LIMANG ARAW lang ang inilagi ni Pope Francis dito sa Pilipinas, pero para bang kakaiba talaga ang epekto ng Pope Fever sa atin. Paniguradong pang-habang buhay natin itong dadalhin sa ating mga puso.
“Unli Smile”, ‘yan na nga ang ibinansag natin kay Pope Francis dahil para bang automatic ang kanyang pagbibigay ng ngiti sa bawat mamamayan. Hindi lang ito simpleng ngiti dahil mararamdaman mo ang kanyang pagkakagalak sa kanyang mga ngiti na makita niya ang bawat isa. Unlimited o hindi nauubos ang kanyang mga ngiti. Para bang hindi siya nangangawit at napapagod kangigiti sa mga libu-libong nag-aabang sa kanya tuwing siya ay nagmo-motorcade.
“Mapagmahal na mga mata”, makikita mo talaga sa mata ng ating Santo Papa ang kanyang sinseridad. Ito nga ang mga tingin na hindi lang nakatutunaw kundi nakapagbibigay ng bagong pag-asa sa mga Pilipino. Kakaibang eye contact ang mayroon nga si Pope Francis, dahil kahit libu-libo at siksikan ang mga taong nakapaligid sa kanya, kapag siya ay tumingin para bang solong-solo mo ang Santo Papa at para bang ikaw lang ang tinitignan niya. Sabi nga ng mga mamamayan na na-interview sa mga news channel sa bansa, kahit dalawang segundo lang silang natingnan ng Santo Papa, kakaibang pakiramdam ang naidulot sa kanila. Pakiramdam nila, sila ay na-bless na ng Panginoon.
“Masiglang pangagatawan”, sa edad na 78, hindi mo aakalain na kayang-kaya niyang labanan ang jetlag sa tuwing siya ay bibiyahe. Kung maaalala n’yo, nang ang kanyang eroplano ay lumapag sa bansa sa oras na 5:30 ng hapon, nagawa pa niyang mag-motorcade nang walang bahid ng pagod sa kanyang mukha kahit gabing-gabi na. May mga pagkakataon pa na sinusuyod niya ang mga lugar, kung saan may mas maraming tao na nag-aabang sa kanya para sila ay pasayahin ng kanyang presensya. Minsan na rin niyang binago ang mga pinlanong ruta ng kanyang motorcade para mas mapalapit sa mga tao. Masigla ang kanyang pangangatawan sa edad na 78.
“Mapagmahal sa lahat”, bata man o matanda, ano man ang seksuwalidad, mahal na mahal ka niya. Kilalang-kilala si Lolo Kiko bilang Santo Papa ng reporma. Maraming pagbabago ang ipinakita ni Pope Francis na taliwas sa stand ng simbahan noon. Gaya na lamang ng pagtanggap niya sa mga bakla at tomboy. Sabi nga niya “Who am I to judge?” Idagdag mo pa sa listahan ang kanyang pagkilala at pagtanggap sa mga atheist at sa mga taong may ibang relihiyon. Kanya na ring nasabi na hindi mo naman kailangan maging Katoliko para mapunta sa langit. Sa tuwing siya ay magmo-motorcade, kapansin-pansin ang kanyang paghihinto sa tuwing may bata siyang makikita. Kanya itong ipaaabot sa mga Swiss Guards, kanyang hahalikan at bebendisyunan. Naglalaan din siya ng espesyal na oras para sa mga taong may karamdaman. Kanya rin itong hinahalikan at ipinagdarasal.
“Selfie Pope”, si Pope Francis na nga ang Santo Papa ng bagong henerasyon. Biruin mo, isang Santo Papa, pumapayag at nagpapa-selfie sa mga bagets? Aba! Kakaibang Pope mayroon ang herenasyon ngayon. Kaya napakasuwerte talaga ng mga kabataan ngayon, bilang nagkaroon tayo ng ganitong oportunidad na makasalamuha ang Santo Papa sa ating murang edad.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo