ISANG EX-CONVICT ang personal na dumulog sa WANTED SA RADYO noong nakaraang Lunes para ibunyag ang umanong planong paghahasik ng lagim sa Angono, Rizal ng ilang miyembro ng kapulisan sa nasabing lugar.
Si alyas Toto ay isang bagong layang preso na ayon sa kanya, siya ay nakulong dahil sa pagkakasangkot sa serye ng mga panghoholdap, carnapping, kidnapping at gun for hire sa Metro Manila. Siya ay nakatikim ding makulong sa Angono.
Nais nang magbagong-buhay ni Toto. At noong nakaraang linggo, nagsadya siya sa Angono PNP headquarters para magpatulong na makakuha ng NBI Clearance. Ayon kay Toto, sa halip na tulungan siyang maituwid na ang kanyang pamumuhay, kinausap siya ng dalawang PNP officials doon.
Dagdag pa ni Toto, kinumbinsi siya ng kanyang mga kausap na pulis na mag-recruit ng dalawang kilala niyang tirador para bumuo ng isang grupo na magsasagawa ng mga ‘trabaho’ sa Angono at sa karatig na lugar.
Ang trabahong tinutukoy ng mga pulis ay ang pag-aakyat bahay, panghoholdap at iba pa. Ang pinapatrabaho sa grupo ni Toto ay mga negosyante at ang kanilang mga negosyo.
NAGULANTANG SI Toto at ‘di siya makapaniwala. Bagaman ‘di siya agad tumanggi o sumang-ayon, nakuha niyang makaalis sa nasabing presinto. Nagtiwala naman sa kanya ang kanyang mga kausap na siya ay babalik din agad at magsasama na ng mga katropa.
Bilang pagpapakita ng kumpiyansa sa kanya, binigyan si Toto ng cellphone ng mga pulis bago siya umalis para roon nila siya kokontakin. Nangako rin ang mga pulis na sa kanyang pagbalik, bibigyan siya ng mga kakailanganing armas para sa kanilang gagawing operasyon.
Makailang beses din nakatanggap ng text si Toto mula sa mga pulis at binibigyan na siya ng instructions tungkol sa mga pinapagawa nang trabaho sa kanya. Sa puntong iyon, dahil buo na ang kanyang desisyong hindi na babalik sa kriminalidad, minarapat na niyang tumakbo sa WANTED SA RADYO.
PAGKATAPOS MA-INTERVIEW si Toto, tinawagan ng staff ng WANTED SA RADYO ang bagong upong chief of police ng Angono na si Col. Resty Damaso upang ikuwento sa kanya ang sumbong ni Toto.
Nabigla si Damaso at pilit na kinukuha sa tumawag na staff ang buong detalye tungkol kay Toto at ang address ng TV5. Makailang ulit ding nakipag-ugnayan si Damaso sa isang staff ng WANTED SA RADYO para kulitin ang kinaroroonan ni Toto pati na kung papaano makapunta sa TV5. Ang studio ng WANTED SA RADYO sa 92.3FM, Radyo5 ay matatagpuan sa loob ng TV5 compound.
Labis na nabulabog ang buong staff ng WANTED SA RADYO dahil sa pangungulit ni Damaso.
PAGDATING KO ng Radyo5, agad kong tinawagan ang CIDG kung saan napagdesisyunan ko na ite-turnover si Toto para makunan ng salaysay at maimbestigahan. Tinawagan ko rin ang QCPD para isecure ang TV5 compound sakali mang may mga grupong magtangkang kumuha kay Toto. Nagpadala ang QCPD ng ilang tauhan nila. Nagpadala rin ng ilang tauhan ang CIDG. Bago matapos ang pag-eere ng WANTED SA RADYO nang araw ring iyon, tahimik na nai-turnover si Toto sa CIDG nang walang insidente.
Nakausap ko si Col. Damaso, mariing niyang itinanggi ang mga alegasyon ni Toto bagama’t inamin niyang minsan nang nakulong ito sa kanilang piitan. Mariing itinanggi rin ni Damaso na kinausap nila si Toto tungkol sa ano pa mang mga maitim na balakin.
Ang WANTED SA RADYO ay napakikinggan 2:00-4:00pm, Monday to Friday. Ito’y kasabay na napapanood sa AksyonTV Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo