Pagkatapos gumawa ng pangalan sa abroad ang transgender at “X-Factor 2011” alumna na si Angel Bonilla, nasa bansa siya ngayon at gustong magmarka sa local showbiz scene.
Kabilang sa plano ni Angel Bonilla ang makagawa ng album sa Pilipinas. “Yes, plano kong gumawa ng album dito sa Pilipinas. Isa iyan sa dream ko,” saad niya.
Pahabol pa ng singer, “Pero magiging patient ako. Ayaw ko naman kasi ‘yung tira nang tira. Gusto ko ay maging sure ako sa mga ginagawa ko. Basta ngayon, dito muna ako sa Pilipinas, come what may.”
Bukod sa “X-Factor USA”, siya ay naging 2nd runner-up sa Discovery International Music Festival sa Varna, Bulgaria nitong May 2016.
Isa si Angel sa tampok sa show na “Voices …The Concert” na gaganapin sa Zirkoh Tomas Morato, sa August 24. Dito’y ka-back to back ni Angel ang “X Factor Israel” grand winner na si Rose ‘Osang’ Fontanes. Kasama rin dito ang “Your Face Sounds Familiar” 1st runner-up na si Michael Pangilinan, at iba pa.
Bata pa lang ay hilig na raw talaga ni Angel ang musika.
“Bata pa lang ako, six years old ako, kumakanta na ako. Sumasali na ako sa mga contest. Darating ako roon na lalaki, pero paglabas ko ay babae na ako,” natatawang pagbabalik-tanaw pa niya.
Nang sumali raw siya sa X-Factor USA, muntik na siyang sumuko pero nagtiyaga siya para sa kanyang pangarap.
“Mahal ang parking, mahal ang pagkain. Mahal talaga lahat. Siguro ang parking US$40. Dumating ako sa point na, kasi tatanggalin nila ‘yung pagkain sa bag mo, so ang ginagawa ko’y inilalagay ko yung boiled egg sa bra ko. Para hindi ako magutom, naglalagay talaga ako ng mga pagkain sa bra ko.
“Mahirap din kasi sa mga ganoon, kailangan may pera ka. Like, tinitiis ko na lang na ang iniinom ko ay tap water na kinukuha ko lang sa gripo sa CR, kasi mahal doon e, five dollars ang presyo ng bottled water.
“Nang natanggal ako sa X-Factor, na-depress ako, iyak ako nang iyak at ayaw kong makakita ng letter-X. Ayaw kong manood ng reality show. Kasi at that time, naramdaman ko na, e…”
Sinabi rin ni Angel na misyon na niyang baguhin ang pananaw ng iba ukol sa mga transgender. “Kabilang sa misyon ko na baguhin ang paningin ng ibang tao sa transgender. Gusto ko na makita nila na kahit ano’ng gender mo, no matter who you are, if ang puso mo ay malinis at talagang ang passion mo ay nasa artistry mo, mangyayari at mangyayari na makikilala or sisikat ka.”
Open ka bang magpa-sex transplant?
Sagot niya, “Oo, kapag may pera na. Kasi ang pera ko ay napupunta sa music ko. Sa totoo lang, kahit pagbali-baligtarin natin, kahit naman durugin ako nang pinung-pino, transgender pa rin ako. Kaya dapat mahalin mo rin kung ano ka, mahalin mo ang sarili mo. Ako, I’m proud of it, proud ako sa pagiging transgender ko.”
Nonie’s Niche
by Nonie V. Nicasio