0906823xxxx – Idol Raffy Tulfo, isa po akong truck driver at nais ko lang pong ipaalam sa inyo ang isa raw ordinansa ng isang barangay dito sa lugar ng Longos, Calumpit, Bulacan. Dito po ang aming ruta araw-araw. Sinisingil po kami dati ng halagang P20.00 kada daan pero ngayon ay P50.00 na kada daan. Ito raw po ay para sa kalsada na aming dinadaanan. Ayon po sa aming napagtanungan, ito po ay ipinag-utos ni Kapitan Rogelio Reyes. Sana po ay mabigyan ninyo ng pansin ang bagay na ito. Sa totoo lang po ay napakabigat nito para sa aming mga pangkaraniwang trabahador na kumikita ng kakarampot lamang. Maraming salamat po.
0910966xxxx – Mr. Tulfo, isa po akong rider na taga-Taytay, Rizal. Araw-araw po akong dumadaan sa C-5, Taguig City papasok sa aking trabaho. Kagabi po ay may pumara sa
aking bata na nasa edad na pitong taon. Ang sabi po sa akin ay nawawala siya at makikisabay hanggang Pasig City. Naawa po ako at isinakay ko. Hindi pa po kami masyadong nakakalayo ay pinara ako ng dalawang lalaki na nagpakilala na mga pulis. Ayon po sa kanila ay bawal mag-angkas ng walang dalang helmet at bigla po akong hiningan ng limang daang piso para hindi na raw po humaba ang usapin at maiwasan na ang abala. Ayon po sa aking mga napagtanungan, ito ay madalas nilang ginagawang raket na kasabwat ang batang magkukunwaring nawawala at makikisabay. Sana po ay mabigyan ninyo ng aksyon at solusyon ang problemang ito. More power po sa inyong show.
0917403xxxx – Mr. Action Man, ako po ay isang concerned citizen. Nais ko pong ireport ang isang abusadong pulis na naghahari-harian dito sa Makabayan, Barangay Obrero, Quezon City. Ito po ay madalas manutok ng baril sa mga residente. At nagawa rin po nitong mambatok ng isang ta-nod gamit ang kanyang baril. Sobra na po ang pang-aaping ginagawa nito sa aming lugar. Ito po ay nagngangalang Escober. Sana po ay maipahatid ninyo sa kanyang pinuno ang ginagawa nitong pagmamalabis.
0908625xxxx – Sir Raffy, gusto ko pong isumbong sa inyong programa ang katiwaliang ginagawa sa aming
Barangay Payatas A, Quezon City sa pamumuno ni Barangay Captain Rosario Dadulo. Kumuha po ako ng Barangay Clearance at nagbayad po ako ng P300. Karapatan ko pong humingi ng resibo pero sabi po sa akin ay wala dahil iyon daw po ang kalakaran ng kanilang barangay. Sana po ay mapaimbestigahan ninyo ang maling gawain ng mga taong ito. Siguradong sa bulsa lang ng kanilang pinuno napupunta ang mga nakokolektang pera rito. Sana po ay masolusyunan ito sa lalong madaling panahon. Salamat po.
SIMULA NGAYONG araw, ang WANTED SA RADYO ay pansamantalang muling mapapakinggan sa oras na 12:30-2:00pm sa 92.3 News fm Radyo5. Ito ay para bigyang daan ang coverage sa impeachment trial sa senado. Ito ay mapapakinggan Lunes hanggang Huwebes sa nabanggit na oras at pagdating ng Biyernes, break ng impeachment, ito ay babalik sa dating oras na 2-4pm.
Ang T3 ay mapapanood Lunes hanggang Biyernes sa oras na 5:15-6:00pm sa TV5. Samantalang ang WANTED naman ay mapapanood sa bago na nitong oras pagkatapos ng Pilipinas News Live, tuwing Lunes, sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo