Ano ba ang papel ni Doña Anita sa buhay ni Santino sa Tayong Dalawa? Dahil mula sa isang masungit at nakakatakot na matanda, parang lumambot ang kanyang puso nang makadaupang-palad ang bata.
Isa si Ms. Liza Lorena sa magagaling na aktres ng kanyang henerasyon. Patunay d’yan ang mga paglabas niya sa iba’t ibang serye sa telebisyon, Kapuso man o Kapamilya, na nagbibigay ng pagpapahalaga sa kakayanan niya bilang isang propesyunal na aktres.
Ipinanganak si Miss Liza Lorena bilang si Elizabeth Luciano Winsett sa lalawigan ng Pampanga. Ang kanyang kaakit-akit na mukha at angking galing ang nagbigay sa kanya ng pagkakataong maging Bb. Pilipinas first runner-up noong 1966. Pinasok niya ang mundo ng showbiz at nagmarka ang kanyang galing nang gumanap siya sa sikat na pelikulang Oro, Plata, Mata bilang si Nene Ojeda. Kinilala ang pagganap niyang ito at pinarangalan siya ng FAP ng Best Supporting Actress Award. Noon namang 1986, nanalo siya ng Best Supporting Actress Award mula sa Gawad Urian, para sa pelikulang Miguelito, ang Batang Rebelde.
Naging nobyo niya ang matinee idol noon na si Eddie Gutierrez at si Tonton Gutierrez ang bunga nito. Isa ring magaling na aktor ang kanyang anak at kasama niya sa Tayong Dalawa.
Dahil sa kanyang kahusayan, alam n’yo bang kinatatakutan siya sa mga kontrabida role niya? ‘Yun nga lang, hindi naman niya talaga trip ang manakit kaya bago raw ang take, sinasabi niya sa mga co-star niya ang mga gagawin nila para naman kahit papaano, eh, hindi mabugbog nang husto ang kaeksena niya.
Pero hindi ba kayo nagtataka kung bakit parang ang bata-bata pa rin niya? Sabi ni Ms. Liza, sikreto niya ang paggiging masaya kung ano ang meron sa buhay niya lalo pa’t alam niyang nasa ayos ang buhay ng kanyang mga anak at apo. Kaya naman kahit walang lalaki sa buhay niya, glowing at blooming pa rin ang ating bida.
Ni Mayin de los Santos, Photos by Luz Candaba
Click to enlarge.