MUKHANG MAHIRAP alisin sa isipan ng mga Pilipino ang bangungot na dinanas natin sa mga Amerikanong sundalo noong nandito pa ang mga base militar ng US. Bukod sa mahigpit na patakaran ng US Military base sa Subic at Clark, kahit mga opisyal ng gobyerno ay hindi maaaring makapasok noon sa kani-lang kampo.
Patung-patong din ang mga kaso ng human rights violation at pang-aabuso sa mga kababaihang Pilipino. Malaki rin ang problema sa prostitusyon at ang pinakanakagagalit ay ang pagbubugaw mismo ng mga magulang sa mga anak nilang pawang mga menor de edad.
Kung ganito kasama ang alaalang iniwan ng mga US military bases na iyan, talagang mahirap limutin ang pait na ito na nag-iwan ng malalim na sugat sa puso ng bawat Pilipino!
KAMAKAILAN LANG ay ipinaliwanag at nilinaw ng Defense Secretary ng US na si Chuck Hagel ang naging kasunduan nila ni Pangulong Aquino sa kanilang pagpupulong. Mas dadalasan lamang diumano ang pagdating ng puwersang US military para mas maramdaman ang presenya nila sa bansa.
Sa ganitong sistema ay mas darami ang mga programa upang sanayin ang mga Pilipinong sundalo sa mga makabagong pamamaraan ng pakikidigma. Ngunit, hindi nanga-ngahulugan na magiging permanente muli rito sa bansa ang mga base militar nila. Ito ang tiniyak ni Hagel.
Dagdag pa ni Hagel, ganito rin ang ginagawa ng US military sa iba pa nitong kaalyadong bansa dito sa Silangang Asia – gaya ng sa Singapore. Malalim na at hindi madaling masisira ang ugnayang militar ng US at Pilipinas, kaya lalo pa nilang palalakasin ang pagiging magkasangga natin.
Suportado raw ni Pangulong Aquino ang “framework agreement” kung saan iminungkahi ang “increased rotation of military forces”. Malaki rin daw ang maitutulong nito sa “defense modernization agenda” ni Pangulong Aquino.
Kapag natapos na ang “framework agreement” na ito, makagagamit na ang lahat ng mga military facilities na magpapalakas ng buong puwersa ng mga nagkakaisang bansa sa buong Asia Pacific.
Samantala, sinisigurado ng US ang kanilang pagpapahalaga at pagsunod sa mga itinakdang patakaran ng mutual defence treaty.
MINSAN SADYANG nakaaapekto nang lubusan ang isang mapait o tromatikong pinagdaanan. Kaya naman kailangan itong ipasailalim sa isang psychological therapy. Sa programang ito ay tutulungang maunawaan ang kanyang pinagdaanan. Bibigyan din siya ng mga obhetibong payo para maging malakas sa pagharap sa kanyang bagong buhay.
Halos sa ganitong konteksto napapaloob ang ating bayan. Nakaranas din tayo ng pang-aabuso ng mga Amerikanong sundalo noong nandito pa ang base militar. Kung babalikan pa natin ang kasaysayan at hihimayin ang pananakop ng America sa atin, lalo pang aalab ang galit at takot sa kanilang mga pangakong hindi natupad.
Gaya ng isang babaeng inabuso ng sundalong Kano, kai-langan din nating maunawaan ang ating pinagdaan sa kamay ng mga Amerikanong ito bilang isang bayan. Kailangan nating makawala sa takot na likha ng nakaraan.
Hindi tayo makauusad kung hindi natin malalagpasan ito at mapaglabanan ang takot. Mula nang alisin ang mga base militar sa bansa, hindi na rin umunlad ang institusyon ng sandatahang lakas sa ating bayan. Napako tayo sa mga lumang gamit pang militar na sinabayan pa ng korapsyon sa hanay ng mga general.
Panahon na upang pag-aralan natin ang ating takot. Nga-yong nahaharap tayo sa ibang puwersang militar na nagbabanta sa ating kalayaan, mas kailangan nating magpalakas ng Hukbong Sandatahan kahit pa mangahulugan ito ng muling pagbabalik ng ating tiwala sa mga Amerikanong sundalo.
Shooting Range
Raffy Tulfo