ANG T3 Reload ay mapapanood na sa bago nitongtimeslot na 12:00-12:30 ng tanghali, Lunes hanggang Biyernes sa TV5.
KAMAKAILAN LANG ay may dalawang isyu na pinag-usapan ng mga tinatawag nating “netizens” at maging sa mga tao sa kanto-kanto ng mga barangay. Una ay ang tila pagkalimot diumano ng pamantasan at pamunuan ng Ateneo de Manila University sa ginawang kalupitan ng mga Marcos sa Pilipinas, dahil sa pag-imbita nito kay dating First Lady at ngayon ay kongresistang si Imelda Marcos.
Ang pangalawa ay ang pagkalat ng isang video sa mga social media network ng isang paring pinagagalitan, inaalipusta at hinihiya ang isang 17 gulang na batang ina sa harap ng maraming tao sa simbahan, dahil nais lamang ng kaawa-awang ina na mapabinyagan ang kanyang sanggol na anak.
TALAGA YATANG napakahusay ng pagkakasulat ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, ng kanyang nobelang “Noli Me Tangere”. Lalo na ang pagsasalarawan nito ng kalupitan at bulok na karakter ng mga pari sa Simbahang Katolika noon.
Nalalaman nating hindi na ganito ang situwasyon ngayon sa simbahan at mga Pilipino na rin ang mga kaparian dito sa ating bayan. Ngunit, ang dalawang isyung aking nabanggit sa itaas ay nagpapaalala ng katauhang humamak sa ating mga Pilipino noong panahon ng pananakop ng mga Kastila sa ating bayan.
Ang karakter ni Padre Damaso ay muling tumingkad sa aking isip hinggil sa pagiging “pakitang-tao” o “ipokrito” at “manggagamit” nito sa mga taong nakatutulong sa kanyang pansariling benipisyo. Partikular dito ang pagpapakitang-tao nito sa ama ni Ibarra sa nobelang “Noli”.Dito ay ginamit lamang ni Padre Damaso ang ama ni Ibarra at sa kalauna’y ipinakulong at ginawan ng masama.
Saan ba lumulugar ang pamunuan ng Ateneo de Manila University sa pag-iimbita nito kay dating First Lady Imelda Marcos? Sinasabi nilang ang dahilan lamang ng pag-imbita ng pamantasan sa kongresista ay siya raw kasi ang nag-organisa ng isang programa na nagpondo para sa mga iskolar ng pamantasan noon.
Hindi rin daw nakalilimutan ng pamantasan ang kalupitang ginawa ng mga Marcos sa Pilipinas noong panahon ng Martial Law. Kung ganoon ay isang pagpapakitang-tao nga lang yata ang ginawang pag-imbita ng pamunuan ng Ateneo kay Imelda. Pinakinabangan nila kasi ang tao noong panahon na ang mga Marcos pa ang nasa kapangyarihan. Tila ito ay isang karakter nga ni Padre Damaso.
Bakit mo iimbitahin ang isang tao sa iyong tahanan kung sa iyong paniniwala ay masama ito at nagdulot ng pasakit sa iyong mga kapatid? Dahil ba nakinabang ka sa kanya? O ‘di kaya ay nagnanais ka na muling makinabang at gamitin muli ang tao para sa isang pansariling benepisyo?
Ang mga masasayang larawan ni Imelda kasama ang komunidad ng Ateneo ay taliwas sa sinasabi nilang hindi sila nakalilimot sa kasaysayan. Ito’y lantad na pagpapakitang-tao kung totoo man ang sinasaloob nilang hindi nila limot ang kasamaan ng mag-asawang Marcos noong dekada ’70.
ITO NAMANG isang nagmamalabis na pari na kung magsalita ay tila walang bahid ng kasalanan ang kanyang katawan, at para bang mas malupit pa sa Diyos kung makapanghusga ng kapwa. Isang tunay na karakter ni Padre Damaso ang tila sumapi sa katauhan nitong pari sa video na kumalat sa lahat ng social networks.
Kung ang mismong kasalukuyang Santo Papa sa Roma ay nagsabing wala siyang karapatan na manghusga ng kapwa niya, lalo na ang mga miyembro o mga taong napapabilang sa LGBT (lesbians, gays, bisexuals, transgenders), siya pa kayang pari na nasasailalim ng kapangyarihan at pamumuno ng Santo Papa sa Roma.
Walang sino man ang may karapatang manghusga at lalo na ang magyurak ng kapwa. Hindi yata madaling palagpasin ang isang kasalukuyang Padre Damasong ito sa ginawa niyang kagaspangan sa pag-uugali bilang pari. Lalo’t isang kaawa-awang batang ina ang kanyang pinagsalitaan ng masasama. Hindi yata niya alintana na ang batang inang ito ay isang biktima na ng kasalatan sa mundo.
Kung baga ay lugmok na sa putik ang batang ina sa kanyang sitwasyon ngayon sa buhay, sa ginawa nitong paring ito, ay lalo pa niya inilubog sa pagkakalugmok sa putik ang taong ito. Dapat ay papanagutin ang paring ito sa kagaspangan ng kanyang ugali. Lalo lamang pinapatunayan ng paring ito ang mga alegasyon ng mga kritiko ng Simbahang Katolika na ang mga pari ay mapang-abuso at naglilinis-linisan lamang gaya ng pagkakalarawan ni Dr. Jose Rizal kay Padre Damaso.
DAPAT AY linisin ng simbahan ang sarili nitong bakuran bago sila magpuna ng kamalian sa lipunan o ng bakuran ng iba. Dahil nawawalang-saysay ang mga makatotohanang pagpapaalala ng simbahan sa ating lahat na dapat mabuhay batay sa tunay na pagmamahal at respeto sa kapwa.
Nawa ay maging leksyon ito sa ating mga kaparian at maging isang pagbubukas-mata sa tunay na estado ng relasyon at klase ng pamumuhay ng mga paring naglilingkod sa simbahan at lipunan. Natitiyak kong hindi nag-iisa ang Padre Damasong ito sa ating lipunan ngayon.
Mayroon diyan sa paligid na mas mababangis at nag-aabusong pari na gaya ni Padre Damaso nang gahasain nito ang ina ni Maria Clara sa nobelang “Noli Me Tangere”.
Shooting Range
Raffy Tulfo