ILANG ARAW na lang ay sasapit na naman ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng ating kultura na idinaraos tuwing November 1. Ito ang Araw ng mga Patay o mas kilala sa tawag na “Undas”. Ito ay isang selebrasyon ng paggunita sa ating mga mahal sa buhay na, ‘ika nga , ay namayapa na. Malapiyesta ang selbrasyon nito at lahat ay nakikiisa rito kaya naman, gaya ng Pasko, Mahal na Araw, at iba pang okasyon sa buhay natin, ito ay pinaghahandaan ng maraming tao.
Sa panahon ng piyesta o piyestahan, nagdiriwang ang mga tao sa paggunita sa mga mahal nilang santo o santa na nagbigay-ispirasyon sa kanilang buhay. Bilang pagpapakita ng paggalang at pagmamahal sa kanilang mga patron, ginagawa nila ang ganitong selebrasyon. Gayun din naman ay kahalintulad ito sa panahon ng mga patay o maaari sigurong tawagin natin itong “patayan” sa paraan ng isang pagbibiro lamang. Ngunit totong kahalintulad lamang ito sa isang piyestahan kung saan ay inaalala rin natin ang mga mahal natin na kapamilya o kaibigan at binibigyan sila ng paggalang at pagmamahal sa iba’t ibang paraan ng selebrasyong Undas.
Mas nagiging malusog ang ating kultura at kaluluwa kung patuloy nating tatangkilikin ang Undas bilang bahagi na ng ating buhay at bilang isang bansa. Ngunit kailangan din nating tandaan na dapat panatilihing sagrado ang paggunita sa ating mga patay. Iwasan natin ang pag-iinom ng alak, lalo na sa mga sementeryo. Iwasan din natin ang pagpa-party at pagpapatugtog ng malalakas na musika. Higit sa lahat ay mag-iingat tayo sa mga “salisi gang”at “akyat bahay gang” na maaaring sumalakay sa ating mga tahanan kung aalis tayo para puntahan ang mga patay natin sa sementeryo.
ANG PANAHON ng patayan ay hindi lang tuwing Undas, kundi tuwing eleksyon din. Kapansin-pansin kasi na habang lumalapit ang 2016 election ay dumarami ang pinapatay na may kinalaman sa eleksyon. Ilang kagawad, barangay captain, councilor, bokal, mayor, at gobernador na ang pinaslang nitong mga nakaraang buwan at patuloy na dumarami pa ang bilang nila.
Eleksyon din ang nagdala sa hukay sa mga miyembro ng media na nag-escort sa mga kaanak ni Mangudadatu na maghahain sana ng certificate of candidacy, na pinaghihinalaang pinaslang ng mga Ampatuan. Ito ay pinakamalaking kaso ng pagpatay na may kinalaman sa eleksyon o tinatawag na election violence. Ang Maguindanao massacre ay bumilang na ng maraming taon ngunit hanggang ngayon ay mailap pa rin ang hustisya sa pamilya ng mga biktima, lalo na ang mga naiwang pamilya ng taga-media.
Ngayong namatay na sa sakit si Andal Ampatuan, Sr. tuluyan na ngang naibaon sa limot at hukay ni Andal, Sr. ang hustisyang hinihintay ng mga kaanak ng biktima. Ayon sa isang jurisprudence at pati na rin sa isinasaad ng ating Saligang Batas, ang natural death o pagkamatay ng akusado, gaya ni Andal Sr., ay itinuturing na rin na pagka-dissolved ng kaso, dahil ang “death”ay itinuturing na “the ultimate punishment”.
Ang problema at agam-agam ng mga naiwang pamilya ng mga biktima ay paano na ang civil case laban kay Andal Ampatuan, Sr.? Paano na mababayaran ni Andal, Sr. ang moral damages para sa mga pamilya ng biktima kung magkakataong mahatulan ng guilty si Andal, Sr. Nangako naman ang Department of Justice (DOJ) na itutuloy ang civil case laban Andal, Sr. kahit namatay na siya. Sana lang ay mapabilis na ang pagresolba sa kaso ng Maguindanao massacre dahil baka ang susunod na mamatay ay ang mga kaanak ng biktima at hindi na nila masilayan ang hustisyang inaasam-asam.
ANG PINAKAMAGALING ay dapat tutukan ng gobyerno ang walang tigil na patayan na ito tuwing sasapit ang eleksyon. Ito ang resolbahin nila at gawing prayoridad. Ang problema ay sobrang abala ang gobyerno ni PNoy sa pagpapataas ng rating ng manok niya. Ano bang ginagawa ng Commission on Elections (COMELEC) sa problemang ito?
Isang nakakikilabot na P32.4-B ang maaaring magastos ng ating gobyerno sa darating na eleksyon sa 2016 at ito ay bunga ng rekomendasyon ng administrasyong Aquino para sa budget ng COMELEC para sa 2016 na aabot sa P15.6 billion. Kung idadagdag ang P16.8 billion na budget ng COMELEC ngayong taong 2015 ay susuma ito sa P32.4 billion. Ito ay ayon kay Sen. Francis Escudero, na Senate finance committee chairman.
Malaking pera ang inilalabas ng pamahalaan sa paglalagay ng mga elected officials kada 3 taon kung ikukumpara ito sa ginagastos ng pamahalaan para sa transportasyon ng mahigit kalahating milyong tao kada araw. Hindi ba malaking kalokohan ito? Ang mas nakakaalarma ay taun-taon na lamang at tuwing sasapit ang eleksyon ay palaki nang palaki ang ginagastang pera para sa eleksyon.
Sa ganito kalaking pondo, baka naman puwedeng gawan ng aksyon ng COMELEC ang insidente ng patayan. Marami na ang buhay na nasasayang tuwing eleksyon. Hindi pwedeng tanggapin na lang natin ang karahasan tuwing sasapit ang eleksyon at isiping ito ay panahon ng PATAYAN!
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo