NAGING ISANG malaking hamon ang matagal na panunungkulan ng isang diktador na pangulo sa mga Pilipino. Sa loob ng dalawampung taon ay inilibing sa pusod ng dagat ng rehimeng Marcos ang demokrasya sa Pilipinas. Walang sino mang makahahamak o magsasalita nang hindi maganda sa gobyerong Marcos dahil ang mga naunang nagtangka ay kasamang nailibing ng demokrasya sa pusod ng dagat, isinilid sa isang sementadong drum at animo’y naglaho ang mga taong ito na parang mga bula lamang.
Simula nang napatalsik ang isang kamay na bakal ng diktador na si Marcos, naging puhunan na ng mga Pilipino ang demokrasya para sa muling pagbangon nito bilang isang malayang bansa. Hindi madaling makamit ang demokrasya at kadalasan ay buhay ang presyong kapalit nito. Maraming mga bansa sa buong mundo ang nagbuwis ng mga buhay sa loob ng mahabang panahon ng pakikibaka para lamang makamit ang demokrasya.
Ngayon, sa harap ng mga kontrobersiya at isyung bumabalot sa kasalukuyang pamahalaan, muling hinahamon ng panahon ang demokrasya sa ating bansa. Ang pagpigil sa malayang pagpapahayag ng politikal na paniniwala sa pamamagitan ng isang pagkilos-protesta sa kalsada ay isang paghamak sa demokrasya sa ating bansa. Ito ang tila hindi nauunawaan ng kasalukuyang Pangulo dahil sa patuloy na paggamit nito ng puwersang pulis at militar para pigilan ang mga demonstrador sa kalsada.
HINDI SIGURO mainam ang pagbabalat-sibuyas ni Pangulong Noynoy Aquino sa halos parehong resulta ng Board of Inquiry (BOI) ng PNP at ng inilabas na report ng Senado sa pangunguna ni Sen. Grace Poe. Napakalinaw naman kasi ng pagkakamali ni PNoy sa isinagawang plano ng Oplan Exodus sa pagpapahintulot at pag-uutos kay dating PNP Chief General Alan Purisima sa kabila ng pagiging suspendido nito bilang director ng PNP.
Ang mga batikos kay PNoy ay may lehitimong basehan kaya wala nang dahilan pa para hindi nito tupdin ang mungkahi ng ilang mga personalidad sa ating politika, kung saan hinihingi ang isang kategorikong “public apology” mula kay PNoy. Ang mga kilos-protestang ito at kritisismo ay bahagi ng proseso sa loob ng isang tunay na bansang may demokrasya.
Ito ang presyo ng demokrasya, isang pamahalaang laging bugbog sa puna, sisi, at kritisismo. Mula pa sa panahon ni Pangulong Cory Aquino at tinaguriang “Icon of Democracy”, hindi naging madali ang pagiging pangulo ng bansa. Ilang kudeta din ang humamon sa gobyernong Cory Aquino noon at latay rin sa mga insulto at kritisismo ang kanyang gobyerno.
MALUWAG MANG nakatapos ng 6 na taon si dating Pangulong Fidel Ramos, hindi rin siya pinatawad ng mga kritikong nagmamasid at nag-aakusang nagnakaw rin siya nang pailalim. Sinampahan siya ng mga kasong graft pagbaba niya sa posisyon at pinatawag din sa Kongreso para usisain. Ang tangka niyang pagsulong ng isang constitutional change ay hindi nakalusot at tahasang pinigilan ng kapangyarihan ng nakararaming tao, bitbit ang sandata ng demokrasya.
Si Pangulong Joseph Estrada, sa kabila ng popularidad nito ay hindi rin pinalad na manatili sa kanyang posisyon noong nasa kalagitnaan pa lamang siya ng kanyang termino. Muling nagbigay-hatol ang mamamayang hindi na masaya sa kanyang liderato. Sa pangalawang bersyon ng “People Power 2”, pinatalsik si Erap bilang pangulo. Hindi pa rito nagtapos ang kapangyarihan ng demokrasya, sinampahan ng kasong pandarambong si Erap at nahatulang may sala rito.
Si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay naging matatag sa kanyang puwesto bilang pangulo ng bansa. Sa katunayan ay 9 na taon itong nanungkulan bilang presidente. Marami rin ang lumaban sa paniniwalang tiwali at puno ng kurapsyon ang kanyang pamahalaan at sa kabila ng pag-amin sa paglabag ng isang “omnibus election code” dahil sa “Hello Garci” telephone scandal, hindi siya napadiskuwalipika sa posisyon sa paraan ng prosesong impeachment. Ngunit sa kasalukuyan, tila pinagdurusahan na ni Arroyo ang paghatol ng demokrasya. Nakapiit ito sa harap ng patung-patong na kaso ng pandarambong.
NGAYON, MARAMI ang nagsasabing sasapitin ni PNoy ang sinapit nina Arroyo at Estrada na kapwa nakulong sa kanilang pagbaba sa puwesto bilang pangulo. Mga kasong may kaugnayan sa DAP at Mamasapano massacre ang tila mga bangungot na babalik at maniningil kay PNoy sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2016. Kung makukulong man si PNoy at magkakaroon ng katulad na kapalaran sa dalawang naunang sinundan niya sa pagkapangulo, magiging malaking hamon ang pagkapangulo sa papalit sa kanya sa 2016.
Ang demokrasya sa ating bansa ay naging isang matalim na punyal na handang kumitil at humatol sa sino mang pangulong aabuso sa kanyang puwesto. Ang dinaranas ni PNoy ngayon na mga ‘di maubos na pambabatikos ay sinturon ng demokrasyang nagbabantay sa ating kalayaan at sa mga mapang-abusong pinuno ng bansa. Kung ang pagkakamali man ng isang pangulo ay sadya o hindi, walang pagkiling ang hustisya ng demokrsya rito.
Magiging mahirap ang pagkapangulo sa mga pulitikong may balak mag-abuso sa puwesto o maging ang mga mabubuti ang loob ngunit walang kakayahang mamuno. Sa bagong pagtanaw sa hamon ng pagka-pangulo ngayon, ang presyo ng demokrasya ay unti-unti nang pinakikinabangan ng bayan at umaasa ang lahat na darating din ang isang magandang umaga para sa Pilipinas.
Ang Wanted sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-8788536 at 0917-7926833.
Shooting Range
Raffy Tulfo