NAGING KONTROBERSYAL muli ang pahayag ng Santo Papa sa Roma hinggil sa kanyang posisyon sa mga isyu ng homosexuality, same-sex marriage, premarital sex at contraception.
Dati ay naging kontrobersyal din ang nag-resign na si Pope Benedict, sa kanyang pahayag tungkol sa isyu na ito. Sinabi ni Pope Benedict noon na “lesser evil” ang paggamit ng condom kumpara sa paghawa sa sakit na AIDS na pumapatay ng tao.
Sinabi ni Pope Francis na nalalayo na sa misyon ng pagpapalaganap ng pananampalataya at pagpapatawad ang maraming simbahang Katolika dahil sa nakatutok ito sa pagkondena sa mga kasalanan ng tao katulad ng abortion, same-sex marriage, homosexuality at contraception. Iginiit nga ni Pope Benedict na dapat mas pahalagahan ng simbahan ang pagpapatawad at pagmamahal.
Sa kabila ng kontrobersyal na pahayag ng Santo Papa ay sinabi pa rin ng tagapagsalita ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na si Fr. Francis Lucas, na hindi salungat ang sinabi ng Santo Papa sa adhikain ng CBCP at patuloy na paglaban nito sa naka-binbing RH Law.
Ang misyon ng CBCP ay hindi payagan ang tao na magkaroon ng batas na maglalapit sa kanila sa kasala-nan. Ito ay nakasunod umano sa nais ng Santo Papa na tawagin, patawarin at sagipin ang nagkakasala.
Ang tanong ngayon, totoo bang hindi salungat ang posisyon ng simbahan sa pahayag ni Pope Francis?
MALAKI ANG pagkakaiba ng mga salitang “pag-anyaya”, “pagmamahal”at “pagpapatawad” sa “pagpigil”, “paglaban” at “pagkundena”.
Ang unang tatlong grupo ng mga salita ay napapaloob sa konsepto ng “paggusto,” samantalang ang pangalawang tatlong grupo ay “pag-ayaw”. Ang ibig sabihin ay magkasalungat ang kahulugang-ugat ng mga salitang ito.
Lumalabas ngayon na magkasalungat ang posisyon ng CBCP at pahayag ni Pope Francis sa isyu ng RH Law.
SA AKING palagay, mas malalim ang pinanggagalingan ang mga pahayag ng Santo Papa. Sumisentro ito sa pagmamahal sapagkat ito ang pangunahing katangian ng Diyos. Ang lahat ng katangian ay pangalawa lamang sa antas at hindi maaaring pumantay rito.
Ganito ang pagkakalarawan ni St. Thomas Aquinas sa natural law at divine law. Si St. Aquinas ang itinuturing na doctor/philosopher ng simbahang Katolika.
Sinasabi sa natural law na ang lahat ay dapat umayon sa kung ano ang itinatakda ng kalikasan bilang batas. Ayon naman sa divine law ay walang anumang nilikha ang may kakayahang sumuway sa itinakdang natural law.
Ang kalikasan ay may disensyo ayon kay St. Aquinas. Pinatatakbo nito ang kanyang sarili dahil sa talino at disenyong nakapaloob dito.
Ganito rin ang paglalarawan ng mga scientists sa kanilang obserbasyon sa kalikasan o natural ecological balance.
Ang tao ay bahagi ng nature o kalikasan at may kakayahan din itong patakbuhin at “mag-regulate” ng sarili dahil sa taglay nitong talino o “reason”. Tao lamang ang mayroon nito sa lahat ng nilikha.
Maaaring ang paggawa ng tao ng batas ukol sa “reproductive health” ay bahagi lamang ng natural niyang paggamit ng talino para patuloy na mabuhay. Sa aspetong ito marahil nanggagaling ang pananaw ng Santo Papa.
Sa gitna ng hindi pagkakaunawaan ay inilagay ng Santo Papa ang pananampalataya bilang sentro upang pagmulan ito ng pagmamahal at pagpapatawad. May kakayahan ang mundo bilang isang nilikha na gamutin at iwasto ang mga pagkakamali rito. Ngunit, dapat magsimula ang lahat sa pagmamahal!
Shooting Range
Raffy Tulfo