SA PAMBANSANG Linggo ng Edukasyon na ginagawa kada taon, nais po naming ipaalam ang ginagawang pagbabahagi ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa pagpapalaganap ng kaalaman patungkol sa pansegurong kalusugan.
Base sa eksperyensiya ng mga naospital na at ng kanilang mga kamag-anak, talagang masakit ang ma-ospital lalo sa bulsa dulot ng mga gastusin. Sa ganitong pagkakataon, lubos na nararamdaman ng miyembro ang benepisyong dulot ng PhilHealth. Malalaman kaagad ang benepisyong maaaring ma-avail sa ospital sa pamamagitan ng PhilHealth All Case Rates.
Dahil mahalagang malaman at maintindihan ng miyembro ang mga benepisyong maaaring matanggap niya at ng kanyang kwalipikadong dependents, inilunsad ang PhilHealth SHInES o Social Health Insurance Educational Series. Isa itong maikling kurso ng pag-aaral na bahagi ng programa patungkol sa National Health Insurance Program na ibinibigay sa mga miyembro ng media upang kanilang maipabatid sa pahayagan, maibalita sa radyo at sa telebisyon nang tama ang mga pangunahing programa, bagong benepisyo at iba pang mga kaalaman patungkol sa PhilHealth na dapat naiintindihan ng isang miyembro. Kasama rin sa SHInES ang mga opisyal at Information Officers ng lokal na pamahalaan sa iba’t ibang munisipyo ng probinsiya.
Sa pakikipag-ugnayan sa House Committee on Health, ang orientasyong nabanggit ay ibinibigay rin sa mga technical staff members ng House of Representatives pati na sa mga Chief-of-Staff ng mga congressmen at miyembro ng iba’t ibang Committee Secretariats, upang kanilang mabigyang pagpapahalaga ang mga benepisyong dulot ng PhilHealth para sa nasasakupan ng kanilang mga principals.
Sa paglilinaw ng mga alituntuning gumagabay sa paggamit ng pondo sa pansegurong kalusugan ng mga Pilipino, lalong nakikita ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng bawat Pilipino sa PhilHealth upang magkaroon ng proteksyon sa panahon ng pagkakasakit.
Ngayong taong kasalukuyan, nagbigay ng sertipikasyon ang Bureau of Secondary Education na ang PhilHealth Learner’s Material (SHInES module) na ito ay pumasa sa K-12 curriculum at maaaring gamitin sa mga public schools lalo na sa Grade-10 MAPEH (Music, Arts, P.E., at Health) subject sa ilalim ng Health component.
Noong nakaraang Hunyo 2015, nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng PhilHealth at ng DepEd Pasig Division Office para isakatuparan ang isang Pilot Test na gagawin sa Rizal High School gamit ang nabanggit na module. Ang Pilot test na ito ay ginawa nga noong Hulyo 27 hanggang Augusto 13, 2015 partikular sa Quarter 1 Lesson ng Consumer Health sa ilalim ng Health Services.
Sa ganitong pagbabahagi ng kaalaman ng PhilHealth, nabibigyang pagpapahalaga ang pasegurong kalusugan upang tuluyang maging totoo ang Vision ng PhilHealth na ang “Bawat Pilipino, Miyembro; Bawat Miyembro, Protektado; Kalusugan natin, Segurado!“
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas