ILANG ARAW na lang po at Pasko na naman at malamang siguradong lalaki na naman ang mga gastusin natin. Para magamit ng wasto ang perang pinaghirapan natin, paminsan-minsan ay mamimigay po tayo ng ilang mga tips tungkol sa paksa ng pagtitipid or savings.
Ang pagbili ng mga luho at mga bagay na walang silbi ay maituturing na isa sa mga bad habits ng mga Pilipino.
Ang mga mall, restawran, at sari-saring mga tindahang may mga malulupit na marketing at promotional strategies na dinisenyo para pagsamantalahan ang mga weakness ng mga mamimili lalung-lalo na kung medyo click ang mga gimmick ng mga ito.
Narito ang ilang mga pera tips para mas maging “wais” tayo sa ating pamimili:
- Gumawa ng budget para sa sari-saring mga pangnangalingan at ilista ang mga items na balak bilhin bago mag-shopping.
- Bago mag-shopping ay kumain muna sa bahay para hindi ka matukso na bumili ng pagkain sa mall o grocery habang ikaw ang nagsi-shoppiing.
- Ang pagkakaroon ng stress ay isa pa sa mga rason kung bakit tayo minsan natutukso na mag-overspend. Kaya ang mga taong may problema sa trabaho, sa lovelife, at iba pang mga aspeto ng buhay ay malamang mas may tendency na mag-overspend kumpara sa mga Pinoy na hindi ganu’n kaproblemado. Kapag namimili, lalung-lalo na sa mga bagay na medyo mahal, tanungin muna natin ang ating sarili: kailangan ba talaga natin ang bagay na ito? At kung kailangan, meron bang cheaper or mas affordable na alternatibo?
- Itrato ang inyong pitaka, ATM, at credit card na parang isang loaded na baril. Pag-isipan nating maigi bago natin ito gamitin.
- Kapag kumakain sa isang restaurant na may murang pagkain, tignan din ng maigi ang presyo ng mga inumin dito kasi minsan, sa presyo ng mga inumin bumabawi ang mga restaurant na ito.
- Kapag nasa grocery, gumamit ng mas maliit na shopping cart. Minsan kasi kung malaki ang ating shopping cart, mas natutukso tayong bumili ng mas marami.
- Kapag bumibili ng pagkain sa isang fast-food restaurant, mag-ingat sa gimmick ng mga sales lady na pakikitaan ka ng isang baso, platito, o lalagyanan at tatanungin ka ng “would you like to order this size sir?” na hindi ka naman aabisuhan kung ang size na ito ay small, medium, large, or extra large. Kapag inalok kayo ng ganitong offer, itanong kaagad kung anong size ng baso, platito, etc. ang ipinakita sa inyo sabay tingin sa menu para malaman kung ano ang presyo ng size na iyon.
FOLLOW-UP NOTE: Ikumpara ang inyong grocery/shopping expenses ng mga isang buwan bago gamitin at pagkatapos gamitin ang mga tips na ito para malaman kung nakatipid ba talaga kayo.
_____________________________________________
Si Joel Serate Ferrer ay co-author ng bestselling book na PAANO YUMAMAN: 50 PERA TIPS TO MAKING AND SAVING MONEY. Ang libro na ito ay currently available sa National Bookstore, Pandayan Bookshop, at iba pang mga tindahan.
Pera Tips
by Joel Serate Ferrer