MAY MGA balitang nasagap ko na may ilang mga tauhan ng mga personalidad na umuugong ang pangalan bilang papalit kay Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon ang umiikot ngayon sa BoC at kinokontrata na ang mga players – ngayon pa lang, para sa magiging kalakaran sa tara.
Matagal nang napapabalita sa media na isasama sa senatorial line-up ng Liberal Party si Biazon sa darating na 2013 midterm elections. Sa pinaka-latest na Pulse Asia Senatorial Survey na ginanap noong July 27 to 30, pumasok sa magic 12 ang pangalan ni Biazon. Nasa number 11 ang kanyang ranggo.
Ngunit noong nakaraang Sabado, nakatanggap ako ng text message mula kay Biazon at nabanggit niyang wala pang sinasabi sa kanya si Presidente Noynoy kung talagang isasama nga siya sa senatorial slate ng partidong Liberal.
MAY NAKIKITA akong seryosong problema na magiging mala-king sakit sa ulo ni P-Noy kapag naipuwesto niya ang kahit sino sa mga taong pinapuputok ang kanilang mga pangalan bilang susunod na customs commissioner para makapanghuthot na ng tong.
Ang mga taong ganito ang dapat na bantayan ni P-Noy para huwag siyang masalisihan at mapunta sa kanila ang inaasam-asam nilang gatasang juicy position sa gobyerno.
Ang mga taong ito ay mga outsider at kasalukuyang walang mga puwesto sa BoC at takaw na takaw nang makapasok sa bureau, at kapag sila ang mga naluklok, walang gagawin kundi ang makipagkuntiyaba sa mga smuggler at magsasamsam ng salapi.
KUNG GANITO na rin lang ang labanan, mas gugustuhin ko pa na huwag na lamang tumakbo sa darating na eleksyon si Biazon at ipagpatuloy na lang niya ang paninilbihan sa bureau dahil nagiging maayos na rin naman ang pamamalakad niya sa BoC. Kesa naman mapunta sa mga taong ngayon pa lamang ay nagtatangka nang manghuthot nang hindi pa sila nakapuwesto, lalo pa kaya kung sila na ang mismong commissioner.
‘Di tulad ni Biazon na hindi niya inasam ang puwesto niya ngayon. Matatandaan ko nang pumuputok ang pangalan niya noon at kinausap siya ni P-Noy para maging customs commissioner, hiniling niya kay Presidente na bigyan siya ng panahon na makapag-isip at kunsultahin ang kanyang pamilya dahil alam niyang isang malaking hamon ang kanyang haharapin sa bureau sa oras na tanggapin niya ang puwesto.
Ang ibig sabihin nito, hindi naman talaga inasam ni Biazon ang mapunta sa BoC kundi ito ay pilit na inalok lamang sa kanya ni Presidente.
PERO KUNG saka-sakali mang pilit inalok ni P-Noy ngayon si Biazon na tumakbo sa 2013 elections at wala na siyang magawa, ang dapat na ipalit ni P-Noy ay isang insider na may tapang at integridad. Dahil, una na sa lahat, kapag nangyari ito, ‘di magkakaroon ng demoralisasyon sa organisasyon.
At pangalawa, kabisado na ng isang insider ang mga alituntunin sa bureau at ‘di na siya mangangapa. Alam na niya ang tungkol sa tamang pambubuwis at maipagpapatuloy niya kung anuman ang mga magagandang programa na nailatag na ni Biazon.
Ang nababagay na puwedeng ipalit kay Biazon sa puntong ito ay si Deputy Commissioner Danny Lim. Matatandaan na si Retired Scout Ranger Gen. Danny Lim ay nakulong ng pitong taon noon dahil nanindigan siya sa kanyang prinsipyo at sumama sa Oakwood Mutiny para labanan ang malawakang katiwalian sa gobyerno ng nakaraang administrasyon.
Ang WANTED SA RADYO ay mapakikingan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 PM. Ito ay kasabay na mapanonood sa Aksyon TV, Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo