ANG KATOTOHANAN ay sadyang mailap sa mga taong hindi tumatalima sa lohiko at pawang emosyon lamang ang pinaiiral. Hindi rin maaaring makaligtas ang mga taong nagtatago sa kasinungalingan kahit pa sadyain nilang baguhin ang mga pangyayari batay sa kanilang pagsasalaysay at pakikipagkuntiyabahan sa mga taong kanilang kasapakat sa pagtatago ng katotohanan.
Ang naganap na karahasan sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 na PNP-SAF ay unti-unti nang lumilinaw sa paglipas ng mga araw, dahil sa mga pahayag na nakukuha ng mga mambabatas at ng media mula sa mga imbestigasyong ginagawa ng Mataas at Mababang kapulungan ng Kongreso. Naipagtatagni-tagni ng mga senador at kongresista ang mga istoryang lumalabas sa kanilang mga pagtatanong at mula rito ay nabubuo ang tunay na katotohanang hinahangad nating lahat.
Kung ibabase ang katotohanan ayon sa dikta ng lohiko, ang kuwentong malilikha ay mag-uugnay sa mga taong responsable sa kapalpakan ng pagpaplano at paggawa ng maling desisyong maaaring naging malaking bahagi ng dahilan kung bakit namatay ang mga bayani ng “Fallen 44”. At sa paglabas ng katotohanang ito, ano ang dapat mangyari? Mayroon ba tayong dapat gawin? Maparurusahan ba ang may gawa at naging bahagi ng trayedya sa Mamasapano?
SA HULING pagdinig sa Senado ay naging malaking palaisipan ang isang tanong na hindi tuwirang nasagot ng mga heneral ng nauugnay sa isyung ito. Partikular din ang tila paggamit ni Gen. Allan Purisima ng pribilehiyo at kapangyarihan mula sa Ehekutibo para takasan ang tanong na “Sino ang nagsabi sa Pangulo tungkol sa nagaganap sa Mamasapano at anong oras ito nalaman ng Pangulo?” Maaaring sa tinatakbo ng pagbubuo ng katotohanan ay ang sagot sa tanong na ito ang susi sa pagbubukas sa pinto ng katotohanan.
Sa mga naunang pahayag ng Pangulo ay mapapansin natin ang tila maingat niyang pagpapaalala na ang tunay na katarungan ay makakamit sa pagkakaroon ng kapayapaan sa Mindanao at ito ay sa pagsasabatas ng BBL o Bangsamoro Basic Law. Marami rin ang nadismaya dahil tila walang diin ang mga pahayag ng Pangulo sa pagtugis sa mga MILF na naging bahagi ng pag-massacre sa 44 na PNP-SAF. Mas lagi pa nitong binibigyang-diin at pilit na pinapasok ang BBL sa kanyang mga talumpati. Tila may pagkukumbinsi na ang BBL ang mas magbibigay umano ng kabuluhan sa pag-aalay ng buhay ng “Fallen 44”.
Mababanaag din ang pagkabalisa at pagkakonsenya sa mga ikinilos ng Pangulo matapos ang insidente sa Mamasapano. Ang hindi niya pagsalubong sa Villamor Airbase na nagpakita ng kawalang pagbibigay halaga sa mga namatay na PNP-SAF at ang kabaliktarang damdamin naman ng pagbibigay ng maraming panahon sa pakikipag-usap sa bawat isang pamilya ng “Fallen 44” ay mga pangitaing nagsasabi ng mas malalim na pagkabalisa at pag-aalala ng Pangulong Aquino.
ANG TANONG na kailan nalaman ni PNoy ang nangyari sa Mamasapano ay malinaw ang kasagutan. Mula sa kanyang bibig ay sinabi niya sa kanyang pakikipag-usap sa hanay ng mga PNP-SAF na “MAAGA” pa lang ay nalaman na niya ang nangyari kaya gaya nila ay hapo at pagod din siya. Ito ang malaking palaisipan ngayon sa lahat. Ano ang implikasyon ng pag-amin ni PNoy na nalaman na niya ang nagaganap sa Mamasapano nang maaga pa lamang noong araw ng engkuwentro ng SAF sa MILF at BFF, at sa kabilang kamay ay pagtatakip ng mga heneral sa oras ng pagkakaalam ng Pangulo sa insidente?
Malaking bagay rin ang isang pagpapatunay na mayroong isang drone na maaga pa lamang ay nakitang lumilipad sa paligid ng Mamasapano, kung saan naganap ang sagupaan ng SAF, MILF at BFF. Hindi maitatanggi na ang paggamit ng drone ay isang pangkaraniwan ng bahagi ng military operations sa America. Ang planong paghuli sa mga teroristang nagtatago sa ating bansa ay suportado ng U.S. at sa katunayan ay sila pa mismo ang nagpatong ng malaking halagang pera para sa reward money ng makapagtuturo o makakahuli sa mga teroristang ito.
Sa araw ring iyon ay nagtungo ang Pangulo nang maaga sa Zamboanga para umano sa pag-uusisa sa kamakailang naganap na pambobomba rito. Kung pagdidikit-dikitin ang mga pahayag at istorya ay maaaring ipalagay na may isang higit na mahalagang pakay ang Pangulo sa pagpunta roon. Kaarawan din ito ng kapanganakan ni dating Pangulong Cory na pangkaraniwan ay nauuna ang isang banal na misa para rito sa pagsisimula ng araw ni PNoy. Ngunit hindi ito ang nangyari dahil maagang nagtungo si PNoy sa Zamboanga.
ANG DIKTA ng lohiko sa mga pangyayari ay maaaring kasama si PNoy sa command center ng mga heneral na nagmo-monitor ng kaganapan sa Mamasapano. Ito ay maihahalintulad sa “real time” na monitoring noon ni President Obama sa paghuli kay Osama Binladen. Kaya hindi direktang masagot ng mga heneral ang tanong ay mabubulgar ang isang highly classified na operation, kung saan kasama ang Pangulo sa “real time” monitoring.
Ang implikasyon nito ay ang pagkakasangkot din ng Pangulo sa mabagal na responde ng AFP sa pangyayari. Ang ibig sabihin ay maaari sanang nakaresponde nang maaga ang AFP kung nagbigay ng ganitong direktiba ang Pangulo. Ang isang paglipad lamang umano ng eroplano ng AFP ay maaaring nakapagpaatras sa mga MILF at BFF. Ang tanong ay bakit tila hindi agad nagbigay ng direktiba ang Pangulo sa paglusob ng AFP?
Ang aking hypothesis ay naging isang malaking dilemma ang pagliligtas sa buhay ng SAF at pagsasalba sa BBL, partikular sa protocol nitong tigil-putukan sa pagitan ng gobyerno at MILF. Umaasa ang Pangulo noon na maipatutupad ang tigil-putukan kaya hindi siya agad nagbigay ng direct order sa AFP para lumusob. Nagkamali siya sa pagbibigay ng timbang sa BBL ceasefire protocol kaysa sa agarang paglusob sa MILF para masalba ang SAF. Ito ay maaaring katotohanan.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo