Ang sarap nga naman nang libre

NARANASAN MO na ba ‘yung tamad na tamad kang kumilos at kapag nagyaya sa iyo ang kaibigan mo na samahan mo siyang magpunta sa mall ay tinatanggihan mo. Pero kapag sinabi niyang, “sige na, libre kita”, aba, dali-dali ka kaagad sumasama?

May ugali ang mga bagets na kapag nakarinig ng salitang “libre”, mabilis lumaki ang ngiti sa kanilang mga mukha. Madalas ding nagiging pain sa pustahan na kapag natalo, dapat manlibre. Hindi na rin nawawala sa kaisipan ng tao ngayon na kapag may malaking kaganapan sa buhay ng tao tulad ng birthday, graduation, o promotion sa trabaho, malamang sa malamang, kantyaw ng “libre” ang aabutin mo.

Masaya talaga kapag tayo ay nalilibre. Lalo na kung kuripot ka. Naku, siguro ang saya-saya mo na kapag may nanlilibre sa iyo. Pero, alam n’yo bang hindi pa ‘yan ang pinakamasayang libre na puwede mong maranasan. Bakit? Dahil ang matinding kasiyahan ay hindi nabibili ng pera.

Tunay na Kaibigan

Hindi lahat ng kaibigan na nililibre ka ay true friend na. ‘Yung iba, sadyang mayaman lang. True friend ay ‘yung kaibigan na nariyan para sa iyo, kailangan mo man siya o hindi. ‘Yung kaibigan na babatukan ka sa iyong mga katangahan, pero dadamayan ka sa iyong kalokohang pinasukan. Hindi ito matutumbasan ng kahit gaano kalaking pera. Hindi nakabibili ng tunay na kaibigan.

Mapagmahal na pamilya

Bakit nga ba pangalawa ito sa aking listahan? Ito ay dahil simula’t sapul naman, wala naman tayong kontrol sa pagpili ng pamilya na kabibilangan. Hindi tulad sa tunay na kaibigan, tayo ang pumipili nito. Gayunpaman, hindi rin matutumbasan ng pera ang relasyon ng pamilya. Sila ‘yung grupo ng tao na tanggap ang iyong kabutihan at kamalian. Sila ‘yung mga taong handang tumanggap sa iyo kahit itinakwil ka na ng lahat. At sila din ‘yung mga tao na minsan mo nang kinakalimutan, pero mahal na mahal ka pa ring tunay.

Lesson na babago sa iyong buhay

May kasabihan nga tayo na “the best teacher is not found in school, but in life, and that is experience.” Oo tama, hindi mabibili ng pera ang mga lesson sa buhay na siyang makapagpapabago sa ating pagkatao. Kasi hindi kinakailangan ng matrikula para ito ay makuha. Wala ring miscellaneous na kailangang intindihin.

Pagpapatawad

Ang pagpapatawad ay kailanman hindi mabibili ng pera. Kapag nakagawa sa iyo ng kasalanan ang isang tao, sa tingin mo ba kapag sinabi niya na babayaran na lang niya ng pera ang nagawa niyang kasalanan sa iyo, ‘di ba, mas magagalit ka pa sa kanya. Iisipin mo pa na dinaraan ka pa niya sa pera. Panghahawakan mo pa nga na ang simpleng pagsabi ng “sorry” na bukal sa kalooban ay siyang susi lamang para kayo ay magkabati ng dating nakaalitan.

Hindi ko rin maitatanggi na nabibili ng pera ang mga luho ng isang tao tulad ng cellphone, tablets, damit, sapatos, pagkain, at kung anu-ano pa. Ito ay magdudulot ng saya sa atin. Pero, panandaliang kasiyahan lamang. Dahil ang mga luho namang ito ay nalilipasan ng panahon. Malalaos din. At mauubos din. Huwag idepende ang kasiyahan sa mga materyal na bagay. Dahil ang tunay na kaligayahan ay hindi pinagkakagastusan, ito ay nariyan lang sa paligid mo, kailangan mo lang pahalagahan.

Usapang Bagets
By Ralph Tulfo

Previous articlePast Issue Pinoy Parazzi Vol 8 Issue 76 June 19 – 21, 2015
Next articleAnak ni misis sa ibang lalaki, gamit ang apelyido ni mister

No posts to display