MARAHIL ALAM nating lahat ang Simbang Gabi. Alam natin na ito ay serye ng siyam na misa sa madaling-araw na taun-taong nagsisimula ng ika-16 ng Disyembre at nagtatapos sa ika-24 ng Disyembre. Nagsisimula nang alas-kuwatro ng madaling-araw ang misa at kapag nasa ika-siyam na araw ka na ng Simbang Gabi, ito ay tinatawag na midnight mass.
Marahil alam din nating lahat lalo na ng mga kabataan na kapag nakumpleto mo ang Simbang Gabi, puwede kang humiling sa Diyos ng kahit ano at kanya itong tutuparin. Kaya kay rami ang bumabangon nang maaga at nilalabanan ang antok para matapos ang tradisyong Pinoy na ito.
Marahil alam nating lahat na hindi maipagkakaila na karamihan sa kabataang nagsisimbang gabi ay hindi kasama ang pamilya sa misa kundi kasama ang mga kaibigan o kaya ang kanilang nililigawan o kaya naman ng kanilang kasintahan. Kaya nga sa diksyunaryo ng mga bagets, ang Simbang Gabi ay kasinghulugan na rin ng Simbang Tabi.
Pero ang hindi nalalaman ng karamihan ng mga tao, lalo na ng mga kabataan ay ang tunay na kahulugan at pagdaos ng Simbang Gabi. Dahil kung ano ang nabanggit ko sa itaas, ‘yun lang ang nalalaman nila. Dahil para sa kanila, kaya kailangan tapusin ang Simbang Gabi dahil ito ay obligasyon. Kaya kailangang tapusin ang Simbang Gabi dahil para “in” ka sa mga tao. Kaya kailangan tapusin ang Simbang Gabi dahil para makapag-wish ka. Kaya kailangan tapusin ang Simbang Gabi dahil para makasama mo ang iniibig mo. Nakalulungkot naman na hindi isinasapuso ng mga kabataan ngayon ang Simbang Gabi.
Kaya nais kong ibahagi sa inyo kung ano ba talaga ang tunay na Simbang Gabi.
Ang Simbang Gabi ay pamana sa atin ng mga Espanyol. Ito ay kilala rin sa tawag na Misa de Gallo. Noong mga unang panahon, mga magsasaka ang nagsi-Simbang Gabi. Dumadaan muna sila sa mga simbahan para magmisa bago pumunta sa kanilang mga ani.
Masaya ang pagdaos ng Simbang Gabi noon dahil sabay-sabay ang buong pamilya at buong baryo sa pag-Simbang Gabi dahil pagsapit ng alas-tres ng madaling-araw, sabay-sabay na kakampana ang mga bells sa simbahan upang gisingin ang mga tao. Senyales ito na kinakailangan n’yo nang maghanda para sa alas-kwarto na misa.
Ang Simbang Gabi ay hindi lang basta-basta misa. Hindi ito tulad ng regular na misa kada Linggo. Ngunit ito ay ispiritwal na paghahanda sa pagsilang ni Hesus. Kaya ang pagsasapuso ng Simbang Gabi ay mahalaga sa ating lahat para maramdaman din natin ang presensya ni Hesus.
Maling-mali na sabihin na ang Simbang Gabi ay para samahan ang iyong mga nobyo at nobya. Dahil ang tunay na sinasamahan mo rito ay ang Birheng Maria na naghihintay sa kanyang pagluwal sa anak na si Hesus.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo