MARAMING MGA matatamis na pananalita ang nagpapaliwanag kung bakit hindi lahat ng bagay sa mundo ay naipaliliwanag gamit ang agham o science. Isa na rito ang paggamit sa mga salitang “Pusong Pinoy, Laban Pinoy!” Umalis ang koponang Gilas Pilipinas baon lamang ang tinatawag na “puso” sa kabila ng pagiging kapos sa sa maraming aspeto ng isang world class na basketball team gaya ng tangkad o height at laki ng katawan o mascular body built.
Marami ang sumuporta sa team Gilas Pilipinas sa paniniwalang ang pusong Pinoy ang magdadala ng panalo sa ating koponang lalaban sa FIBA na gaganapin sa bansang Spain. Sa tatlong sunud-sunod na talo ng team Gilas Pilipinas ay tila hindi kalungkutan ang naramdaman ng maraming Pilipino sa buong mundo, bagkus ay karangalan at pagpupunyagi.
Ang kakaibang epekto sa mga Pilipino ng mga laban ng team Gilas Pilipinas sa FIBA, Spain ang pupuntuhan ko ngayon sa artikulong ito. Ano nga ba ang tunay na tagumpay na inihandog ng Team Gilas? Papaano ito nakaaapekto sa bawat Pilipino? May naidulot ba itong kabutihan sa bansang Pilipinas at lahing Pilipino sa mata ng buong mundo? Ito ang mga tanong na susubukin nating bigyang-kasagutan.
“WHO ARE these people?”, “The Philippines has arrived!” at “Unbelievably great and one of a kind basketball game!” ay ang ilan sa mga pahayag at komento na lumabas sa mga pahayagan sa ibang bansa, interviews at programang nagko-cover sa FIBA sa Spain. Hindi naman nananalo ang team Gilas Pilipinas sa huling tatlong basketball games nito ngunit kakaiba ang epektong nilikha nila sa isip ng mga taong sumubaybay sa kanilang mga laban, lalo na ang mga Pilipinong nagkalat sa buong mundo.
Imbes na pagkadismaya ay mataas na espiritu ng paghanga at respeto ang inani ng mga Pilipinong manlalaro ng team Gilas mula sa mga tao. Tila mas naging malalim ang kahulugan ng pagkapanalo at pagkatalo sa larong ipinakita nila. Kung dati ay normal ang maramdamang kalungkutan mula sa isang pagkatalo, ngayon ay kakaiba ang naramdaman ng maraming Pilipino sa tatlong sunud-sunod na talo ng team Gilas.
Paghanga at pagkakaroon ng dangal sa sarili bilang isang Pilipino ang naidulot na epekto ng mga laban na ipinakita ng team Gilas. Muling pinatunayan ng mga Pilipinong manlalaro na ang imposible ay posible kung maniniwala tayo sa ating “puso” at kakayahan.
Ang mga pagsubok na dinaranas natin ay kaya nating lampasan sa kabila ng ating mga limitasyon. Ang “pusong Pilipino” ay isang armas na ating magagamit upang pagtagumpayan ang mga mithiin natin sa buhay. Ito ang pinatunayan ng team Gilas Pilipinas sa FIBA sa Spain.
HINDI MAIPALIWANAG ng agham o science kung bakit ang rank number 33 sa buong mundo base sa FIBA standards ay muntikan nang tinalo ang mga higanteng manlalaro ng bansang Croatia, Greece at Argentina na pangatlo sa ranking ng FIBA sa buong mundo.
Maging ang mga manlalarong banyaga ay hindi makapaniwala sa kanilang nakalaban. Ang mga basketball plays na ipinakita ng team Gilas ay kakaiba at unang beses lang nila itong nakita sa FIBA ayon sa head coach ng koponang Argentina.
Ang mga 3 points na pinukol ng manlalarong si Jimmy Alapag sa kabila ng mga nagtataasang bakod na kamay ng kalaban ay tila may anting-anting na walang sinumang nakapigil dito.
At sinong hindi magugulat sa taas ng lipad ng isang Pilipinong manlalaro na nag-dunk ng dawalang beses sa harap ng dalawang higanteng manlalaro ng Argentina kung saan ang isa ay kilala pang magaling na basketbolista sa NBA sa Amerika.
May taglay na agimat nga ba ang mga manlalarong Pilipino kaya’t hindi makalayo ang puntos ng mga kalaban nito sa huling bahagi ng laro? Maaring isipin at ituring nating may agimat nga na taglay ang mga ito.
Ang taglay nilang agimat na aking tinutukoy ay ang dugong Pinoy na dumadaloy sa kanilang mga ugat at umaagos sa kanilang puso. Ang “pusong Pinoy” nga ang agimat na ito at dapat isipin natin na lahat tayo ay nagtataglay nito.
ANG “PUSONG Pinoy, Labang Pinoy” ang mismong agimat natin kung bakit nakakayanan ng mga Pilipino ang mga pagsubok na tumatama sa ating bansa gaya ng mga malalakas na bagyo, lindol at iba pang kalamidad. Mas naipakita nang kongkreto sa mga laban ng team Gilas ang “puso” at tapang ng bawat Pilipino.
Ang agimat sa dugong Pilipino ang tila paliwanag sa hindi maipaliwanag ng agham o science sa itinatakbo ng laban sa basketball ng team Gilas na sadyang maliliit kontra sa mga higanteng koponan sa kanluraning mga bansa.
Ang pananaw na ang mga Pilipino ay mahusay, magaling, buo ang loob, matapang, masipag, nagpupunyagi, at ginagawa ang lahat upang basagin ang kanilang mga limitasyon bilang tao ang nilikha ng mga laban ng team Gilas. Ang pananaw na ito rin ang dahilan kung bakit maraming mga Pilipino sa buong mundo na pinagkakatiwalaan at inaasahan ng mga banyaga sa kanilang mga kompanya.
Ang kabuuang personalidad ng mga Pilipino ang puhunan natin upang tayo ay pagkatiwalaan sa trabaho at magtagumpay sa buhay. Ito sana ang magpalakas sa ating loob upang patuloy tayong lumaban sa kahirapan at pagsubok sa atin bilang isang bansa at lipunan.
Patuloy tayong manalig sa ating mga sarili na ang tunay na tagumpay ay nasa puso natin! Salamat team Gilas Pilipinas sa pagtuturo at pagpapaalala sa bawat Pilipino na kaya natin ang laban, basta “puso” ang ating sandigan!
Mabuhay ang team Gilas Pilipinas! Mabuhay ang Pilipino!
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo