesyonal) at malamang ay meron nang sapat na pera at passive income streams para sustentuhan ang kanyang sarili sa kanyang katandaan at mga dependents (kung meron man). Pagdating sa investments, ang nababagay na investment vehicles sa isang retirado ay mas conservative kumpara sa isang estudyante dahil kapag ito ay nawala ay wala na siyang sapat na energy at panahon para kitain ito.

ACTION STEPS:

  1. Alamin kung nasaan ka sa “3 stages of life” at itanong sa inyong sarili: ginamit ko ba nang tama ang aking energy, panahon, at pera para yumaman?
  2. Kung ang sagot mo rito ay “oo”, well and good! Kung ang sagot mo rito ay “hindi”, kung ikaw ay isang estudyante o propesyonal ay maaari ka pang gumawa ng paraan para gamitin ang iyong energy, time, at pera sa wastong paraan para yumaman.
    Pero paano naman kung senior citizen ka na at wala kang naipundar? Paano kung noong iyong kabataan, ikaw ay nagbulakbol at hindi naka-develop ng mga skills para yumaman? Paano kung nakapundar ka pero naubos ang iyong inipon dahil sa isang health emergency, national disaster, financial scam, nabaon ka sa utang o nagkaroon ka ng bad business decision? Good news, may solusyon!

Sa Sept 9-10, 2015 column ng PERA TIPS nabanggit ko na maraming tao na ang dumaan sa sari-saring mga financial crisis at isa na rito ay ang crisis ng isang senior citizen na walang naipundar para sa kanyang retirement. Ang payong pampinansyal sa mga financially challenged na senior citizens ay maaring matagpuan sa internet, mga libro, at siyempre sa ating mga kamag-anak, kaibigan at kakilala (KKK) na dumaan at nagtagumpay sa crisis na ito.

Sa susunod na PERA TIPS ay ilalathala natin ang sikreto ng isang sikat na Amerikanong senior citizen na yumaman lamang noong retirado na siya. Sino ang senior citizen na ito? Abangan n’yo na lang po ang susunod na kabanata!

_______________­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­______________________________

Si Joel Serate Ferrer ay co-author ng bestselling book na PAANO YUMAMAN: 50 PERA TIPS TO MAKING AND SAVING MONEY. Ang libro na ito ay currently available sa National Bookstore, Pandayan Bookshop, at iba pang mga tindahan.

Pera Tips
by Joel Serate Ferrer

Previous articleMatapos si Lando, lindol naman
Next articleKandidato Ng Demokrasya

No posts to display