ANIM NA TAON nang umeere sa ABS-CBN ang action-drama series na FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin. Kaya naman muli silang nagpasalamat sa mga manonood na patuloy na tumatangkilik ng kanilang programa.
“Maraming, maraming salamat sa lahat ng Pilipino sa buong mundo na hanggang ngayon ay sumusubaybay at sumusuporta sa FPJ’s Ang Probinsyano. Happy sixth anniversary, mga Kapamilya!” pahayag ng buong cast sa isang video na inilabas ng Dreamscape Entertainment.
Bukod sa avid viewers ay pinasalamatan din ni Coco ang production staff ng programa.
“Sa lahat ng aming mga ka-Probinsyano saan mang sulok ng mundo, maraming, maraming salamat po sa anim na taong pagsama ninyo sa laban ni Cardo.
“Sa lahat ng bumubuo ng ‘FPJ’s Ang Probinsyano’ mula sa staff, crew, actors, directors, at sa lahat ng mga boss ng ABS-CBN, kami po’y nagpapasalamat sa lahat ng pagmamahal niyo. Maraming maraming salamat po,” lahad ng aktor.
Maging ang veteran actress na si Susan Roces ay nagpasalamat na nagig bahagi siya ng Ang Probinsyano.
Aniya, “Sa loob ng anim na taon, masaya ako na naging parte ako ng pamilyang ito. Para sa lahat ng mga ka-Probinsyano, maraming maraming salamat sa pagtangkilik ninyo, sa pagtulong ninyo, sa pagmamahal ninyo. Pinagbuklod tayong lahat bilang isang pamilya – sa isip, sa puso, at sa gawa. Happy happy sixth anniversary.”
Para naman kay Angel Aquino malaking hamon man ang hinarap ng programa nitong nagdaang taon pero masaya raw silang napagtagumpayan ito sa tulong ng mga ABS-CBN bosses.
“To my little brother and our great leader @cocomartin_ph and our father and protector @deo_endrinal, thank you for giving me the opportunity to belong in the most important show on television.
“A big show comes with big hurdles but we manage to stay strong and tight and unbreakable because we have you and our Tita Cory (Vidanes) and all our viewers and supporters who never give up on us. Mga ka-Probinsyano, maraming salamat at mahal namin kayo! Sama sama tayo hanggang sa dulo,” mensahe niya.
Nag-post din ng kani-kanyang pasasalamat sa social media ang iba pang kasama ni Coco sa programa tulad nina Lorna Tolentino, Rosanna Roces, John Estrada, John Arcilla, Rowell Santiago, Joseph Marco, John Prats, Geoff Eigenmann at marami pang iba.
For almost six years ay napanatili ng Ang Probinsyano ang lakas nito sa views na umabot na nga hanggang sa iba’t ibang streaming platforms at Youtube. Ang naturang programa rin ang may pinakamataas na record sa Youtube na na umabot sa all-time high na 162,831 concurrent viewers.