PAGKATAPOS NG madugong bakbakan sa Zamboanga, balik na naman sa pagpupulong ang gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) para sa masusing 41st exploratory talks upang pag-usapan ang power-sharing. Ito ay isa sa apat na nalalabing bahagi ng comprehensive agreement na nakatakdang pirmahan ng dalawang panig ngayong taon.
Isang kumpletong Framework Agreement kasi ang magiging basehan para makagawa ng enabling law na ipapasa ng Kongreso para maging lehitimo ang pagpalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Dapat tutukan at gawing masusi ang paggawa ng isang balanseng polisya para sa power-sharing dahil isa ito sa mga masalimuot na bahagi ng Framework. Kailangan ding tiyakin ng gobyerno at MILF na sa pagkakataong ito ay magkakaroon ng representasyon ang lahat ng sektor sa Mindanao.
SINABI NI Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles na ang peace panels ng gobyerno at MILF ay nagsisiskap at desididong tapusin ang kanilang deliberasyon at aprubahan ang mga polisiya sa power-sharing.
Ang dalawang panig ay nagsimulang magpulong noong Martes sa Malaysia, kung saan sinikap nilang makakuha ng consensus sa power-sharing at normalization. Ito ang dalawang huling polisiya na idadagdag sa 2012 Framework Agreement on Bangsamoro.
Nauna nang matapos na repasuhin at aprubahan ng dalawang panig ang mga polisiya sa transitional arrangements, revenue generation at wealth sharing.
Ang punong negosyador ng gobyerno na si Miriam Coronel-Ferrer ay umaasa na ang gobyerno ay makabubuo ng isang pinal na kasunduan kasama ang MILF na magiging katanggap-tanggap sa buong komunidad ng Moro at makapagdadala ng tunay na kapayapaan sa Mindanao.
Dagdag pa ni Ferrer na ang Framework ay magbibigay ng kapangyarihan sa mga komunidad ng Moro at sa lahat ng sektor, maging ano mang tribo, relihiyon at kulturang identidad ay makikinabang.
Ayon naman kay Muhaquer Iqbal, Chairman ng MILF peace panel, handa na rin ang kanilang panig para sa final peace pact na magbibigay ng kapakinabangan sa buong komunidad ng Moro na kanilang isasama sa ilalim ng Bangsamoro political entity.
NAGSIMULA ANG Peace talks sa pagitan ng gobyerno at MILF noong January 7, 1997 ngunit umusad lamang ang usapang pangkapayapaan nito lang mga nakaraang taon nang magkaroon ng partisipasyon ang bansang Malaysia, mga foreign peace advocacy groups at international donor organizations bilang third party upang mamagitan sa interes ng gobyerno at MILF.
Kung susuriin nating maigi ang Peace talks, malaking bagay ang partisipasyon ng bansang Malaysia. Ang implikasyon nito ay natural na hindi nagpapasakop ang mga komunidad ng Moro sa pamahalaan. Ang ibig sabihin, sa simula pa lang ay tinitingnan na nakahiwalay ang lipunan ng mga komunidad na Moro sa ating pamahalaan.
Ang nakikita kong mangyayari sa huli ay lalabas na ang tagumpay ng Framework Agreement on Bangsamoro ay ang pagdedeklara sa Mindanao bilang isang malayang estado.
Napapanahon na siguro upang tanggapin natin na ang Mindanao ay isang hiwalay at may sariling kasarinlan. Bigyan natin ito ng pagkakataon na magpatuloy ayon sa kanilang relihiyon at kultura.
Ang Pilipinas ay nalagay rin sa ganitong sitwasyon. Matagal din tayong nangarap at nakipaglaban sa bansang Spain at U.S. para sa ating kasarinlan. Maaaring ang Mindanao ay isang maliit na bansa sa loob ng Pilipinas.
Ang Taiwan ay minsan ding nasa ganito ang kalagayan sa ilalim ng bansang China at marami pang mga maliliit na bansa ang maihahalintulad sa pagkauhaw ng Mindanao para sa tunay nilang kalayaan.
Naging mahaba at madugo rin ang labanan sa Mindanao sa ngalan ng kasarinlan at sa paghahanap ng tunay na kapayapaan. Nakapagtatakang isipin na kadalasan, ang tunay na kapayapaan ay resulta ng isang madugong labanan!
Shooting Range
Raffy Tulfo