SI PO3 Allan Panganiban ay may napakalaking problema. Ang problema ng pulis-patolang ito ay maluwang na ang mga turnilyo sa kanyang ulo kaya padalus-dalos na ang kilos at wala nang kinikilalang tao.
Maging ang ranggo ng kanyang mga amo ay binabastos na rin niya kapag sinaniban na ng espiritu ng alak ang kaluluwa nito.
Noong February 17, may hinatid na mga pasahero sa isang iskinita sa Pembo, Makati ang taxi driver na si Patricio Montano. Nagulantang na lamang si Patricio nang matapos niyang ibaba ang kanyang mga pasahero, may biglang humarang na puting Revo sa kanyang daanan.
Lulan ng Revo ay si PO3 Panganiban at isang kasamahan nito. Bumaba si Panganiban at agad tinutukan ng baril si Patricio sa ulo at pilit na pinasasakay sa Revo. Nagmakaawa si Patricio, pero mas lalong tumindi ang pagwawala ni Panganiban. Dito, nilapitan ng kasama ni Panganiban si Patricio at kinumbinsing sumakay na sa Revo para ‘di na raw humaba pa ang gulo, at siya na raw ang bahala na umawat sa pulis para lumamig ang ulo nito.
Sa puntong iyon, nabulabog na ang ilang mga residente na saksi sa nagaganap na iskandalo. Nang mapansin ni Panganiban ang mga taong dumudungaw sa bintana para umosyoso, naghamon siya. Kasama sa kanyang mga tinawag at hinamon ay ang mga pulis na may mga ranggong major, colonel at general.
Halos wala na raw sa katinuan si Panganiban sa sobrang kalasingan. Nang mapasok ni Panganiban ang taxi, pilit niya itong pinaaandar. Ngunit dahil sa sobrang lango na sa alak, ‘di niya napa-start ang taxi.
Ang hindi alam ni Panganiban ay isa sa mga saksi ang nagsumbong sa barangay, at ang barangay naman ay tumawag ng pulis. Nang dumating ang responde, saka pa lang naawat si Panganiban. Pero dahil tanga rin ang pulis na rumesponde – o nagtatanga-tangahan lamang dahil natakot sa kanyang nagwawalang kabaro – nakawala si Panganiban.
SI PO2 Peter Libalib naman ay lasing sa kapangyarihan. Mas malakas pa sa bagyong Ondoy ang tindi ng lakas ng topak ni Libalib sa sobrang kalasingan sa kapangyarihan.
Noong February 16, nakagitgitan ni Libalib sa trapik ang kapwa niyang motoristang si Ely Milante, Jr. Matapos magpakilalang pulis, kinaladkad ni Libalib si Ely sa presinto. Pagdating ng presinto, idineretso niya ito sa kalaboso.
Pilit na hinihingan ni Libalib ng pera si Ely. Nang walang maibigay si Ely, kinuha niya ang susi at motor nito saka pina-impound sa presinto. Kinumpiska din ni Libalib ang lisensya ni Ely. Pagkalipas ng isang oras, pinakawalan din ni Libalib si Ely at inutusang mag-produce ng pera para matubos niya ang kanyang motor at lisensiya.
ANG PANG-AABUSO ni PO3 Panganiban ay agad kong naiparating kay Col. Manuel Lukban, ang chief of police ng Makati. Nangako si Col. Lukban na didisarmahan niya si Panganiban at papaimbestigahan ang sumbong laban dito.
Ang pang-aabuso naman ni PO2 Libalib ay mabilis ko namang naipaabot kay Col. Mario Rarisa. Makalipas ang ilang oras, agad na naibalik kay Ely ang kanyang lisensya at motorsiklo. Sa kasalukuyan ay pinaiimbestigahan na rin ni Col. Rarisa si Libalib.
Nais kong kunin ang pagkakataong ito para taus-pusong pasalamatan at saluduhan sina Col. Manuel Lukban at Col. Mario Rarisa sa ngalan ng maliliit na mamamayang Pilipino na paboritong apihin ng mga abusadong pulis tulad nina PO3 Panganiban at PO2 Libalib.
Shooting Range
Raffy Tulfo