ILANG LINGGO na ang nakararaan, nakapanayam ko sa aking teleradyong programang Wanted Sa Radyo sa Radyo5 at AksyonTV Channel 41 si Congresswoman Mitos Magsaysay tungkol sa talamak na problema sa smuggling.
Matatandaang si Magsaysay ang nagpaimbestiga sa Kongreso noong nakaraang taon tungkol sa libu-libong mga naipuslit na container sa Bureau of Customs na hindi nakapagbayad ni singkong buwis.
Sa nasabing panayam, sinabi ko sa palaban na kongresista ang tungkol sa rampant smuggling ng ukay-ukay at garapalang bentahan ng mga ito sa merkado.
Ang ukay-ukay ay isa sa mga banned item sa importation lists ng BoC. Pinapayagan lamang itong makapasok ng bansa sa kundisyong didiretso sa DSWD, para ang nasabing ahensiya naman ang siyang magpapamudmod ng mga segunda manong donasyong damit na ito sa mga nasalanta ng anumang sakuna.
Bagama’t hindi sigurado si Magsaysay kung bawal nga ang importation ng ukay-ukay ng mga private individual para ibenta sa open market dahil matagal na nga raw mayroong ukay-ukay sa ating bansa, nangako ang kongresista na paiimbestigahan niya ang ukay-ukay smuggling.
NOONG NAKARAANG Biyernes naman, June 29, nakapanayam ko si Deputy Commissioner for Intelligence Group Danny Lim tungkol pa rin sa ukay-ukay. Wala nang paliguy-ligoy pang sinabi ng fearless and highly decorated retired Army general na bawal ang importation ng ukay-ukay.
Idinagdag pa ni Lim na walang ukay-ukay na dapat ibinebenta sa merkado at ito ay kinailangang nasa mga bodega lamang ng DSWD.
Ipinangako rin ng no-nonsense and former scout ranger na paiimbestigahan niya ang talamak na smuggling ng ukay-ukay at tutukuyin ang mga taong nasa likod nito.
IBINATO KO kay Lim ang mga broker at consignee na Celo Marketing at Angelica Plantilla – kasama na rin ang Fermo Enterprise at Dennis Katapat, na dapat niyang paimbestigahan at isalang sa 100% examination ang mga kargamento. Binanggit ko rin kay Lim na isang alias Tebes ang dapat din niyang bantayan.
Isa pang Chinaman na nagngangalang CHEN LI QUN alias GEORGE SISON TAN ang sinabi ko rin kay Lim na kinailangang tutukan ng kanyang grupo. Matatandaang si Tan ay naaresto noong March 17, 2011 ng pinagsanib na puwersa ng Customs Intelligence and Investigation Service at National Bureau of Investigation dahil sa illegal na pagkakaroon ng AFTA (Asean Free Trade Agreement) forms.
Ang AFTA form ay ginagamit ng mga lehitimong importer para makakuha ng zero tax payment sa kanilang mga kargamento.
Napag-alaman ng mga awtoridad na ang AFTA forms na nakulimbat kay Tan ay pawang mga ipinuslit papasok ng bansa mula China.
PAGKATAPOS KONG makapanayam si Lim, isang text ang a-king natanggap at nagsasabing si alias Tebes daw ay kagagaling lamang sa Office of the Commissioner ng mismong araw ring iyon. Pero ang mas nakababahala na nilalaman pa ng nasabing text ay isang babaeng mambabatas raw ang padrino ng mga sindikato ng ukay-ukay.
Katunayan, dagdag pa ng text, tumatanggap diumano ang nasabing mambabatas ng 350K kada linggo mula sa mga sindikato ng ukay-ukay. At ang taga-abot daw ng tong ay isang alias Tagor.
Ayon naman sa isang beteranong kawani ng BoC, si Tan naman ay protektado umano ngayon ng isang mataas na opisyal sa NBI. Ang opisyal na ito raw ay may sarili umanong brokerage. Lahat daw ng importation ni Tan ay ipinapasa sa brokerage ng nasabing NBI official.
Bukod sa nasabing opisyal, ipinangangalandakan din ni Tan ang kanyang kuneksyon sa tanggapan ng Executive Secretary sa Malacañang.
Shooting Range
Raffy Tulfo