VIRAL ang lumabas na photos ni Angel Locsin kasama ang fiancé na si Neil Arce habang namimili siya ng relief goods sa NCCC Uyanguren Mall sa Davao City noong Nov. 1.
Halos isang truck ng relief goods ang pinamili ni Angel na ayon sa aming source ay umabot ng mahigit kalahating milyon. Karamihan dito ay bigas, tubig, cup noodles at iba pang basic needs ng mga pamilyang nabiktima ng lindol sa Mindanao.
Imagine, habang abala ang marami sa pagdalaw sa mga namayapang kaanak sa mga sementeryo at pagdalo sa Halloween parties ng marami nung Undas, mas pinili ni Angel ang magkawang-gawa.
Matatandaang niyanig ng 6.5 magnitude earthquake ang ilang lugar sa Mindanao noong umaga ng Oct. 31. Pangatlo na ito sa malalakas na lindol na yumanig sa Mindanao area.
Hindi lang ngayon nagpaabot ng tulong si Angel sa ating mga kababayan sa Mindanao o sa mga pamilyang nabiktima ng kalamidad. Kapag may mga ganitong trahedya ay nagkukusa siyang tumulong sa mga biktima na hindi ipinapaalam sa media katulad na lamang noong nagkaroon ng krisis sa Marawi City noong 2017.
Nag-subasta rin si Angel ng kanyang sasakyang 1970 Chevrolet Chevelle para naman sa mga biktima ng Super Typhoon Yolanda noong 2013.
Sa pamamagitan naman Twitter account ni Sen. Dick Gordon ay pinasalamatan niya si Angel at Neil sa personal na pagpunta sa Philippine Red Cross Davao del Sur Chapter at boluntaryong pagsama sa pamamahagi ng relief goods at hygiene kits sa mga biktima ng lindol.
Kapansin-pansin na karamihan sa caption ng trending photos ni Angel sa social media ay tinatawag siyang “anghel sa lupa.” Bagay na bagay daw ito sa kanyang pangalang Angel at sana raw ay dumami pa sa showbiz ang mga katulad niya.
Mabuhay ka, Angel Locsin!