HINDI NA raw makapaghihintay ang Liberal Party (LP) nang matagal para sa matamis na “oo” ni Senator Grace Poe. Kaya naman may isang grupo ng maka-“dilaw” ang nagsimulang mangampanya para kumbinsihin si Congresswoman Leni Robredo ng 3rd District ng Camarines Sur na tumakbo bilang bise presidente ni DILG Secretary Mar Roxas, na isa na ngayong official standard bearer ng LP.
Simula nang ibigay ni Pangulong Noynoy Aquino ang kanyang suporta kay Roxas ay naging maugong na ang tanong kung papayag ba si Poe na tumakbo bilang katambal niya. Maraming bagay ang sinisipat ng LP at iba’t ibang grupo bilang implikasyon ng pagpayag ni Poe o hindi pagpayag nito sa kahihinatnan ng presidential election sa susunod na taon.
Ang isang ikinakatakot ng LP ay kung hindi papayag si Poe na maging bise presisdente lamang ni Roxas ay baka mahati ang “tuwid na daan” na boto kina Roxas at Poe. Ang pinakainiiwasan ng LP ay kung wala sa dalawa ang manalo sa 2016 Elections at si VP Jejomar Binay ang makinabang sa huli. Tiyak na mawawala lahat ng sinimulang mga plano ng administrasyon ni PNoy at baka maraming taga-administrasyon niya, kasama na ang Pangulo sa makakasuhan.
ANG GRACE Poe-Francis “Chiz” Escudero tandem ay isinusulong din ng isang partido na dating kinabibilangan ni Escudero bago pa ito naging independent candidate noong nakaraang Senatorial election. Ang Nationalist Party ay walang malinaw na mamanukin mula sa kanilang hanay kaya naman tila sinusuyo nito ang dalawang parehong independent candidates na sina Escudero at Poe. Dahil dito ay mas nagiging malabo na ang nilulutong Roxas-Poe tandem.
Ang magiging balakid sa pagtakbo ni Sen Poe ay ang opensiba ng kampo ni Binay hinggil sa kanyang pagka-Pilipino. Maaaring sabihing magiging teknikal at praktikal na balakid ito para kay Poe. Ang teknikal na aspeto nito ay kung hindi siya makikisanib kay Roxas na pambato ng administrasyon, maaaring hindi siya matulungan ng pamahalaan sa usaping teknikal at legal sa isyu ng kanyang pagka-Pilipino.
Ang usaping balakid sa praktikal na aspeto naman ay maaaring tumatak ang isyu ng disqualification sa “sub-conscious” mind ng mga boboto at hindi na siya maging bahagi sa mga pagpipilian nila dahil iisipin nilang baka masayang lamang ang kanilang mga boto. Tila mas makabubuti kay Poe na makitambal kay Mar Roxas dahil matitiyak niya ang political support ng gobyerno sa isyu ng kanyang pagiging hindi Pilipino.
ANG MAKINARYA ng pamahalaan sa aspeto ng pulitika at kapangyarihan ay mahalaga sa isang kandidato lalo na kung ginigipit ito sa isang teknikal at legal na usapin. Marami rin ang nagsasabing kung si Poe ay tatakbo para bise presidente sa ilalim ng Mar-Poe tandem ay tiyak na ang pagkapanalo ng senadora kahit hindi pa manalo si Roxas bilang presidente.
Magkakaroon din siya ng sapat na panahon para maging isang epektibong pangulo ng bansa pagdating ng 2022 presidential election. Kung ipagpapatuloy ni Sen. Poe ang kanyang mahusay na disposisyon, katapatan at dedikasyon bilang isang public servant ay tiyak na siya ang magiging malakas at pinakahanda na kandidato para maging pangulo ng bansa. Ito ang isang importanteng taya sa pulitika ni Poe ngayon.
Kung si Poe naman ay tataya sa mga survey at bulong ng mga nagnanais na tumakbo siya bilang pangulo ay may mga isyu siyang tiyak na susugalan bago matiyak ang pagkapanalo. Una ay ang integridad ng mga surveys. Matatandaang si Senator Manny Villar ang nanguna sa survey noong 2010 presidential election ngunit dahil binato ng maraming isyu ay natalo. Pangalawa, maraming mga pulitikong sumasamantala sa mga bagitong kandidato para pangulo gaya ni Grace Poe.
HINDI RIN naman garantisado ang Poe-Escudero tandem, gaya na rin ng Roxas-Robredo ticket. Sa ganitong taya ay tila mahahati nga ang mga boto ng daang matuwid at sa huli ay iba ang makikinabang. Sayang kung hindi mailalagay sa kapangyarihan ang mga kandidatong malilinis ang track record at walang mga isyung korapsyon sa pagkatao at pamilya nito.
Ang mga traditional politicians ay nandiyan lamang sa tabi-tabi. Katunayan ay lantad na lantad na sa telebisyon ang mga political advertisments ng ilang mga mayayamang pulitiko. Dinadaan na naman ang mga tao sa kapangyarihan ng media. Ito ang nakakatakot sa lahat dahil hindi lahat ng magagaling na lider ay may kakayahang maglabas ng isang political advertisement.
Huwag natin sanang kalimutan ang nangyari sa ating kasaysayan at huwag tayong magpapaloko sa mga political advertisement na ito. Dapat sana ay mas naging mahigpit ang Commission on Elections sa kanilang polisiya sa pantay na karapatan at kakayahang maglunsad ng isang political ad.
Kahit pa sabihin ng mga abogado ng mga ito na hindi political advertisement ang inilalabas ngayon sa mga TV ay hindi na mauuto nito ang mga tao. Huwag tayong tumaya sa mga traditional politician na ginagamit lamang ang kanilang kayamanan para sa hindi patas na pangangampanya dahil tayong lahat ang talo sa huli.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo