ISA NA namang kabataang Pinoy ang nagsilbing inspirasyon at hinangaan ng maraming tao sa pagpapakita ng kanyang natatanging galing at talento sa buong mundo. Ang tinutukoy ko ay walang iba kundi ang pinakabatang Olympian figure skater na nakapasok sa 2014 Winter Olympics sa Sochi, Russia kamakailan lang na si Michael Martinez.
Si Michael Martinez ay 17 na taong gulang lamang. Hindi lang siya ang pinakabatang figure skater, siya rin ang kauna-unahang Pilipino at Southeast Asian na pumasok sa prestihiyosong Winter Olympics. Napabilib niya ang buong mundo sa kanyang husay at galing sa pag-skating sa kanyang murang edad. Nabanggit pa niya sa kanyang ilang interviews na natuto lang siyang mag-skating sa mall at napilitan pa siya sa kanyang unang subok sa ice skating rink. Kita mo nga naman mula sa pag-i-skating lang sa mall, ngayon, Winter Olympics na. Ang layo na nga ng narating ng kababayan nating ito.
Hindi man siya nakapag-uwi ng medalya matapos ang ikalawang eliminasyon kung saan siya ay lumapag sa ika-19 na puwesto sa nasabing Olympics, hindi matatawaran ang kakaibang inspirasyon na naibigay niya sa kabataan hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo. Nakakuha siya ng iskor na 184.25 na puntos sa kasagsagan ng 2014 Winter Olympics.
Maidagdag ko lamang, sa unang pagpapakitang-gilas na naganap, umani siya ng iskor na 64.81 na puntos, ang nabigay daan para siya ay makatungtong sa ikalawang round kung saan ito free program. Kumbaga, kanya-kanyang styles sa figure ice skating ang kanilang ipamamalas.
Noong eliminasyon ng Biyernes, nakakuha ng 119.44 na puntos sa kanyang routine matapos niyang pabilibin ang lahat sa kanyang mahihirap na stunts na ginawa tulad ng triple axels, triple double toes, double flip. Siya ay nadapa sa paggawa ng triple loop pero agad naman siyang bumangon at nakabawi sa kanyang mga trademark spins. Tinapos niya ang kanyang routine sa pagpapamalas ng Biellmann Spin, isang pinakamahirap na galaw para sa isang lalaking figure skaters. Kaya nga matapos ang kanyang pagpapakita ng galing sa ice skating rink, napabilib na lang ang babaeng commentator ng Olympics at nasabing “he’s giving it everything that he’s got and he’s fighting right to the finish.” Idinagdag pa niya na ang kanyang performance ay dapat ika-proud ng lahat.
Lingid sa kaalaman ng iba, sinangla ng kanyang ina ang bahay nila upang matugunan ang lahat ng gastos sa Olympics. Hindi biro ang naglalakihang halaga ng mga gastusin, nariyan ang gastos sa transportasyon, gastos sa pang-araw araw sa Russia, gastos sa training at gastos para sa bayad sa coach.
Wala naman tayong dapat ikalungkot kung hindi siya nakapag-uwi ng medalya dahil sobrang higit pa sa medalya ang naiuwi niya para sa kanyang mga kababayang Pilipino. Pinatunayan niya na hindi problema ang pera, ang edad basta may determinasyon kang patunayan ang talento mo sa lahat. Lahat ng pagsubok malalagpasan at makararating ka sa iyong rurok ng tagumpay.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo