KUNG PANINIWALAAN ANG magaling na deputy chief of police ng Caloocan na si Col. Carlito Dimalanta, ang kanyang mga tauhan ay henyo at nakaimbento ng isang super hi-tech na bala na puwedeng tawaging smart bullet. Bakit ‘ika nyo?
Si Charlie Viojan ay dinampot sa kanyang bahay ng mga pulis sa Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan City.
Makalipas ang ilang oras, isang tao ang nakapagsabi kay Carlos, ama ni Charlie, na ang kanyang anak ay nasa PCP 11 at nakahandusay. Agad namang sumugod si Carlos.
Nakita niya si Charlie na nakahiga sa semento sa loob ng presinto at hinuhugasan ng tubig ang katawan nito. Dali-dali siyang pumunta sa barangay upang magpasama sa presinto sa mga tanod at usisain ang kalagayan ni Charlie.
Ngunit pagdating nila ng presinto, wala na si Charlie at sinabihan silang ito ay dinala raw sa Tala Hospital para ipa-medical. At nang pumunta sila sa ospital, napag-alaman nilang ito ay nasa morgue na.
IBA NAMAN ANG bersyon ni Dimalanta sa bersyon ni Carlos tungkol sa pangyayari. Sa ginawang panayam ng WANTED SA RADYO (WSR) sa kanya noong Huwebes, sinabi ni Dimalanta na nakatanggap daw ng tawag ang kanyang mga tauhan tungkol sa isang nagaganap na panghoholdap. Habang rumeresponde ang mga ito, natiyempuhan daw ng grupo ang dalawang lalaking tumatakbo.
Nang makita raw ng dalawa ang mga pulis, nagpaputok sila kaya napilitan ang kanyang mga tauhan na gumanti at magpaputok din daw, dahilan para bu-magsak si Charlie. Dinala raw agad si Charlie sa Tala Hospital, ngunit bangkay na raw ito nang dumating doon. Isang misteryo raw para sa mga doktor doon ang pagkamatay ni Charlie dahil hindi nila malaman ang dahilan ng ikinasawi nito. Dahil dito, dinala raw ng mga pulis sa Jose Rodriguez Memorial Hospital (JRMH) ang bangkay ni Charlie para ipa-medico-legal.
Dagdag pa ni Dimalanta, sa autopsy report ng JRMH, lumilitaw raw na si Charlie ay namatay dahil sa isang tama ng bala sa ilalim ng bayag.
Sinabi ko kay Dimalanta na imposibleng tumama ang isa sa mga bala na pinaputok ng mga pulis kay Charlie habang tumatakbo ito sa mismong ilalim ng kanyang bayag maliban na lang kung ang mga bala na ginamit ng kanyang mga tauhan ay lumiliko – may computer chips at naka-program na targetin lamang ang mga maseselan na bahagi ng katawan ng tao tulad ng ilalim ng bayag.
Matapos makapag-isip, sinabi ni Dimalanta na u-maakyat daw kasi ng bakod si Charlie. Ngunit hindi pa siya natatapos sa kanyang paliwanag, agad ko siyang inunahan at sinabihan na ang ibig niya palang palabasin ay habang umaakyat si Charlie sa bakod, at ito ay nasa bandang tuktok na at nakabukaka, pumuwesto ang isa sa kanyang mga pulis sa ilalim ng bakod at pataas na inasinta si Charlie. Biglang iniba ni Dima-lanta ang usapan.
Tinanong ko rin siya kung may na-recover ba na baril sa biktima. Wala raw, sagot ni Dimalanta.
Ang WSR ay napakikinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes-Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay kasabay na napapanood sa Aksyon TV sa Channel 41. Sa Cignal Cable ito ay nasa Channel 1, Channel 7 sa Destiny at sa Sky Cable ito ay nasa Channel 61.
Shooting Range
Raffy Tulfo