Ang watch list order at bastos na sinehan ni Boy Lao

KLARADO SA ATING Saligang Batas na ang sinuman ay may kalayaang bumiyahe (travel) sa kahit saang lugar niya nais pumunta! Of course, kung walang sabit ang kanyang travel documents.

At ang nasabing karapatan o kalayaang magbiyahe ng isang tao ay makakansela lamang sa pamamagitan ng isang kautusan ng korte. Kung ang mga dahilan ay “nasyunal na seguridad, kaligtasan ng publiko at pampublikong kalusugan” ang nakasalalay.

Sa mga ganitong sitwasyon, parekoy, magpapalabas ang korte ng tinatawag na Hold Departure Order o HDO upang ang isang indibidwal ay hindi pahintulutang magbiyahe.

Ang pag-iisyu ng HDO ay kapangyarihan o katungkulan na tanging sa hukuman lamang ipinagkaloob ng ating batas.

Ngunit noong panahong Arroyo, nagdisenyo si dating pangulong GMA ng tinatawag na Watch List Order o WLO kung saan ang Justice Secretary ay maaaring utusan ang Bureau of Immigration na pigilan ang pagbiyahe palabas ng bansa ng sinumang indibidwal na nasa WLO.

At kapag ikaw ay nasa WLO, ang tanging tsansa mo na umalis ay kung maglabas muli para sa iyo ang DOJ ng Allow Departure Order o ADO.

Dito na, parekoy, nagkakaroon nga-yon ng suliranin ang dating pangulong GMA. Dahil ang kanyang multong iniwan na WLO ay siya ngayong ginagamit na armas laban sa kanya. Ibig sabihin, dahil sa lintek na WLO kaya hindi ngayon nakakaalis ng bansa si GMA.

Siyempre, ngakngak kaliwa’t kanan ang ginagawa ng kanilang kampo. Lalo na ang mga kaalyado ng dating pangulo. Kesyo labag ito sa batas.

Ganu’n naman pala, eh bakit noong kapanahunan ni Arroyo ay hindi nila ito kinuwestiyon?

Dito naman sa administrasyon ni P-Noy, aba eh, sandamakmak na mga kautusan at proyekto ni GMA ang kanilang ipinatigil simula nang umupo sa poder si P-Noy. Ang katuwiran ay mali raw at maanomalya ang mga iyon.

Aba eh, bakit itong issuance ng WLO ay hindi kasama sa ibinasura gayong maliwanag naman na labag ito sa batas?

Ang sagot? Kasi nagagamit ito laban sa mga kalaban sa pulitika! P’we!

Kung gusto ni P-Noy na ipakitang patas siya at hindi bendiktibo, dapat ipatigil na sa DOJ ang pag-iisyu ng hinayupak na WLO. At ibalik na sa mga hukuman ang tungkuling magpalabas ng HDO.

Sabagay hindi ako apektado, parekoy, sa demonyong kautusan na ‘yan. Dahil ni singkong duling nga na pamasahe pauwi sa probinsiya ay wala ako! Hak, hak, hak!

MARAMING TEXT MESSAGE ang ating natanggap noong nakaraang linggo. Ang isinusumbong ay ang mga sinehan sa Metro Manila na matagal na palang dinudumog ng mga manonood.

Kaya nga sagot natin sa texter, aba eh, magandang senyales ‘yan. Ibig sabihin ay nahihilig na sa panonood ng sine ang ating mga kababayan. Lalo na ang ating mga kabataan, aba eh, mas maganda nang sa sinehan sila malibang. Kesa naman kung saan-saang lugar sila mapatambay at mahikayat pa sa kung anong kalokohan, gaya ng mga kabastusan.

Biglang textback ang ating impormante… sandali bossing, eh d’yan nga sa mga sinehang binabanggit ko, puro nga kabastusan at kalibugan ang kanilang napapanood!

Anoooooo?

Litanya ng ating texter: Ang mga sinehang ito sa Metro Manila na pag-aari ni Boy Lao ay aakalain mong ordinar-yong sinehan sa unang tingin. Pero pagpasok mo ay magdududa ka sa amoy ng kapaligiran, dahil puro malansang katas ang iyong masisinghot. At napakadulas na ng iyong lalakaran.

Aba eh, pulandit kabi-kabila pala ang nangyayari. Dahil matapos ang sandaling oras ng ordinaryong palabas ay puro na “ex-rated” o kangkangan ang isinasalang.

Kaya naman pala laging punuan ang nasabing mga sinehan ni Boy Lao eh, kakaibang palabas pala ang pinagka-kaguluhan ng mga manonood.

At ayon pa rin sa ating tawiwit, malakas itong si Boy Lao, hindi lamang sa mga LGU officials at kapulisan. Kundi maging sa maraming media personality.

Kaya nga tahimik lang sila. Dahil sa lingguhang parating sa kanila ni Boy Lao!

Next isyu parekoy ay hahalukayin natin ang iba pang kabulastugan nitong mabentang mabenta na mga sinehan ni Boy Lao.

Makinig sa aking programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: [email protected]; call or text 09321688734. 

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleMARIA Aragon
Next articleCiao, Ciao Bambina

No posts to display