ANG MAG-ARAL, ‘yan ang tanging obligasyon at responsibilidad ng mga kabataan. Pero ang nakakapagtaka lang, kayrami pa ring bagets ang napapabayaan ang pag-aaral nila. Marami pa ring bumabagsak, naki-kick out at kusang nagda-drop out. Paano ba naman, napakahirap ng kalaban nila. Ito ang katamaran. Ito ang sakit na kapag tinamaan ka, yari ka. Ito ang sakit na ‘pag nagpadaig ka, talo ka.
Huwag magpadaig sa katamaran. Ang kasipagan ay dapat magsisimula sa inyong pagkukusa. Bibigyan ko rin kayo ng tips na lubos na makatutulong upang mapaunlad ang inyong tinatawag na “study habits”.
1. Upang ganahan mag-aral, dapat ang lugar kung saan ka mag-aaral ay akma rin. Dapat hindi makalat. Tama rin ang ilaw. Dapat kumportable ka. Pumuwesto ka sa lugar na hindi ka magagambala, sa lugar na tahimik pero hindi nakaaantok.
2. Kapag mag-aaral, ihanda na ang lahat ng kailangan. Kunin na sa bag ang mga kagamitan na kakailanganin upang tuluy-tuloy ang pag-aaral, hindi ‘yung ‘pag natapos sa isa, saka pa lang kukunin ‘yung kasunod na gawin. Kapag gano’n kasi, mas tumataas ang posibilidad na ikaw ay tatamarin na upang gawin pa ‘yung iba kasi maiisip mo na “may natapos naman na akong isa, mamaya na lang ang iba.”
3. Sanayin ang sarili na kapag mag-aaral, dapat walang kahit anumang distraksyon ang nakapaligid sa inyo. Sa madaling salita, dapat walang cellphone, walang laptop, walang Internet. Alam naman nating lahat na ito ‘yung mga bagay na magbibigay ng access sa atin sa mga social media sites gaya ng Facebook, Twitter at Instagram na siyang pinakadahilan kung bakit nauubos ang oras natin sa wala at kung bakit napupuyat tayo gabi-gabi.
4. Bawal magpuyat. Siguraduhin na makukumpleto mo ang walong oras na tulog. Laging tandaan na kapag kulang tayo sa tulog, hindi tayo makapagpo-focus sa aralin. Madali tayong madi-distract sa mga bagay-bagay at magbibigay-daan ito upang ikaw ay maging makalilimutin. Ito ang pinakarason kung bakit minsan tayo ay name-mental block.
5. Gumawa ng schedule ng mga gawain. Para maiwasan ang pag-cram o mga ‘last minute’ review. Dapat maglaan ng sapat na oras sa bawat gawain para balanse ang atensyon na naibibigay.
6. Magkaroon ka ng ‘study buddy’ o kaya ‘study group’. Mas gaganahan kang mag-aral kung ang lahat ng taong nakapalibot sa iyo ay nag-aaral din. Kaya, makatutulong nang husto kapag ang mga kaibigan mo ay siya pang maghihikayat sa iyong mag-aral. Masarap sa pakiramdam na buong barkada kayong pumapasa.
7. Kapag gagawa ng proyekto, takdang-aralin o mag-aaral para sa pagsusulit, simulan sa pinakamahirap na paksa hanggang sa padali nang padali para madaling makakapasok sa iyong isipan ang mahihirap na impormasyon.
8. Ugaliin ang magbasa nang magbasa. Kapag wala kang ginagawa, aralin na nang advance ang mga susunod na paksa para hindi ka na mahirapan makasabay sa diskusyon ng iyong guro.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo