MARAMI NANG mga motorista ang nagrereklamo tungkol sa mga high-end sports car na humaharurot sa kahabaan ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX). Marami-rami na rin ang nadisgrasya rito.
Madalang kasi ang mga sasakyan na dumadaan dito bukod pa sa ito ay isang maluwang at mahabang highway na aabot sa 94 kilometro ang lawak. Ito ang dahilan kung bakit paboritong dinadala ng mga walang magawang super mil-yonaryo ang kanilang bagong biling mamahaling exotic sports car dito para ibreak-in o ibatak ang top speed nito.
Karamihan sa mga sasakyan na madalas naiispatan dito na animo’y lumilipad sa paghaharurot ay ang mga supercar tulad ng Ferrari, Lamborghini, Bugatti, Maserati, Porsche at BMW.
Paano nga naman mahahabol ng mga kakarag-karag na mobile car o motorsiklo ng SCTEX patrol at ng PNP highway patrol ang mga super bilis na mga sasakyang ito? Wala silang magawa kundi ang kumamot na lamang ng kanilang ulo at iradyo sa dulo para abangan at tiketan ang mga driver nito.
Pero bago pa man makarating sa dulo, alam na ng mga speed maniac na ito na sila ay inaabangan kaya malayo pa lang — bago masalubong ang mga nag-aabang sa kanila, binabagalan nila ang kanilang takbo.
At paano nga naman titiketan ng highway patrol ang mga driver nito kung sila ay mga pulitiko o matataas na opisyal sa gobyerno?
MINSAN NANG naispatan sa SCTEX si Pangulong Noynoy na binebreak-in niya noon umano ang kanyang Porsche bago niya ito naibenta. Paano kung may mabibiling bagong sports car na naman si P-Noy at napag-isipan niyang ibreak-in ito sa SCTEX? Sa halip na sawayin, siguradong hahawiin pa ng pinagsamang tropa ng highway patrol at Presidential Security Group ang ibang mga sasakyan sa SCTEX para walang istorbo habang humaharurot ang presidential supercar.
Ilang beses na ring naispatan ang isang tauhan ni P-Noy – na may tanggapan sa Malacañang, na hinaharurot ang hi-niram niyang Ferrari, Lamborghini at Porsche rito. Bukod sa taong ito, isa pang tauhan ni P-Noy na mayaman – na ang tanggapan ay sa labas ng Malacañang, ang minsan na ring nagpaharurot ng kanyang Maserati rito.
Marami ring mga anak ng mayayaman na ang mga ama ay pinagkakautangan ng Malacañang dahil sa mga suporta na ibinigay ng mga ito sa Pangulo noong nakaraang eleksyon ang madalas na maispatan na nagpapaharurot ng kanilang mga sports car sa SCTEX.
Paano mo nga naman huhulihin ang mga batang ito? Ma-ging ang mga makapangyarihang pulitiko ay ginagawa ring race track ang SCTEX. Paano mo rin sila sisitahin?
KUNG GUSTO talagang matigil ni Commissioner Ruffy Biazon ang talamak na smuggling at kurapsyon sa Bureau of Customs, ang dapat na una niyang gawin ay kausapin nang personal si Pangulong Noynoy at ipagtapat sa kanya ang mga personalidad na madalas mag-name-drop sa pangalan ni Executive Secretary Paquito Ochoa sa BoC.
Ang mga taong ito ay mga mismong smuggler at mga opisyal ng BoC na godfather ng smugglers.
Pero sugal ang gagawin niyang ito dahil maaaring paniwalaan siya ng Pangulo at bigyan ng blanket authority na paghuhulihin ang mga name dropper ni Ochoa. Ngunit maaari ring hindi siya paniniwalaan ni P-Noy dahil mas mahaba ang pinagsamahan ng Pangulo at ni Ochoa kaysa ng Pangulo at ni Biazon.
Ang masaklap pa, baka iparating ni P-Noy kay Ochoa ang pagsusumbong ni Biazon at pag-iinitan siya ni Ochoa – ang tinaguriang The Little President. Napurnada na. In fairness naman kay Ochoa, baka wala talaga siyang kaalam-alam sa ginagawang paggagasgas sa kanyang pangalan. Pero ang paboritong expression ng aking make-up artist sa Aksyon Weekend news ay “Weh, ‘di nga?”
Shooting Range
Raffy Tulfo