KUNG HINDI raw ukol ay hindi bubukol. Ilang ulit nang tinangka na pagharapin si Manny Pacquiao at ang wala pang talo sa boxing na si Floyd Mayweather Jr., ngunit bigo pa rin ang lahat sa tangkang ito. Ang tanong ng marami ay kung mangyayari pa ba ito?
Ngayong 2014 ay matatapos na ang kontrata ni Manny sa Top Rank at kung totoo ang iniisip ng marami ay maaaring si Mayweather Jr. nga ang pakay ng Pambansang Kamao sa pag-alis niya sa bansa papuntang U.S. ngayong taon.
Sa isang panayam ay sinabi ni Manny na susubukan niyang makipag-usap kay Floyd at kung magiging maganda ang usapan nila ay maaaring mauwi ang usapan sa isang laban na matagal nang hinihintay ng marami. Ano ba ang susi para matuloy ang laban na ito?
Minsan nang binanggit ni Mayweather Jr. na hindi na ito kailan man makikipag-ugnayan kay Bob Arum ng Top Rank. Palagay ko’y basa na ni Mayweather Jr. ang pagiging tuso ni Bob Arum. Si Floyd ay nagpapakita ng talino sa kanyang paglalaro ng boxing kaya’t hindi malayong matalinong tao ito. Hindi ang tulad niya ang kayang utuin at paikutin ni Bob Arum.
Kung nanaisin ni Manny ay maaari nilang gawin ni Floyd Jr. ang laban sa labas ng bakuran ng Top Rank. Kung matutuloy ito ay maaari nang sabihin na baka ito na ang pinakamainit na laban sa boxing sa balat ng lupa.
SA TAKBO ng career ng dalawang boksingero ay tila niluluto ng panahon ang laban na inaasahang babasag sa lahat ng naging record sa boxing sa loob ng mahabang panahon.
Si Floyd ay walang kupas sa pagpapakita ng kanyang paghahari sa ring sa pagpapanatili niyang walang talo. Kaya naman nananatiling palaisipan sa isip ng milyun-milyong taong mahilig sa boxing kung si Manny nga ba ang magpapatikim ng talo kay Floyd.
Si Manny naman ay gumuhit ng isang bagong imahen ng tunay na kampeon kung saan ipinakita niya na ang pagiging tunay na kampeon ay hindi lang nasusukat sa dami ng panalo kundi sa kakayahan nitong makabangon mula sa isang mapait na pagkatalo.
Ito ang laban na maghaharap hindi lang sa dalawang sikat na manlalaro kundi sa dalawang kuwento ng buhay ng pagi-ging boksingero at kapwa kampeon sa boxing. Ang laban na ito ang magbubukas ng mga bagong kaisipan sa diskurso ng sports, psychology at sociology.
Kung matutuloy ito ay magiging napakagandang pagtatapos at pagreretiro nito para sa boxing career ni Manny. Ito rin marahil ang kaisipan na nagtutulak kay Manny para gumawa ng mga hakbang para matuloy ang laban nila ni Floyd.
Wala na ring dapat pang patunayan si Manny sa kanyang kakayahan sa boxing kung mapagtatagumpayan niya ang laban nila ni Floyd kaya’t pagreretiro na ang susunod dito.
SI PACQUIAO ay nakatakdang lumaban sa April at si Mayweather naman ay sa May. Kapwa wala pang napipiling kalaban ang dalawa. Isa ito sa nakikitang pagkakataon na maaa-ring magtuloy sa laban ng dalawa. Bukod pa sa kapwa na tumatanda ang dalawa ay palapit na rin sila sa pagreretiro.
Ang tagumpay ng boxing bilang sports ay nakadikit sa promotion companies at organizations. Ngunit hindi nito dapat nalilimitahan ang isang magandang laban dahil sa motibong nakapanglalamang kadalasan sa mga pobreng boksingero na dahil salat sa edukasyon ay naloloko ng promoters at managers nila.
Maaari na sigurong lisanin ni Manny ang Top Rank para bigyang daan ang laban nila ni Floyd Jr. kung ito na nga ang susi sa paghaharap ng dalawa. Minsan hindi talaga kayang tapatan ng pera ang karangalan!
Shooting Range
Raffy Tulfo