SUPORTADO ng ABS-CBN at Star Magic ang mga artista nitong sina Angel Locsin at Liza Soberano na nabiktima ng red-tagging ng isang heneral.
Sa isang pahayag ng ABS-CBN ay ikinababahala nila ang ginagawa ng ilang tao na pagbansag kay Angel bilang parte ng New People’s Army (NPA).
“Lubos na nababahala ang ABS-CBN sa maling pagbabansag kay Angel Locsin bilang miyembro ng NPA. Ang pagkakawanggawa at pagpapahayag ng sariling opinyon ay hindi dapat gawing basehan para tawaging miyembro ng mga komunista,” ayon sa official statement ng kompanya.
Ayon naman sa Star Magic, ang talent arm ng network kung saan kabilang si Liza, sinusuportahan nila ang aktres sa mga adbokasiya nito.
“Kaisa ang ABS-CBN at Star Magic sa pagsasalita ni Liza Soberano laban sa mga paglabag sa karapatan ng kababaihan. Ito ay sarili niyang paninindigan at hindi ng sinumang tao o grupo,” anila.
Matatandaang nabulabog ang social media at ilang mambabatas sa sinabi ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa Facebook na huwag daw iugnay si Soberano sa komunismo, pero sa parehong pahayag ay tila iyon ang mismong ginawa ng naturang opisyal.
Maging si Locsin at Miss Universe 2018 Catriona Gray ay dinamay din ng heneral.
Dahil sa batikos, pinagsabihan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana si Parlade na maghinay-hinay sa pag-akusa kung walang ebidensya.
Ani Lorenzan, “Kung wala kang ebidensya do not talk about it. Huwag kang magpunta sa media or sa Facebook… Di naman puwede na lahat na shotgun ka ganun. So be selective and dapat may ebidensya tayo. ‘Wag mo sabihin leftist ‘yan, NPA ‘yan, dapat may ebidensya tayo otherwise just keep quiet.”