KAMAKAILAN AY napabalita na paparami ang bilang ng mga kabataang nalululong sa droga ang mula sa mga pamilya ng OFW. Nakaaalarma ang bagay na ito. Masakit isipin na ang mga kabataang ito—na siyang dahilan kung bakit kumakayod sa ibang bansa ang kanilang mga magulang—ay naliligaw ng landas dahil sa hindi sila buo bilang isang pamilya. Sa halip na positibo, naging negatibo pa ang pangingibang-bansa ng mga OFW.
Hindi lang ang drug addiction ang isa sa mga social cost ng migration. Nandyan din ang pagtigil o pagiging tamad sa pag-aaral ng mga anak ng OFW. Wala nang tumututok sa kanilang mga pag-aaral. Nakababagabag din ang pagkakabuyo nila sa mga barkada na lalong naglulululong sa kanila sa masasamang bisyo.
At hindi lang sa kabataan nagkakaproblema. Ang pangingibang-bansa ng isa sa mga magulang ay nagiging dahilan para masira ang kanilang pagsasama. Nangyayari na ang babae o lalaki na nasa abroad ay nagkakarelasyon o nagkaka-affair sa ibang lalaki o babae roon. Gayundin, ang mga naiiwan ditong babae o lalaki ay pumapasok din sa mga iligal o imoral na relasyon sa ibang lalaki o babae rito. Nagiging dahilan ito ng pagkasira ng mga pamilya.
Hindi natin sinasabi na ganito ang nangyayari sa lahat ng pamilya ng OFW. Sa malaking bahagi, nananatiling matino at matibay ang pamilya ng mga migrante. Ngunit ang social cost na ito ng migration ay tila anay na unti-unting sumisira sa pamilyang Pilipino. Mahalaga kung gayon na lubusang pag-aralan, lalo na ng pamahalaan, ang suliraning ito na malaking banta sa pamilya. At mas mahalaga, panahon na para magbalangkas tayo ng mga plano at hakbang para masuhayan ang pamilyang Pilipino.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo