ANG BAGYONG Maring na sinabayan pa ng Habagat ay naging dahilan ng maituturing na isa sa pinakamalaking pagbaha na naranasan sa Metro Manila na naglubog sa 60% ng NCR. Nagmistulang ilog ang mga kalsada at maraming tao ang naipit ng tubig sa kanilang mga tahanan at kakalsadahan.
Suspendido ang mga klase sa paaralan, maging pribado at gobyernong opisina. Bagsak ang kabuhayan, nagsimatay ang mga pananim at alagang hayop sa mga probinsyang apektado ng baha. Nawasak ang mga tirahan, at ilang buhay rin ang nasayang.
Dalawang milyong residente ng NCR ang apektado at nagbukas din ng mahigit 200 evacuation centers sa Metro Manila at mga karatig na probinsya. Ayon kay DSWD Secretary Dinky Soliman, tinatayang 600,000 katao ang direktang naapektuhan ng pagbaha.
KUNG NAGBABASA ka ng Bibliya, hindi malayong sabihin mong ganito rin ang nangyari sa kuwento ni Noah at ang malaking pagbaha (Genesis 7). May mga pag-aaral nang ginawa para mapatunayan kung nangyari nga ito.
Si Robert Ballard, isang underwater archaeologist, ay naniniwalang ang naganap na malaking pagbaha ay nakabase sa tunay na pangyayari. Noong 1985, gamit ang isang submersible robotic-camera, nahanap niya ang tanyag na Titanic sa pusod ng dagat.
Ngayon, gamit ang mas makabagong teknolohiya, inilunsad niya ang isang marine archeological mission upang hanapin ang ebidensya para suportahan ang istorya ni Noah.
AYON NAMAN sa teorya ng dalawang scientist sa Columbia University, may naganap na pinakamalaking pagbaha sa kasaysayan ng mundo na nagpalubog sa isang buong sibilisasyon. Ito ay nangyari sa Black Sea Region, na ngayon ay kilalang “salty black sea”.
Dati itong tubig-tabang na lawa at napapaligiran ng pamayanan. Dahil sa pagkatunaw ng mga yelo sa maraming bahagi ng mundo dulot ng “planetary orbital cycle” kung saan lumalapit ang mundo sa araw tuwing ika-5 million years of evolution, binaha ang pamayanang ito.
Ayon sa teorya, 200 beses ng lakas ng Niagara Falls ang rumagasang tubig mula sa Mediterranean Sea ang naglubog sa buong pamayanan. Isa sa mga nakalap na ebidensya ay ang natagpuang “ancient shoreline” na 400 feet ang lalim mula sa ibabaw ng Black Sea.
May mga fossil-shells din sa shoreline na ang carbon date ay nagsasabing ang pagbaha ay nangyari noong 5000 BC. Ayon sa mga eksperto, sa ganitong panahon maaaring naganap ang pagbaha sa panahon ni Noah.
AYON KAY DOST Secretary Mario Montejo, mas lumala at naging madalas ang pagbaha sa Manila dahil sa patuloy na pagkasira ng mga gubat at kabundukan dala ng deforestation.
Sa pag-aaral ng Project NOAH, umabot sa 600mm ang bumagsak na ulan sa Metro Manila noong Linggo. Ito ay lagpas sa isang buwan ng pag-ulan na bumuhos sa loob ng isang araw lamang kumpara sa 455mm na tubig ulan dala ng bagyong Ondoy noong 2009.
Ang halos 15 kilometers na taas ng yelo sa North Pole ay patuloy na nalulusaw bawat minuto. Pumupunta ang tubig mula sa mga melting glaciers sa karagatan at siyang dahilan ng malalaking baha sa buong mundo tulad ng Hurricane Katrina.
Sa tingin ko, hindi malayong maulit sa NCR ang malaking baha gaya ng kay Noah kung patuloy nating babale-walain ang mga problemang ito.
Handa ba ang project NOAH ng DOST upang bigyang-babala ang mga tao sa mga susunod na pagbaha? Ano ang mga konkretong hakbang ng pamahalaan para masolusyunan ang lumalalang pagbahang ito?
Huwag nating hintaying dumating ang panahon na kakailanganing gumawa ng malaking bangka ang Project NOAH para maligtas ang iilan lamang!
Shooting Range
Raffy Tulfo