NOONG JUNE 29, Biyernes, nakapanayam ko sa teleradyo kong programang Wanted Sa Radyo ang Deputy Commissioner for Intelligence Group, Gen. Danny Lim tungkol sa impormasyong natanggap ko hinggil sa mga brokerage company na pasimuno sa smuggling.
At noong Biyernes, July 6, isang e-mail ang natanggap ko mula sa hindi kilalang source. Sa nasabing e-mail, nakadetalye ang mga alert order laban sa Celo Star Enterprises at Fermo Import. Matatandaan noong July 2 sa espasyong ito, binanggit ko ang Celo at Fermo na dapat bantayan. Ang dalawang ito ay ang consignee na ginagamit ng Angelica B. Plantilla brokerage.
Si Gen. Lim na marahil ang maituturing na pinakamatapang at pinakaprinsipyadong tao sa lahat ng mga naging opisyal ng Bureau of Customs simula’t sapul. Wala siyang kinatatakutang mga padrino ng sinumang smuggler at hindi matatawaran ang kanyang prinsipyo at integridad.
Noong nasa serbisyo pa siya sa Philippine Army, si Lim ay miyembro ng elite group na Scout Ranger. Patunay na hindi matatawaran ang kanyang tapang at prinsipyo ay nang banggain niya mismo ang kanyang Commander-in-Chief noong nakaraang administrasyon sa ngalan ng kanyang taimtim na paninindigan kontra sa katiwalian.
Ang kanyang tapang at prinsipyo kontra sa katiwalian ang naging daan upang ibigay sa kanya ni Pangulong Noynoy Aquino ang puwesto ngayon bilang Deputy Commissioner ng Bureau of Customs.
LABIS AKONG nahahabag sa mga customs broker. Isa na rito ay si Angelica. Si Angelica ay isang lehitimo at lisensiyadong customs broker.
Tulad ng lahat ng lehitimong broker, si Angelica ay nakapagtapos ng 4 na taon sa kolehiyo sa kursong Customs Administration. Pagkatapos niyang mag-graduate, nagsunog siya ng kilay para naman maipasa ang Customs Brokerage licensing exam sa Professional Regulatory Commission.
Sa datus ng BoC, ang brokerage ni Angelica ay nagpaparating ng humigit-kumulang 800 containers kada buwan. Ang suma total nito sa revenue para sa brokerage – sa average na P25,000 na lang per container, ay P20 million kada buwan. Pero kapag nakita mo si Angelica, ang mga suot niyang damit at accessories ay mga tipong binili sa Divisoria. Nagko-commute lamang siya papuntang opisina. Ang mister ni Angelica ay isa ring pangkaraniwang tao. Silang mag-asawa ay nakatira lamang sa isang munting paupahan kasama ang kanilang mga anak.
Si Angelica ay isang matinong tao at hindi tiwali, patunay rito ay ang kanyang simple at walang luhong pamumuhay.
SA KABILANG banda, sina Joseph at Jimpol na sinasabing “silent boss” umano ni Angelica ay kapos sa pinag-aralan at parehong hindi nakapagtapos ng high school. Pero ang mga sasakyan na minamaneho ng mga ito ay pawang mga luxury SUV na binili nang cash.
Ang mga damit nila ay mga imported at signature brand. Nagpaparamihan sila sa pagkokolekta ng relong Rolex. Na-ngongolekta rin sila ng mga mamahaling bahay — tulad ng rest house sa Tagaytay Highlands, mga condominium sa Binondo, mansyon sa Ayala Heights, resort sa Batangas, atbp.
Si Joseph at Jimpol ay may mga bodyguards. Maging ang kanilang mga misis at anak ay may kanya-kanya ring mga bodyguard. Ang mga asawa nila ay nangongolekta ng bag tulad ng Hermes.
ANG SISTE, kapag nahulihan, halimbawa, ng mga kontrabando ang mga kargamento ng brokerage ni Angelica o dili kaya’y na-audit ng BIR, siya lamang ang makakasuhan at magdurusa. Makalilibre si Joseph at Jimpol sapagkat wala kang makikitang pangalan nila sa opisina ng brokerage ng pobreng si Angelica.
Shooting Range
Raffy Tulfo