Nakaplano na ang pag-uwi ni Angel Bonilla sa Pilipinas by the end of June para gumawa ng sariling album at asikasuhin ang singing career sa sariling bayan.
Pagkatapos niyang manalo bilang 2nd runner-up sa Discovery International Pop Music Festival sa Varna, Bulgaria, tumuloy siya sa Los Angeles, California. Isang bonggang selebrasyon ang inihanda ng mga kaibigan ng Pinoy transgender.
Naging punong abala ang kanyang mentor, Net 25 newscaster, Philippine socialite, at produkto ng Star Magic na si Eduard Bañez mula nang salubungin nila sa airport. Pati na rin ang friend nito na Hollywood star na si Jai Rodriguez at celebrity chef na si Joey Santos.
“Huge congrats to my good friend Angel Bonilla for placing second runner-up in a HUGE overseas song writing competition. Making her the first trans person to placed. Hollywood loves ya and loves that you represent your home country – Philippines (which I’ve been to and completely love the people and the culture),” pagbati ni Jai.
Naging isyu ang pagki-claim ng kampo ni Angel na first transgender na nagdala ng karangalan sa Pilipinas, dahil nanalo na rin daw sina Kevin Balot at Trixie Maristela bilang Miss International Queen winners na ginanap sa Thailand.
“Sa singing, si Angel ang first. Sa pageant sila,” paglilinaw ni Eduard.
“Ang importante riyan, nakikilala ang mga Pinoy transgender sa buong mundo at nilalagay nila ang mapa ng Pilipinas sa ibang bansa. Hindi na kailangang pagtalunan pa ‘yan,” dagdag pa ni Eduard.
Iniintriga rin sina Eduard at Angel kung may relasyon ba?
“Hahaha! Hindi, transgender siya, eh. Kailangang iangat ko siya para hindi naman sabihin ng tao na dini-discriminate ng INC ang mga transgender,” pakli niya.
“Huwag ganyan, baka itiwalag ako. Hahaha!” sambit pa ni Eduard.
Kahit si Jai ay hindi rin daw dyowa ni Angel dahil hindi sila talo. Magkakaibigan lang daw sila at nagsusuportahan sa US.
Right now, tuloy ang gig ni Angel sa Sofitel, Los Angeles. Nakatakda rin ang guesting niya sa “The Talk” sa CBS channel sa tulong ng Fil-am Emmy award-winner producer na si Marc Anthony Nicolas. Matunog din ang balitang napupusuan si Angel na ma-nominate sa isang prestigious na Music Awards sa LA.
John’s Point
by John Fontanilla