NAPAPANSIN N’YO ba na kabi-kabila ang mga isyu ng korapsyon sa gobyerno ngayon? Hindi pa man natatapos ang isang usapin ng nakawan sa gobyerno ay uusbong na naman ang bagong isyu na nagsasangkot naman sa ibang politiko o opisyal ng gobyerno. Katulad na lang ng isyu kay PNP Chief General Alan Purisima hinggil sa itinatago umano nitong yaman na tinabunan na ng bagong isyu at alegasyon hinggil sa mansion at hekta-hektaryang lupain ni VP Jejomar Binay sa Batangas.
Halos ganito rin ang tambalan ng mga isyu hinggil sa PDAF, DAP at JDAF. Sunud-sunod din ang mga ito at iba’t ibang personalidad, politiko at opisyal ng gobyerno ang kasangkot. Sa unang tingin at pakiramdam ay talagang magagalit ka at malulungkot. Iisipin mong kawawa ka at pamilya mo dahil tila pinagsasamantalahan tayo ng mga taong inilagay natin sa puwesto para maglingkod sa bayan. Parang puwede mo nang masabing halos lahat ng politiko sa Pilipinas ay hindi mapagkakatiwalaan at masasama.
Ngunit kung mas lalaliman natin ang ating pagbabalangkas sa mga nangyayari ngayon sa ating bansa ay matatanto natin na may isang prosesong nagaganap bilang epekto ng sistemang demokratiko at ito’y nakabubuti para sa bayan sa hinaharap. Ang mabuting epektong ito ang pag-uusapan natin ngayon sa artikulong ito. Tatawagin ko ang positibong bahagi ng mga paglalantad sa isyu ng korapsyon sa pamahalaan bilang isang premyo ng demokrasya.
SINABI NI Plato, isang kanluraning philosopher noong 428-354 BC, ang mga nagpapanggap na lider ng bansa ay siyang may masidhing pagnanais na magkaroon ng posisyon sa gobyerno. Sila ay tataliwas sa prinsipyong pinaniniwalaan ni Plato na “those who rule cannot own and those who own cannot rule.” Sila ay magnanakaw gamit ang kapangyarihan at impluwensya sa pamahalaan. Sila ay aabuso sa kanilang kapangyarihan sa gobyerno dahil sadyang hindi sila ang dapat naluklok sa puwesto.
Kaya naman hindi kataka-taka na maaaring marami ngang mga politiko at tao sa gobyerno ang nag-aabuso na kailangang maalis sa puwesto. Kailangang ang mga politikong ito ay malantad sa lipunan ang kanilang tunay na pagkatao. Kinakailangang magkaroon ng sandata ang mga mamamayan upang masiyasat ang mga tunay at karapatdapat na mailuklok sa puwesto sa gobyerno.
Dapat ay magkaroon tayo ng isang mekanismo sa pamahalaan na maglalantad ng ganitong kabulukan ng mga mapagpanggap na lingkod bayan sa pamahalaan. Ang FOI bill o Freedom of Information Bill ay isang makapangyarihang batas kung magkataon na siyang magbibigay ng proteksyon sa taong bayan mula sa mga ganitong uri ng mga mapagpanggap at masasamang lider at politiko.
ANG ISANG mabuting bunga ng pagkakalantad ng media at mga imbestigasyon sa Senado, DOJ, Ombudsman at ng Hukuman sa mga samu’t saring isyu ng korapsyon ay nagiging mas mapanuri ang mga Pilipino sa mga politikong sinusuportahan nila at higit sa lahat ay nailalantad sa mga tao ang mga kabulukan at tunay na kulay ng mga politiko na paulit-ulit na lang sa pagiging isang kongresista, senador, gobernador, mayor o iyong kung tawagin ay “trapo”.
Ito kasi ang susi at simula para malinis ang gobyerno mula sa mga mapang-abuso at kurakot na politiko. Ito na rin marahil ang tatapos sa tinatawag nating political dynasty. Ang isang tunay na demokratikong bansa ay sadyang dadaan sa isang mahabang proseso ng pagpupurga sa mga masasamang elemento ng gobyerno at lipunan.
Darating din ang panahon na magkakaroon tayo ng pamahalaang tunay na matuwid at lipunang mapayapa kung saan ang mga lingkod bayan ay matatapat at nagmamahal sa kanilang kababayan at sariling lahi. Isang bansang ikapupuri nating lahat.
ISIPIN NA lang natin ang mas mabuting maidudulot ng FOI bill. Kung ngayon pa lang ay sunud-sunod nang naglalabasan ang mga sikretong yaman at tunay na pagkatao ng mga nagpapanggap na politiko, tiyak na mas lalong mailalabas ang mga tunay na kulay ng mga ito. Mawawalan na sila ng pagkakataong maitago ang mga lihim na ninakaw nila at biniling ari-arian gamit ang pera ng bayan.
Madali na para sa mga tao ang mamili ng mga taong ilalagay sa kapangyarihan at puwesto sa pamahalaan. Ito ang tunay na premyo ng sistemang demokrasya kung saan ay nagiging makapangyarihan ang taong bayan. Magiging makatotohanan na sila ay gaganap na mga “boss” ng mga kawani ng gobyerno at ng pangulo ng bansa. Magkakaroon ang mga mamamayan ng kapangyarihan magtanggal ng mga opisyal sa pamahalaan na hindi dapat nailagay sa puwesto at nagnanakaw sa kaban ng bayan.
Ang FOI bill ang magiging susi sa pagbabagong ito ng ating politika, ekonomiya at lipunan tungo sa mas maunlad na bayan. Ito ay dahil sa dikit-dikit at konektado din ang mabubuting epekto ng FOI bill sa bansa kung magiging batas ito. Dahil sa tuluyan na nating mapatatalsik ang mga trapo at maaalis ang political dysnasty sa ating bayan ay gaganda na ang daluyan ng ekonomiya sa Pilipinas dahil sa nalimitahan na ang mga nagnanakaw sa pamahalaan.
Kasabay nito ay ang paglusog ng ating kultura at lipunan. Karamay nito ay ang mabuting antas ng pamumuhay sa ating bansa na siyang magbabalik ng mga kababayan nating lumikas at nangibang-bayan para magtrabaho at manirahan doon.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo 5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo